Maghanda Para sa Nasusulat na Repaso
1 Inilakip dito sa Ating Ministeryo sa Kaharian ang mga nakasulat na katanungan para sa nasusulat na repaso na gaganapin sa katapusan ng Agosto. Ang maagang pagkakaroon nito ay magbibigay sa bawa’t isa ng pagkakataon na makapagsaliksik sa mga espesipikong impormasyon upang lubusang makapaghanda.
2 Kapag hinahanap ang mga binanggit na impormasyon na pinagbatayan ng mga katanungan, huwag mamarkahan ang papel na may mga tanong, dahilan sa gagamitin ninyo ito sa panahon ng nasusulat na repaso. Ang inyong personal na mga nota o iba pang reperensiya ay hindi dapat gamitin sa pagkakataong iyon.
3 Sa panahon ng nasusulat na repaso, mangangailangan kayo ng ibang papel para pagsulatan ng inyong mga kasagutan. Sikaping maging espesipiko at tuwiran. Yamang kayo’y nakapaghanda nang patiuna, hindi ito magiging mahirap. Kapag binasa ng tagapangasiwa sa paaralan ang mga kasagutan, malalaman ninyo kung ang inyong sagot ay wasto o hindi.
4 Dapat na maghanda nang lubusan ang bawa’t isa para sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro linggu-linggo. Makinig na mabuti at sikaping kunin ang mga susing punto na inihaharap sa plataporma. Titiyakin ng tagapangasiwa sa paaralan na masasaklaw nang maliwanag ang lahat ng mga punto na isasaalang-alang sa susunod na nasusulat na repaso.
5 Ang bagong kaayusang ito ay dapat na makatulong sa lahat na makinabang nang higit mula sa nasusulat na repaso. Ang karagdagang pagsasaliksik ay makatutulong upang maikintal nang maliwanag sa isipan ang mga punto, na lalong magsasangkap sa atin para sa ministeryo sa larangan.