Paglilingkod na May Sakdal na Puso
1 Si David ay isang mainam na halimbawa ng paglilingkod kay Jehova na may sakdal na puso. Ang kaniyang halimbawa ay nakaapekto sa buong bansang Israel. Buong puso rin silang gumawa ng kusang loob na paghahandog para sa pagtatayo ng templo ni Jehova. Idinalangin ni David na ganito ang kanilang magiging pagnanais “sa panahong walang hanggan.”—1 Cron. 29:9, 18.
2 Bakit ang paglilingkod kay Jehova na may sakdal na puso ay napakahalaga sa ngayon, gaya sa sinaunang Israel? Sa payak na pananalita, sinasang-ayunan ni Jehova ang mga naglilingkod sa kaniya na may sakdal na puso. Ang tagakitang si Hanani ay nagsabi kay Haring Asa: “Sapagka’t ang mga mata ni Jehova ay nagsisiyasat sa palibot ng buong lupa, upang pakilala na matibay sa ikagagaling ng mga yaon na ang puso ay sakdal sa kaniya.”—2 Cron. 16:9.
TANGKILIKIN ANG GAWAING PANG-KAHARIAN
3 Makapaglilingkod tayo na may sakdal na puso sa pamamagitan ng pagtangkilik sa pangangaral ng Kaharian sa buong daigdig. (Mat. 24:14) Ang pagbibigay ng materyal na pagtangkilik ay mahalaga, subali’t ang paggamit ng ating lakas, panahon at mga kakayahan sa pagpapalaganap ng mabuting balita ay higit pa ang kahalagahan. (2 Cor. 9:7) Nararanasan ba ninyo ang kagalakan na nagmumula sa paglilingkod na may sakdal na puso sa dakilang gawain ni Jehova?
4 Sa Agosto ay pinasisigla tayo na magsalita ng hinggil sa pamahalaan na magdadala ng paraiso, na nag-aalok ng brochure na Pamahalaan sa mga tao. Habang ang karahasan ay lumalago sa buong daigdig, ang mga tao ay higit na nababahala tungkol sa kapayapaan at katiwasayan at mabuting pamahalaan. May pagkakataon tayong akayin ang mga maaamo tungo sa Kaharian na siyang tanging pinagmumulan ng tunay na kapayapaan at katiwasayan.
MAKAPAGPAPAYUNIR BA KAYO SA LALONG MADALING PANAHON?
5 Mapasusulong ba ninyo ang inyong panahon sa paglilingkod sa larangan sa Agosto, na naglilingkod marahil bilang isang auxiliary payunir? Sa pamamagitan ng pagpapasulong sa inyong gawain sa larangan kayo’y maaaring maging kuwalipikado sa paglilingkod bilang regular payunir sa lalong madaling panahon.
6 Ngayong nagtatapos na ang taon ng paglilingkod, marami ang nagsisikap na pasulungin ang kanilang paglilingkod sa larangan taglay ang tunguhing maging mga regular payunir sa pagpapasimula ng bagong taon ng paglilingkod sa Setyembre. Naisip na ba ninyo ang tungkol dito? Maaari ba ninyong baguhin ang inyong eskedyul upang maging isang regular payunir? Handa ba ninyong baguhin ang inyong istilo-ng-pamumuhay, kung kinakailangan, upang magkaroon ng higit pang panahon sa paglilingkod kay Jehova? (Mat. 6:22) Kung talagang nais ninyong gawin iyon at ang paglilingkod bilang payunir ay maaabot ninyo, lumapit kay Jehova sa panalangin at hilingin ang kaniyang tulong at patnubay. (Kaw. 16:3) Makipag-usap sa mga matatanda tungkol sa posibilidad ng paglilingkod bilang regular payunir. Kung masumpungan ninyong ang inyong kalagayan ay magpapahintulot sa inyo na maging isang regular payunir, tiyaking ibigay kaagad ang inyong aplikasyon, o kaya’y 30 araw man lamang bago kayo magpasimula. Ang pagpapasimula ng bagong taon ng paglilingkod ay isang mainam na panahon upang gawin ang inyong pasiyang magpayunir kung ipinahihintulot ng inyong mga kalagayan.
7 Bata man o matanda, ipakita nawa nating lahat na tayo ay naglilingkod kay Jehova na may sakdal na puso. Huwag nating pahintulutang mahati ang ating puso. (Mar. 12:30) Ang ating masigasig na pagtangkilik sa pangangaral ng Kaharian ay tutulong sa atin na mapanatili ang isang sakdal na puso kay Jehova.