Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 8/00 p. 3-4
  • Ikaw Ba ay Nakikinabang?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ikaw Ba ay Nakikinabang?
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—2000
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Pulong na ‘Nagpapasiglang Magpakita ng Pag-ibig at Gumawa ng Mabuti’
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • Pagpupulong Para Sumamba
    Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
  • Ang mga Pulong ay Nagdudulot ng Kapakinabangan sa mga Kabataan
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2000
  • Mga Pulong Para sa Pag-uudyukan sa Pag-iibigan at Mabubuting Gawa
    Mga Saksi ni Jehova—Nagkakaisang Paggawa ng Kalooban ng Diyos sa Buong Daigdig
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—2000
km 8/00 p. 3-4

Ikaw Ba ay Nakikinabang?

1 Nais malaman ng milyun-milyong tao sa ngayon kung paano mapagtatagumpayan ang mga suliranin at magtatamasa ng maligayang buhay. Binabasa nilang mabuti ang mga aklat para sa sariling-sikap o umaasa sa mga grupo at mga organisasyon ukol sa payo kung paano mapabubuti ang kanilang pamumuhay. Marahil ay maituturo ng ilan ang limitadong mga kapakinabangan na kanilang natamo. Subalit, batay sa uri ng pamumuhay sa ngayon, natutuhan ba ng mga tao sa pangkalahatan ang pagtatamasa ng mapayapa at lubos na kasiya-siyang buhay sa pamamagitan ng mga programa ng pagtuturo ng tao? Tunay na hindi masasabi ang gayon!—1 Cor. 3:18-20.

2 Sa kabilang panig, walang bayad na inilalaan ng ating Maylalang ang pagtuturo na totoong makatutulong sa lahat ng makikinig. Nais ni Jehova na makinabang ang bawat isa mula sa kaniyang pagtuturo. Bukas-palad niyang inilaan ang kaniyang kinasihang Salita upang pumatnubay sa sangkatauhan sa katuwiran, at pinapangyari niyang ang mabuting balita ng kaniyang Kaharian ay maihayag sa buong lupa. (Awit 19:7, 8; Mat. 24:14; 2 Tim. 3:16) Ang isang tunay na maligayang buhay ay tuwirang kaugnay sa pagbibigay-pansin sa mga utos ni Jehova.—Isa. 48:17, 18.

3 Ang patnubay ni Jehova ay nakahihigit kaysa sa inilalaan ng alinman sa mga aklat para sa sariling-sikap o mga pamamaraang iniaalok ng sanlibutan ukol sa pagpapasulong ng sarili. Matatamo natin ang tunay na tulong at namamalaging mga kapakinabangan kung lubos nating sasamantalahin ang mga paglalaan ni Jehova na nakabalangkas sa kaniyang Salita at itinuturo ng kaniyang organisasyon.—1 Ped. 3:10-12.

4 Makinabang Ka sa mga Pulong ng Kongregasyon: Sa ngayon, ipinakikita ni Jehova ang tunay na interes sa pagtuturo sa atin ng kaniyang mga daan, at tayo’y nakikinabang sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa kaniyang mga turo. Ang ating limang lingguhang pulong ay katibayan ng maibiging pagmamalasakit ni Jehova. Kapag tayo ay dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon, sumusulong ang ating kaalaman tungkol sa Diyos. Natututuhan nating ipagsanggalang ang ating sarili mula sa masama sa pamamagitan ng pagiging malapit kay Jehova, sa ganitong paraan ay sumisigla ang ating espiritu.

5 Mayroon pa. Sa mga pulong ng kongregasyon tayo ay ‘nakapagpapalawak.’ (2 Cor. 6:13) Nasasangkot dito ang pagkilala sa iba pa sa kongregasyon. Tayo ay nakikinabang mula sa pagpapalitan ng pampatibay-loob, tulad ng isinulat ni apostol Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Roma. (Roma 1:11, 12) Nang sulatan ang mga Hebreo, matindi niyang pinayuhan yaong mga nagkakaroon ng kaugalian na pabayaan ang Kristiyanong pagsasamahan.—Heb. 10:24, 25.

6 Ang may kasiyahang pamumuhay taglay ang kagalakan ay tuwirang kaugnay ng pagiging interesado sa kapakanan ng iba. Tayo ay pinasisiglang humanap ng mga paraan upang makatulong sa ikaliligaya ng iba. Kung gayon, ang ating Kristiyanong mga pagpupulong ay talagang para sa ating personal na kapakinabangan at para sa kapakinabangan ng iba na sa kanila’y nililinang natin ang kanais-nais na pakikipagsamahan. Ang hinihiling sa atin ay ang ating taos-pusong pakikibahagi.

