Bagong Iskedyul ng Pulong ng Kongregasyon
1, 2. Anu-anong pagbabago sa mga pulong ang magaganap pasimula sa Enero 2009?
1 Noong linggo ng Abril 21-27, 2008, isang kapana-panabik na patalastas ang narinig ng mga kapatid sa buong daigdig. “Pasimula sa Enero 1, 2009, ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay idaraos na kasabay ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at ng Pulong sa Paglilingkod. Ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay tatawagin nang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya.”
2 Iskedyul ng Lingguhang Pulong na Ito: Ang kabuuang oras para sa pulong na ito, kasama na ang mga awit at panalangin, ay 1 oras at 45 minuto. Magsisimula ang pulong sa pamamagitan ng awit at panalangin (5 min.), na susundan ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya (25 min.). Pagkatapos nito, susunod kaagad ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo (30 min.). Pagkaraan, sisimulan ang Pulong sa Paglilingkod (35 min.) sa pamamagitan ng isang awit (5 min.). Magtatapos ang pulong sa pamamagitan ng awit at panalangin (5 min.). Para matulungan kayo sa paghahanda sa mga pulong na ito, ang iskedyul ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya, ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, at ng Pulong sa Paglilingkod ay ilalathala buwan-buwan sa Ating Ministeryo sa Kaharian.
3. Paano idaraos ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya?
3 Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya: Ang pulong na ito ay idaraos na kagaya ng Pag-aaral sa Bantayan. Hindi na kailangang repasuhin sa pasimula ng pag-aaral ang tinalakay na materyal sa nakalipas na linggo. Sa halip, maikling-maikli lamang ang dapat na maging introduksiyon sa pulong na ito. Magbibigay ito ng sapat na panahon para makapagkomento nang maikli ang lahat ng dadalo. Ang punong tagapangasiwa ang may pananagutan sa pag-aatas sa mga elder na maghahalinhinan sa pangunguna sa pulong na ito, iba’t ibang elder sa bawat linggo.
4. Ano ang magiging pagbabago sa Pulong sa Paglilingkod?
4 Pulong sa Paglilingkod: Ang Pulong sa Paglilingkod ay kagaya pa rin nang dati pero mas maikli na ang mga bahagi. Ang patalastas ay karaniwan nang gugugol ng limang minuto lamang. Tiyak na sapat na ang panahong ito para sa kinakailangang mga patalastas at para sa ilang mga sulat mula sa sangay. Ang mga patalastas, gaya ng mga kaayusan sa paglilingkod sa larangan at iskedyul sa paglilinis, ulat ng kuwenta, at mga sulat na regular na ipinadadala ng tanggapang pansangay, ay hindi na kailangang basahin sa plataporma. Sa halip, ipapaskil ang mga ito sa information board upang mabasa ng mga kapatid. Ang mga inatasan ng bahagi sa programa ay dapat na maghandang mabuti, sumunod sa inilaang mga tagubilin, at huwag lalampas sa oras.
5. Sa linggo ng dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, ano ang magiging iskedyul ng mga pulong ng kongregasyon?
5 Dalaw ng Tagapangasiwa ng Sirkito: Hindi magbabago ang lingguhang iskedyul ng tagapangasiwa ng sirkito. Sa araw ng Martes gaganapin ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at Pulong sa Paglilingkod, at susundan ito ng isang awit. Pagkatapos nito ay ang 30-minutong pahayag ng tagapangasiwa ng sirkito. Gaya ng ginagawa sa kasalukuyan sa linggo ng kaniyang dalaw, may isa pang gabi na isasaayos para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya na susundan ng isang awit at ng pahayag sa paglilingkod ng tagapangasiwa ng sirkito. Magtatapos ang pulong sa pamamagitan ng awit at panalangin.
6. Ano ang papel na gagampanan ng tagapangasiwa ng grupo?
6 Pagtitipon Para sa Paglilingkod sa Larangan: Mag-aatas ang lupon ng matatanda ng mga tagapangasiwa ng grupo para mag-asikaso sa mga grupo sa paglilingkod sa larangan at magpastol sa mga indibiduwal na kabilang sa grupo. Kung isang ministeryal na lingkod ang kailangang gumanap sa atas na iyan, tatawagin siyang “lingkod ng grupo.”
7. Ano ang maaasahan natin sa bagong iskedyul ng ating pulong ng kongregasyon?
7 Gaya ng ipinapakita sa artikulong ito, magkakaroon tayo ng pagkakataong tumanggap ng nakapagtuturo at nakapagpapatibay na impormasyon mula sa ating espirituwal na mga piging. Tutulong ito upang maging mabisa tayong mángangarál at guro, na sinanay para sa mas mabungang ministeryo.—Efe. 4:13, 14; 2 Tim. 3:17.
8. Paano tayo personal na makikinabang gayundin ang iba sa kongregasyon kung patiunang maghahanda ang bawat isa sa atin?
8 Ang patiunang pag-aaral bilang paghahanda sa mga pulong na ito ay tutulong sa atin na makapagtuon ng pansin sa pangunahing mga punto na itatampok sa panahon ng bawat pagpupulong. Tayong lahat ay magkakaroon ng pagkakataong makapagbigay ng ating mga komento anupat nakikibahagi sa mainam na pagpapalitan ng pampatibay-loob. (Roma 1:11, 12; Heb. 10:24) Ang dapat na maging tunguhin natin ay ‘mahayag ang ating pagsulong’ sa pamamagitan ng ‘paggamit nang wasto sa salita ng katotohanan.’—1 Tim. 4:15; 2 Tim. 2:15.
9. Ano ang determinado nating gawin, at bakit?
9 Lubos nating ikinagagalak ang napakahalagang pagbabagong ito sa mga pulong ng kongregasyon. Nawa’y patuloy nating samantalahin ang patnubay na inilalaan ng “tapat at maingat na alipin” at manatiling malapít sa ating Dakilang Pastol habang inihahanda niya tayo sa malaking “kapighatian” na kaylapit na.—Mat. 24:21, 45; Heb. 13:20, 21; Apoc. 7:14.