Tanong
◼ Paano natin matitiyak na nasa oras ang mga pulong ng kongregasyon?
Mabilis na lumilipas ang oras kapag may maganda tayong ibinabahagi sa ating mga kaibigan. Dahil dito, maaaring maging hamon na pangasiwaan ang mga bahagi sa pulong sa loob ng itinakdang oras. Ano ang makatutulong?
Magsimula sa oras. Kapag nagtitipon ang buong kongregasyon, makatutulong kung isa o dalawang minuto patiuna ay anyayahan na ang mga tagapakinig na maupo upang masimulan ang pulong sa takdang oras sa maayos na paraan. (Ecles. 3:1) Ang mga pulong ng mas maliliit na grupo, gaya ng mga pulong sa paglilingkod sa larangan, ay hindi dapat iantala upang hintayin ang mga nahuhuling dumating.
Maghandang mabuti. Ang isang susi sa pagiging nasa oras ay ang patiunang paghahanda. Gawing malinaw sa isip ang layunin ng atas. Alamin ang pangunahing mga punto at palitawin ang mga ito. Iwasang mailihis ng maliliit na detalye. Panatilihing simple ang presentasyon. Kung kasali sa bahagi ang mga pagtatanghal o panayam, patiunang ensayuhin ang mga ito. Hangga’t maaari, orasan ang iyong bahagi habang ineensayo ito nang malakas.
Hati-hatiin ang iyong materyal. Ang iyong atas man ay pahayag o pakikipagtalakayan sa tagapakinig, masusumpungan mong makatutulong na hati-hatiin ang materyal sa mga seksiyon. Ipasiya kung gaano kahabang oras ang gugugulin sa bawat seksiyon, at isulat ito sa mardyin ng iyong mga nota. Pagkatapos nito, subaybayan mo ang oras ng iyong presentasyon. Sa pakikipagtalakayan sa tagapakinig, iwasan ang panganib ng pagsasaalang-alang ng napakaraming komento sa panimulang bahagi anupat kakailanganin mong madaliin ang mas mahahalagang materyal sa dakong huli. Dapat maglaan ng sapat na oras ang mga konduktor sa Pag-aaral sa Bantayan upang maisaalang-alang sa bandang huli ang kahon para sa repaso. Dapat din silang mag-ingat na hindi magamit ang oras na itinakda para sa pansarang awit at panalangin.
Magtapos sa oras. Kung binubuo ng maraming bahagi ang pulong, gaya ng Pulong sa Paglilingkod, dapat na alam ng bawat tagapagsalita kung kailan magsisimula at magtatapos ang kaniyang bahagi. Ano ang maaaring gawin kung nanganganib nang lumampas sa oras ang pulong? Maaaring paikliin ng isa o dalawang kapatid na lalaki ang kaniyang bahagi sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa pangunahing mga punto at pagbabawas ng ilang detalye. Ang kakayahang gawin ito ay tanda ng isang bihasang guro.
Bilang tagapakinig, matutulungan natin ang kapatid na nangangasiwa sa pamamagitan ng tuwiran at maiikling komento. Kung gayon, makatutulong tayong lahat na maidaos ang mga pulong “nang disente at ayon sa kaayusan.”—1 Cor. 14:40.