7 Ginamit ni apostol Pablo ang gayunding punto sa kaniyang payo kay Timoteo nang siya ay sumulat: “Sanayin mo ang iyong sarili taglay ang maka-Diyos na debosyon bilang iyong tunguhin.” (1 Tim. 4:7) Maaari nating itanong sa ating sarili: ‘Sinasanay ko ba ang aking sarili? Nakikinabang ba ako sa aking naririnig sa mga pulong ng kongregasyon?’ Ang ating mga kasagutan ay magiging oo kung tayo ay nagbibigay-pansin sa ating naririnig sa mga pulong at nagsisikap na ikapit kung ano ang ating natututuhan. Sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya, dapat na makita natin ang higit pa kaysa mga kapatid na gumagawa ng pagtuturo at makita si Jehova bilang ang Dakilang Instruktor ng kaniyang bayan.—Isa. 30:20.

8 Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at Pulong sa Paglilingkod: Ang dalawang pulong na ito ay dinisenyo upang tulungan tayong maging mabisa sa ministeryong Kristiyano. Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay talagang para sa layuning ito—isang paaralang may mga estudyanteng tumatanggap ng instruksiyon at payo sa regular na paraan. Mayroon kang pagkakataong itanghal ang iyong pagsulong bilang isang tagapagsalita sa madla at bilang isang guro ng Salita ng Diyos. Subalit upang matamo ang pinakamabuti sa paaralan, kailangan mong magpatala, dumalo, makibahagi nang palagian, at isapuso mo ang iyong mga atas. Ang pagtanggap at pagkakapit sa ibinigay na payo ay makatutulong sa iyo na gumawa ng pagsulong.

9 Ang Pulong sa Paglilingkod ay nagtuturo sa atin ng kahalagahan ng ministeryong Kristiyano at nagpapakita sa atin kung paano tayo magkakaroon ng bahagi sa paggawa ng mga alagad. Ikaw ba at ang iyong pamilya ay lubusang nakikinabang sa kung ano ang inihaharap sa dalawang pulong na ito? Isang mag-asawang Kristiyano ang nagsabi: “Sa isang Pulong sa Paglilingkod, narinig namin na dapat na isaalang-alang namin ang pang-araw-araw na teksto bilang isang pamilya. Hindi namin ginagawa ito, subalit ngayo’y ginagawa na namin.” Paano sila nakinabang? Kanilang inamin: “Nakita namin na ang aming pag-uusap sa hapag-kainan ay naging higit na kasiya-siya. Wala nang pagtatalu-talo sa panahon ng pagkain.” Nakikinabang ba maging ang maliliit na anak mula sa mga pulong? Oo. Sinabi ng ina: “Maliwanag na lubhang naapektuhan ang aming mga anak ng mga pulong. Sa isang partikular na linggo nahuli namin ang aming anim-na-taóng gulang na anak na lalaki na nagsasabi ng ilang kasinungalingan. Subalit sa pulong nang linggong iyon, ang pahayag na nagtuturo ay tungkol sa pagsisinungaling. Bakas na bakas sa kaniyang mukha ang pagkakaroon ng kasalanan, anupat ang aming anak ay tumingin sa kaniyang ama at nagpadausdos sa kaniyang upuan dahil sa hiya. Nakuha niya ang punto, at hindi na kami nagkaroon ng mga suliranin pagkatapos niyaon.

10 Isang payunir na sister ang nagsabi na siya’y nagagalak na may mga mungkahing ibinibigay sa Pulong sa Paglilingkod upang mapasulong ang ating ministeryo. Bakit? Siya’y nagpaliwanag: “Ako’y nahulog sa di-mabuting kinaugalian. Kung minsan iniisip kong ang iminumungkahi sa Ating Ministeryo sa Kaharian ay hindi uubra. Subalit sa Pulong sa Paglilingkod, nang marinig ko na dapat nating subukan ito, ako’y napasiglang ikapit ang mga mungkahi. Ginagawa nitong kapana-panabik ang ministeryo!” Pagkatapos ng ilang linggong pagkakapit sa mungkahing subukan ang magpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya sa unang pagdalaw, siya’y nakapagsimula ng isang pag-aaral sa unang pagdalaw sa isang batang babae na nananalangin ukol sa tulong.

11 Kapag ikaw ay nakaririnig ng isang pahayag na may kalakip na payo ng Bibliya hinggil sa personal na mga pagpili na ginagawa mo, nadarama mo bang si Jehova ang tuwirang nagsasalita sa iyo? Isang kapatid na lalaki ang nakadama ng gayon. Sinabi niya: “Kamakailan sa isang pulong, may isang pahayag na doo’y tinalakay ng isang kapatid kung anong mga anyo ng paglilibang ang wasto para sa mga Kristiyano at kung anong mga anyo ang hindi wasto. Dati ay mahilig akong manood ng boksing sa telebisyon. Subalit pagkatapos ng pulong na iyon, ako ay nagpasiya na ang palakasang ito ay kabilang sa kategorya ng paglilibang na hindi magiging wasto para sa mga Kristiyano. Kaya hindi na ako nanonood nito.” Oo, bagaman ang kapatid na ito ay nagkaroon ng hilig sa isang bagay na marahas, may pagpapakumbaba niyang tinugon ang pag-akay ni Jehova.—Awit 11:5.

