Pagtatamo ng Kagalakan sa Higit na Paglalagay ng mga Magasin
1 Sa pamamagitan ni Kristo Jesus, si Jehova ay nagtatag ng isang makalupang organisasyon na kilala sa pagkakaroon nito ng kusa at mabungang mga manggagawa. (Awit 110:3; Mat. 9:37, 38) Kapag tayo ay nagbibigay ng pansin sa kaurian at kalakhan ng ating ministeryo, higit na kagalakan ang tiyak na ibubunga nito. (Luk. 10:17) Ito ay totoo lalo na habang pinagsisikapan nating pasulungin ang personal na pamamahagi ng mga magasing Bantayan at Gumising!
2 Ang pamamahagi ng magasin ay isa sa pangunahing paraan ng pagpapalaganap sa pabalita ng Kaharian. Gayunman sa ibang dako napansin na ang pamamahagi ng magasin ay nababawasan. Papaano malulunasan ang bagay na ito? Ano ang ilan sa mahahalagang bagay na maaaring ingatan sa isipan na makatutulong sa atin na makapaglagay ng lalong maraming magasin?
ISANG POSITIBONG PAGLAPIT
3 Ang unang hakbangin ay: MAGING PALAISIP SA MAGASIN. Mas madali itong tamuhin kung tayo ay palagian sa pagbabasa mismo ng magasin. Minsang nababatid natin ang mga nilalaman nito, magnanais tayong gamitin ito sa lahat ng pagkakataon upang iharap ang mga ito sa madla. Para sa karamihan sa atin, ang bawa’t Sabado ay nagbibigay ng mainam na pagkakataon na makabahagi sa gawain sa magasin. Maraming kongregasyon ang nagsasaayos ng gawain sa magasin sa gitnang sanlinggo para doon sa hindi makalabas sa Sabado. Maaaring masumpungan ng ilan na ang gabi ay isang mabuting panahon para sa gawain sa magasin. Ang paggawa sa lansangan, gawain sa mga tindahan, impormal na pagpapatotoo at mga ruta sa magasin ay pawang maiinam na paraan upang maipamahagi ang mga magasin.
4 Ang ikalawang mungkahi ay: GAWIN ITONG PAYAK. Ang ilang mamamahayag ay nagbibigay ng mahahabang presentasyon anupa’t sila’y nabibigong makapaglagay ng magasin. Ang iba ay gumagamit ng Paksang Mapag-uusapan sa gawain sa magasin. Gayumpaman, hindi ito iminumungkahi. Ang Disyembre 1, 1956 ng Watchtower ay nagsabi: “Ang isang maikli, tuwiran-sa-puntong presentasyon ay napakainam kapag nag-aalok ng mga magasin. Ang tunguhin ay makapaglagay ng maraming kopya. Ang mga ito ang gagawa ng kanilang sariling ‘pagsasalita.’ Iminumungkahi ng Samahan ang kalahati hanggang isang minutong presentasyon, isang mahusay ang pagkakahanay na pananalita hinggil sa isang puntong tinatalakay sa magasing iniaalok.”
5 Sumunod: MADALING MAKIBAGAY. Maghanda ng higit pa sa isang presentasyon. Sa gayon ay maaari kayong makipag-usap sa iba’t ibang mga tao at maibagay ang inyong presentasyon na makakukuha ng kanilang interes.
6 Pangwakas na mungkahi: MAGLAGAY NG ISANG PERSONAL NA TUNGUHIN. Maaari ninyong maalaala na ito’y idiniin sa insert na “Ang mga Magasin ay Nagtuturo ng Daan Tungo sa Buhay,” sa Mayo, 1984 ng Ating Ministeryo sa Kaharian. Nanaisin ninyong pagsikapang magkaroon ng aberids na isang magasin sa isang oras kung kayo’y nasa paglilingkuran. Ang inyong personal na tunguhin ay dapat na maging makatuwiran, na isinasaalang-alang ang inyong indibiduwal na mga kalagayan at ang panahong maaari ninyong gamitin sa paglilingkod sa larangan.
7 Sa pamamagitan ng kaniyang nakikitang organisasyon, si Jehova ay patuloy na naglalaan ng ating pangangailangan upang mapasulong ang ating pakikibahagi sa ministeryo. Taglay natin ang kapanapanabik, at napapanahong mga magasin na maaaring gamitin. Ngayo’y kailangan ang ating indibiduwal na pagsisikap sa pakikipagtulungan sa mga kaayusan ng kongregasyon para sa pamamahagi ng magasin. Yamang ang gayong gawain ay lumuluwalhati kay Jehova, ating mararanasan ang kagalakan sa higit na pakikibahagi sa ministeryo sa pamamagitan ng mga magasin.—Juan 15:8.