Kung Paano Maghahanda Para sa Pulong sa Paglilingkod
1. Ano ang layunin ng Pulong sa Paglilingkod? Paano tayo lubos na makikinabang dito?
1 Ang Pulong sa Paglilingkod ay dinisenyo para tulungan tayong maging mabunga sa ministeryo. Nakapokus ito sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, paggawa ng alagad, at sa paghahayag ng dumarating na paghatol ng Diyos. (Mat. 28:20; Mar. 13:10; 2 Ped. 3:7) Lubos tayong makikinabang sa mahalagang pulong na ito kapag naghanda tayong mabuti at nakibahagi.
2. Paano tayo maghahanda para sa pakikinig sa pahayag sa Pulong sa Paglilingkod?
2 Pahayag: Karaniwan na, ang mga materyal na gagamitin sa pahayag sa Pulong sa Paglilingkod ay makikita sa mga tagubilin para sa tagapagsalita. Puwede mong repasuhin ang mga materyal na ito, pati na ang sinipi ritong mga teksto, at pag-isipan kung paano maikakapit ang mga ito sa iyong ministeryo.
3. Paano tayo maghahanda para sa tanong-sagot na talakayan?
3 Tanong-Sagot na Talakayan: Ang bahaging ito ay kagaya ng Pag-aaral sa Bantayan, na may maikling introduksiyon at konklusyon. Guhitan ang pangunahing mga punto sa bawat parapo, at maghanda ng maiikling komento na magdiriin sa tatalakaying mga punto.
4. Paano tayo maghahanda para sa bahaging pakikipagtalakayan sa mga tagapakinig?
4 Pakikipagtalakayan sa mga Tagapakinig: Inihaharap ang bahaging ito sa pamamagitan ng pahayag, pero hihilingan ng tagapagsalita ang mga tagapakinig na makibahagi. Kung ginuhitan mo ang pangunahing mga punto at binasa ang siniping mga teksto, makakapagkomento ka kapag nagtanong ang tagapagsalita. Sisikapin ng brother na may bahagi na pagkomentuhin ang mga tagapakinig habang tinatalakay ang pangunahing mga punto.
5. Paano tayo higit na makikinabang sa mga pagtatanghal?
5 Pagtatanghal: Ang ilang bahagi ay may kasamang makatotohanang mga pagtatanghal na nagpapakita kung paano magagamit sa teritoryo ang tinatalakay na impormasyon. Ang mga pagtatanghal na ito ay gagampanan ng mga elder o makaranasang mga mamamahayag o payunir. Kasama sa paghahanda para dito ang pag-iisip kung paano ihaharap ang mga ito. Kapag itinanghal ang isang mungkahing presentasyon na nasa Ating Ministeryo sa Kaharian, pag-isipan kung paano ito sasabihin sa natural na paraan at kung paano ibabagay sa iba’t ibang may-bahay. Tiyakin na may dala kayong publikasyon o magasin na gagamitin sa pagtatanghal. Sa gabi ng inyong Pampamilyang Pagsamba, makabubuting ensayuhin ang ilan sa mga presentasyong ito.
6. Bakit tayo dapat maghanda para sa Pulong sa Paglilingkod?
6 Nagiging mas kasiya-siya ang Pulong sa Paglilingkod kapag tayo ay naghahanda at nagbubulay-bulay sa maiinam na tagubiling ihaharap dito. Kung susundin natin ang mungkahing ito, magiging mas kapaki-pakinabang ang ating pagpapalitan ng pampatibay-loob. (Roma 1:11, 12) Kung maglalaan tayo ng panahon para makapaghanda sa Pulong sa Paglilingkod, mas mahusay nating magagampanan ang ating atas.—2 Tim. 3:17.