12 Ang Pahayag Pangmadla, ang Pag-aaral ng Bantayan, at ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat: Ang mga pahayag pangmadla na ating naririnig bawat linggo ay sumasaklaw sa iba’t ibang paksa sa Bibliya. Ano ang iyong nakukuha mula sa mga pahayag na ito? Isang Kristiyanong asawang lalaki ang nagkomento sa mga kapakinabangang kaniyang natamo: “Isang pahayag pangmadla ang nagtampok sa lahat ng bunga ng espiritu. Binanggit ng tagapagsalita, na sa ganang sarili niya, upang malinang ang mga bungang ito, kaniyang pinipili ang isang partikular na kalidad at pinagtutuunan ng pansin iyon sa loob ng isang linggo. Sa katapusan ng linggo, kaniyang iniisip kung paano niya ipinakita ang bungang iyon sa kaniyang pang-araw-araw na mga gawain. Pagkatapos ay kaniyang pagtutuunan naman ng pansin ang iba pang kalidad sa susunod na linggo. Nagustuhan ko ang ideya at sinimulan kong gawin iyon sa ganang sarili.” Ano ngang inam na pagkakapit ng natutuhan!

13 Ang Pag-aaral ng Bantayan ay nagtuturo sa atin na ikapit ang mga simulain ng Bibliya sa iba’t ibang kalagayan ng buhay. Ito’y tumutulong sa atin upang mapanatili ang mahinahong kasipan at puso sa kabila ng mga kabalisahan sa buhay. Pinangyayari rin ng Pag-aaral ng Bantayan na tayo’y makaalinsabay sa pasulóng na katotohanan. Halimbawa, hindi ba tayo nakinabang sa pag-aaral ng Mayo 1, 1999, sa mga artikulo ng Bantayan na pinamagatang: “Ang mga Bagay na Ito ay Kailangang Maganap,” “Gumamit ng Kaunawaan ang Mambabasa,” at “Maging Mapagbantay at Maging Masikap!” Paano ka personal na naapektuhan ng mga pag-aaral na ito? Ipinakikita mo ba sa pamamagitan ng iyong mga pagkilos na isinasapuso mo ang babala ni Jesus hinggil sa kinabukasan? Inihahanda mo ba ang iyong sarili para sa pagsubok sa hinaharap kapag nakita na natin “ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang . . . na nakatayo sa isang dakong banal”? (Mat. 24:15-22) Ang iyo bang mga tunguhin at landas ng pamumuhay ay nagpapakita na, hindi ang pagkakamal ng materyal na mga bagay, kundi ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova ang pinakamahalagang bagay sa iyo? Sa Pag-aaral ng Bantayan, hindi ba tayo natututong makinabang na ngayon?

14 Isipin kung gaano kalaki ang ating natututuhan sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat bawat linggo. Sa kasalukuyan ay pinag-aaralan natin ang aklat ng Daniel sa Bibliya. Sa apat na buwang pag-aaral natin ng aklat na iyan sa Bibliya, hindi ba’t nakikita nating lumalaki ang ating pananampalataya bawat linggo? Katulad ng minamahal ni Jehova na propetang si Daniel, pinalalakas natin ang ating pananampalataya upang tayo’y makapagbata.

15 Tinuturuan Tayo ni Jehova na Mamuhay Nang Maligaya: Naiiwasan natin ang malaking hirap ng kalooban kapag nagbibigay-pansin tayo sa mga utos ng Diyos. Isa pa, nararanasan natin kung ano ang kahulugan ng maligayang pamumuhay. Sa pagsunod sa pag-akay ni Jehova, tayo ay nagiging mga kabahagi sa kaniyang gawain, hindi lamang basta tagapagmasid. At yaong mga gumagawa ng gawain ng Diyos ay maliligayang tao.—1 Cor. 3:9; Sant. 1:25.

16 Aktibong pag-isipan kung paano mo ikakapit ang mga bagay na iyong naririnig sa mga pulong ng kongregasyon. (Juan 13:17) Masiglang paglingkuran ang Diyos, nang buong puso mo. Ang iyong kagalakan ay mag-uumapaw. Ang iyong buhay ay magiging lalong mayaman at higit na makabuluhan. Oo, makikinabang ka.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share