Paghaharap ng Mabuting Balita—Bilang Isang Pamilya
1 Ang isang naaalay na pamilya na lubusang nakikibahagi sa banal na paglilingkod ay isang kapurihan sa pangalan ni Jehova. Tayo ay naliligayahang makita na marami sa gayong mga pamilya ang masusumpungan sa mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig.
2 Sabihin pa, ang ama ay may unang pananagutan na pangalagaaan ang espirituwal na kapakanan ng kaniyang pamilya. (1 Cor. 11:3) Sa pakikipagtulungan ng kaniyang asawa at mga anak, ang kaniyang pamilya ay may malaking impluwensiya sa iba. (Mat. 5:16) Ano ang ilang dako na doo’y maaaring makita ang gayong pagtutulungan?
NANGUNGUNA ANG MGA MAGULANG
3 Sa maraming kaso, ang ama ay maaaring isang matanda o ministeryal na lingkod. Ito’y nangangahulugan na ang ilan sa kaniyang panahon at atensiyon ay kailangang gamitin sa mga bagay sa kongregasyon. Ang ama ay dapat magsaayos ng kaniyang panahon upang hindi niya mapabayaan ang kaniyang pamilya. Sapagka’t ang kaniyang pamilya ang pangunahin niyang pananagutan, dapat siyang palagiang mag-eskedyul ng panahon upang makasama ang kaniyang pamilya sa pag-aaral, paglilingkod sa larangan, sa mga pulong, at sa angkop na paglilibang.
4 Ang pakikipagtulungan ng asawang babae ay mahalaga. Maaari niyang tulungan ang kaniyang asawa sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga anak sa ministeryo. Ang kaniyang sigasig at debosyon ay malaki ang magagawa upang maimpluwensiyahan ang mga anak na lumaki taglay ang pagpapahalaga sa ministeryo.—2 Tim. 3:14, 15.
5 Maraming mga halimbawa kung saan ang nagsosolong magulang ay bumabalikat sa espirituwal na pasanin at matagumpay na nakapagsasanay sa kaniyang mga anak sa ministeryo. Dahilan sa napakainam na halimbawa ng kanilang ina o ama, maraming mga kabataan ang nanindigang matatag sa katotohanan.
PANANAGUTAN NG MGA ANAK
6 Maging ang sakdal na Anak ng Diyos, si Jesus, samantalang isang bata, ay napasailalim sa direksiyon at tagubilin ng kaniyang mga magulang. (Luc. 2:51) Kaya, kapag ang ama at ina ay nagsasaayos na gumugol ng panahong magkakasama sa ministeryo, pananagutan ng mga anak na magpakita ng makadiyos na debosyon sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa kanilang mga magulang.—Efe. 6:1-3.
7 Ang pagsambang magkakasama bilang isang pamilya ay magpapatibay sa pag-ibig at pagkakaisa ng pamilya. Ang mga magulang at mga anak ay may parehong pananagutan sa bagay na ito.