Ang Pagtutulungan ng Pamilya ay Nagdudulot ng mga Kapakinabangan
1 Sa kapanahunan ng Bibliya, ang ama ay nagtaglay ng pangunahing pananagutan na tiyaking ang pamilya ay lubusang teokratiko. Gayundin sa ngayon. (Jos. 24:15; Efe. 6:1-4) Ang pagbibigay-pansin sa lahat ng pangangailangan ng pamilya ay isang hamon. Papaano ito maisasagawa? Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamilya at organisasyon.—1 Cor. 14:40.
BILANG ULO, MANGUNA
2 Ang pampamilyang pag-aaral ay dapat na idaos nang palagian at iangkop sa mga pangangailangan ng pamilya. Ito’y totoo rin sa pang-araw-araw na teksto. Gaano kabuting bagay na pasimulan ang araw sa pamamagitan ng pagtalakay sa Salita ng Diyos! Ang pagbubulay-bulay nito sa buong maghapon ay makatutulong sa atin upang ‘maisaalang-alang ang mga bagay na malinis, kaibig-ibig, at mabuting ulat.’ (Fil. 4:8) Maaari ba kayong gumawa ng pagsulong hinggil dito?
3 Karagdagan sa pampamilyang pag-aaral, mahalaga ang personal na palatuntunan ng pag-aaral. Ang mga salita sa Josue 1:8 ay kumakapit na may gayunding puwersa para sa bawa’t isa sa atin: “Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, kundi iyong pagbubulayan araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat na nakasulat dito.”
4 Ang pagiging nasa oras para sa mga pulong ay isang hamon at humihiling ng pagtutulungan. Ang patnubay mula sa ulo ng pamilya ay magbibigay katiyakan na naibibigay ang kinakailangang tulong. Papangyarihin nito na ang lahat ay dumating nang nasa oras upang makabahagi sa pambukas na awit at panalangin.
5 Mahalaga na ang ulo ng pamilya ay manguna sa panalangin. “Magmatiyaga sa pananalangin” ang payo ni Pablo sa Roma 12:12. Ang pagsasagawa nito sa regular na paraan ay makatutulong upang mapatibay ang buklod ng pamilya. Ang panalanging ito ay dapat na maging karagdagan sa indibiduwal na pananalangin ng mga miyembro ng pamilya.
MAGHANDA
6 Ang mga sesyon ng pag-eensayo ng pamilya ay makatutulong sa lahat na maging handa sa ministeryo. Ang mga pambungad ay maaaring piliin mula sa mga pahina 9-15 ng aklat na Nangangatuwiran upang umangkop sa Paksang Mapag-uusapan. Ang mga mungkahi para sa ikasusulong ay maaaring ibigay ng ulo ng pamilya.
7 Maaari bang ang isa o higit pang miyembro ng pamilya ay pumasok sa buong-panahong paglilingkuran? (1 Cor. 16:9) Ito’y humihiling ng mabuting pagtutulungan sa bahagi ng lahat sa pamilya. Sa pamamagitan ng paggawang simple ng kanilang istilo ng pamumuhay at pagiging mapamaraan, maraming pamilya ang nagtatamasa ng kagalakan at pribilehiyong ito.
8 Habang ang ulo at lahat ng miyembro ng pamilya ay nagtutulungang magkakasama at tumitingin sa kapakanan ng lahat, ito magbubunga ng isang maligaya at nagkakaisang pamilya.