Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay Nagdudulot ng mga Kapakinabangan
1 Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay patuloy na gumaganap sa dalawang pangunahin nitong tunguhin: (1) upang pasulungin ang ating kakayahan na magsalita ng katotohanan sa Bibliya at (2) upang maging lalo tayong pamilyar sa Salita ng Diyos, sa mga doktrina nito, at mga simulain nito. Marami ang nagpahayag ng pagpapahalaga sa pasulong na pagsasanay na kanilang natanggap. Kapuwa mga kapatid na lalake at babae ay natulungan na ‘gumamit na matuwid sa salita ng katotohanan.’—2 Tim. 2:15.
PAGSASAGAWA NG PAGSULONG
2 Yaong mga bagong nagpatala ay maaaring magtamo ng pinakamalaking kapakinabangan sa pamamagitan ng maingat na paghahanda ng kanilang mga atas. Napapansin na binabasa ng ilan ang kanilang mga presentasyon. Upang maging higit pang bihasa sa pagpapatotoo ay nangangailangan kapuwa ng pagbabasa at pagkakaroon ng kakayahang ipahayag ang sarili nang ekstemporanyo.
3 Ang aklat na Nangangatuwiran ay napatunayang isang mainam na kasangkapan sa ating gawain, at ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay tumutulong sa atin na makilala nang higit ang mga katangiang taglay nito. Ang pagiging higit na pamilyar sa publikasyong ito ay tutulong sa atin na ipahayag ang mga ideya sa ating sariling salita at sa paraang nakikipag-usap lamang.
MGA TAGUBILIN PARA SA 1989
4 Sa 1989, ang Atas No. 1 ay salig pa rin sa “All Scripture Is Inspired of God and Beneficial.” Bagaman 15 minuto ang inilalaan, may kaunting pagbabago ang isasagawa. Mula sa 10 hanggang 12 minuto ang maaaring gamitin para sa pahayag at mula sa 3 hanggang 5 minuto para sa bibigang pagrerepaso.
5 Ang mga kapatid na nangangasiwa ng mga tampok na bahagi sa Bibliya ay dapat na tumulong sa tagapakinig na maunawaan kung bakit at papaanong ang impormasyon ay kapakipakinabang sa atin. Ang paggamit ng indise ng mga Kasulatan sa Watch Tower Publication Index ay maaaring makatulong nang malaki. Karagdagan pa rito, ang mga pantanging artikulo sa mga aklat ng Hebreong Kasulatan ay patuloy na lalabas sa Ang Bantayan, at ang mga ito ay magbibigay ng saligang materyal at iba pang praktikal na mga punto na maaaring magamit.
NASUSULAT NA MGA REPASO
6 Pasimula sa 1989, isang pagbabago ang gagawin sa pagsasagawa ng mga nasusulat na repaso. Ang repaso ay gaganapin ng tatlong ulit sa isang taon—sa katapusan ng Abril, Agosto at Disyembre. Hindi na maglalaan ang Samahan ng papel para sa nasusulat na pagrerepaso, kundi dapat na magdala ang bawa’t mamamahayag ng kani-kanilang sariling papel at panulat upang makabahagi. Kagaya ng dati ang Samahan ay maglalaan ng nakahandang mga tanong kalakip ng mga kasagutan para dito. Sa nasusulat na mga repaso, partikular na pansin ang ibibigay sa materyal na sinaklaw sa Atas No. 1 at sa mga tampok na bahagi ng Bibliya.
PAGBASA NG BIBLIYA
7 Tayo ba ay personal na nakikinabang mula sa atas ng pagbasa sa Bibliya? Habang tayo ay nagbabasa, tingnan natin ang mga kasulatan na magpapatibay ng pagpapahalaga, at magpapalakas ng mga katangiang kailangan natin sa ating personal at pampamilyang pamumuhay, o yaong makatutulong sa atin na ikapit ang mga halimbawa sa salaysay. Nasubukan na ba natin na gawin ang ating pagbabasa ng Bibliya habang nakikinig sa mga Bible tapes ng Samahan? Huwag nating kaliligtaan ang tulong na inilalaan ng mga tape na ito para sa mga kapatid na naatasang maghanda ng Pahayag No. 2. Sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa wastong pagbigkas, pagbabago ng tinig, at pagdiriin, gagawin nitong higit na buháy at makahulugan ang kanilang pagbabasa.
8 Si Jehova ay nagbigay ng saganang espirituwal na paglalaan upang tulungan tayo sa ating mahalagang gawaing pangangaral. Sa Awit 19:14 ay ipinahayag ni David ang kaniyang pagnanasa sa panalanging: “Maging kalugod-lugod nawa ang mga salita ng aking bibig, at ang pagbubulay ng aking puso sa iyong paningin, Oh Jehova, na aking malaking bato at aking manunubos.” Kung, gaya ni David, ang pag-ibig para kay Jehova at sa kaniyang anak ay nasa ating puso, ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay makatutulong sa ating gawing higit na kalugod-lugod kay Jehova ang salita ng ating bibig sa 1989. Tiyakin natin ngayong lubos na makinabang mula sa maibiging paglalaang ito ng ating makalangit na Ama.