Ang Inyong Bahagi Upang Gawing Kapakipakinabang ang mga Pulong
1 May tatlong susi upang gawing kapakipakinabang ang mga pulong—paghahanda, pakikibahagi, at pagkakapit. Ang mabuting paghahanda ay nagpapangyaring maging madali at kasiyasiya ang pakikibahagi. Ang masiglang kapahayagan ng pananampalataya ay nagpapakilos sa mga nakikinig. (Efe. 4:29) Malamang na gamitin ng lahat ng dumadalo ang iniharap na mga bahagi kapag sila’y natulungang mapahalagahan kung papaano maikakapit ang impormasyon sa kanilang sariling buhay at sa pagtulong sa iba pa upang maging mga alagad.
MGA PAG-AARAL NG BANTAYAN AT AKLAT SA KONGREGASYON
2 Ang mga pulong na ito ay napakahalaga dahilan sa ito ang paraan ng “tapat at matalinong alipin” sa pagpapakain sa sambahayan ng pananampalataya. (Mat. 24:45-47) Nagtatakda ba kayo ng panahon upang pag-aralan ang isasaalang-alang na materyal? Kayo ba’y handang magkomento sa mga pulong?
3 Kung maingat ninyong pinag-aralan ang materyal, kayo’y magiging handa na makibahagi sa pagbibigay na nagdudulot ng higit na kaligayahan. (Gawa 20:35) Nasusumpungan ng marami na nakatutulong na salungguhitan ang mga susing salita. Sa pamamagitan ng paghanap sa mga di siniping mga kasulatan at pagsasaalang-alang kung papaano kumakapit ang mga ito, kayo’y magtatamo ng kaunawaan sa mga maka-Kasulatang saligan para sa kasagutan. Maaari na ba kayong sumagot sa inyong sariling pananalita, o kailangan ba ninyong basahin ang kasagutan? Ang pangunahing layunin ng teokratikong pag-aaral ay upang isapuso ninyo ang impormasyon at ikapit ito taglay ang pagpapahalaga.—Kaw. 2:5; 4:7, 8.
PAARALANG TEOKRATIKO SA PAGMIMINISTRO AT PULONG UKOL SA PAGLILINGKOD
4 Minamalas ba ninyo ang inyong mga pahayag bilang estudiyante na atas mula kay Jehova at nakikita ba ito sa paraan ng inyong paghahanda? Subali’t kahit na wala kayong espesipikong atas, mag-aral sa pamamagitan ng pagbabasa sa naka-eskedyul na mga kabanata sa Bibliya at iba pang materyal bawa’t linggo. Gayundin ang dapat na gawin sa Pulong Ukol sa Paglilingkod. Kung ito ay ginagawa nang patiuna, sa panahon ng pulong kayo’y makagagawa ng aktibong pag-iisip sa bagay na inihaharap, sa halip na noon lamang sikapin ninyong alamin ang materyal.
5 Ang mga pagtatanghal at mga tagpo sa pahayag ay dapat na makatotohanan, na nagpapakita sa lokal na mga kalagayan. Sanaying mabuti ang inyong bahagi. Gayundin, manamit nang wasto bilang isang mabuting halimbawa sa iba.
6 Mga magulang, tulungan ang inyong mga anak na maghanda at sumagot sa kanilang sariling pananalita kapag ipinahihintulot ng kalagayan. Tunay, kung gagawin ng lahat na maging nasa oras at handang makibahagi, tunay na mapananatili ng ating mga pulong ang atensiyon ng mga tagapakinig. Gagawin ba ninyo ang inyong bahagi sa bagay na ito upang “gawin ang lahat ng mga bagay sa ikatitibay” ng iba na nakikipagtipon sa inyo?—1 Cor. 14:26.