Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang Sari-saring Paraan sa Pagbabahay-Bahay
1 Hindi ba’t sagana sa pagkakasari-sari ang paglalang ni Jehova? (Awit 104:24) Marami ring pitak ang mabuting balita na ipinag-utos sa atin na ipangaral. Kayo ba ay gumagamit ng pagkasari-sari sa inyong pangangaral upang abutin ang maraming tao hangga’t maaari?
SA ARAW NG MAGASIN
2 Pinasisigla tayong lahat ng Samahan na makibahagi sa gawain sa magasin bawa’t Sabado. Sa halip na gamitin ang Paksang Mapag-uusapan, isang 30-hanggang 60-segundong presentasyon na nagtatampok ng isa lamang artikulo ang angkop. Kung ang maybahay ay nagtanong o nagpakita ng di pangkaraniwang interes, hindi naman kailangang magdumali sa pagtungo sa susunod na pintuan.
3 Hindi nagkukulang ang pagkakasari-sari sa ating mga magasing Bantayan at Gumising! Kadalasan ang kapatid na gumaganap sa unang bahagi ng Pulong Ukol sa Paglilingkod ay maghaharap ng mga litaw na punto mula sa kasalukuyang mga magasin. Magbigay-pansin; itala ang mga mungkahi na maaari ninyong gamitin. Kung ang isang presentasyon ay itinatanghal, bigyang pansin iyon, insayuhin iyon, at pagkatapos ay gamitin iyon sa larangan sa Sabado. Kung hindi mabuti ang pagtanggap ng maybahay, pumili ng ibang artikulo na itatampok. Ang bawa’t isyu ay nagtataglay ng maraming paksa na nakaaakit sa mga tao na may iba’t ibang larangan ng interes. Alamin ang lahat ng artikulo upang maibagay ninyo ang inyong presentasyon sa maybahay na inyong nasusumpungan.
GAWING IBA’T IBA ANG INYONG PAMBUNGAD
4 Makabubuting gawing iba’t iba ang inyong paglapit sa mga pintuan. Nasubukan na ba ninyong buksan ang inyong presentasyon sa pamamagitan ng pag-aalok ng isang tract o isang handbill upang pasimulan ang usapan?
5 Walang pagsalang may ilang mga pambungad sa aklat na Nangangatuwiran na hindi pa ninyo nasusubukan. Halimbawa, sa mga pahina 10-11 ay nagbibigay ng mga pambungad batay sa mga kasalukuyang pangyayari. Umalinsabay sa mga balita na maaari ninyong gamitin. Ang inyo bang teritoryo ay nagagawang mabuti? Kung gayon, makabubuting iba-ibahin ninyo ang inyong mga pambungad, na ginagamit yaong nasa pahina 15 ng aklat na Nangangatuwiran. Gayundin subukin ang ilang mungkahi sa Hulyo 15, 1988 ng Bantayan, sa mga pahina 15-20. Gamitin ang ilang katanungan sa pahina 19, parapo 16, na tinitiyak na maibibigay ng maybahay ang kaniyang sariling pangmalas.
6 Ang mga tao sa ating teritoryo ay nagmula sa iba’t ibang kalagayan. Kailangan nating ibagay ang ating paglapit upang makaakit sa mga makikinig. (1 Cor. 9:19-23) Ang paggamit ng pagkasari-sari ay tutulong sa atin na ‘iligtas kapuwa ang ating mga sarili at yaong mga makikinig sa atin.’—1 Tim. 4:16.