Mga Tagubilin Para sa mga Gumaganap ng Bahagi sa Pulong sa Paglilingkod
Simula sa isyung ito ng Ating Ministeryo sa Kaharian, pinasimple ang mga pananalita sa iskedyul ng Pulong sa Paglilingkod. Ang sumusunod na mga tagubilin at paalaala ay mga pagbabago at paglilinaw sa mga tagubiling binanggit sa artikulong “Kung Paano Maghahanda Para sa Pulong sa Paglilingkod,” sa Mayo 2009 ng Ating Ministeryo sa Kaharian.
◼ Pahayag: Tumutukoy ito sa diskurso na salig sa iniatas na materyal at walang partisipasyon ng mga tagapakinig. Ang tagapagsalita ay dapat magpokus sa kung ano ang higit na makatutulong sa kongregasyon.
◼ Tanong-Sagot: Gaya ng Pag-aaral sa Bantayan, ang bahaging ito ay may maikling introduksiyon at konklusyon, at dapat ibangon ang mga tanong para sa bawat parapo. Dapat iwasan ng konduktor na magkomento nang mahaba. Puwedeng basahin ang mga susing teksto hangga’t may oras. Hindi babasahin ang mga parapo malibang nasa instruksiyon ito.
◼ Pagtalakay: Ito ay pahayag na may partisipasyon ng mga tagapakinig. Hindi ito isang pahayag lamang, at hindi rin basta tanong-sagot.
◼ Pagtatanghal at Interbyu: Kapag ang bahagi ay may pagtatanghal, dapat tiyakin ng naatasang brother na magsaayos ng pagtatanghal; hindi naman kailangang siya mismo ang magtanghal. Dapat na kuwalipikado at huwaran ang mga pipiliin niyang magtanghal, at dapat na patiuna niya silang maihanda kung posible. Sa pagtatanghal kung paano isasagawa ang ating ministeryo, mas mabuting hindi gumamit ng mga bagong mamamahayag na wala pang gaanong karanasan para lamang mabigyan sila ng pagkakataong magkabahagi. Pero puwede namang gamitin ang ilan bilang may-bahay. Dapat na laging nakaharap sa mga tagapakinig ang mga magtatanghal. Ang mga gagamitin sa interbyu ay dapat tawagin sa entablado imbes na magsalita mula sa upuan lamang. Dapat ensayuhin ang mga pagtatanghal at interbyu. Kung lalampas na sa oras ang pulong at kailangang paikliin ng brother ang kaniyang bahagi, iiwasan niyang kanselahin ang pagtatanghal at interbyu. Bago kumuha ng mga participant ang ministeryal na lingkod, dapat niya muna itong ikonsulta sa koordineytor ng lupon ng matatanda o sa ibang elder.
Kung ang isang bahagi ay may pantanging tagubilin, dapat itong sunding mabuti. Malaki ang magagawa ng pagganap ng mga bahagi sa Pulong sa Paglilingkod ayon sa mga tagubilin sa itaas upang ang pulong na ito ay “maganap . . . nang disente at ayon sa kaayusan.”—1 Cor. 14:40.