Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng Pagtulong sa Isa’t Isa na Magpasimula ng mga Pag-aaral sa Bibliya
1 Ang lahat ng umiibig kay Jehova ay nagnanais na sumunod sa utos ni Jesus na gumawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Kung kayo’y nagnanais na magpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya, hanapin ang patnubay ni Jehova at samantalahin ang praktikal na tulong na inilalaan sa pamamagitan ng kongregasyon.—Mat. 7:7, 8.
2 Ang inyong konduktor sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay magbibigay ng pantanging interes sa pag-aaral sa Bibliya ng inyong grupo. Lapitan siya at ipahayag ang inyong pagnanais na magdaos ng isang pag-aaral. Maaaring maisaayos niya na kayo ay gumawang kasama ng isang makaranasang mamamahayag sa ilang panahon. Ang magiging tunguhin ay: (1) tulungan kayo na makapagsimula at makapagdaos ng isang pasulong na pag-aaral sa Bibliya at (2) upang makapagsimula ng iba pang mga pag-aaral sa hinaharap.
MATUTO SA PAMAMAGITAN NG HALIMBAWA
3 Kailangan kayong mag-ingat ng isang mabuting rekord ng mga nasumpungang interesado at karakarakang dumalaw muli hangga’t maaari. Maaaring ipakita sa inyo kung papaano gagawin ito ng mamamahayag na tumutulong sa inyo. Kayong dalawa ay dapat na maghandang magkasama sa pagsasagawa ng mga pagdalaw na ito sa layuning makapagsimula ng mga pag-aaral. Ang mga sesyon ng pagsasanay ay magpapakita sa inyo kung papaano muling bubuhayin ang interes kapag dumadalaw muli.
4 Pagmasdan kung ano ang ginagawa ng inyong kasama kapag siya’y dumadalaw muli. Pansinin kung papaano niya inaakay sa usapan ang maybahay. Napagsasalita ba niya ang maybahay sa pamamagitan ng paggamit ng mga umaakay na katanungan o sa paghiling ng komento sa isang kasulatan? Pagkatapos ng pagdalaw, repasuhin kung ano ang inyong natutuhan. Pagkatapos ay ikapit ang mga ito sa susunod ninyong mga pagdalaw muli.
5 Minsang napasimulan ang isang pag-aaral, planuhin kung papaano kayo kapuwa makakabahagi dito. Maaaring bumasa kayo ng piniling mga kasulatan at ipaliwanag ang mga ito. Pagkatapos ng pag-aaral, humiling sa inyong kasama ng mga mungkahi, gaya ng kung kailan maghaharap ng mga karagdagang katanungan, kung papaano sasabikin ang interes ng estudiyante para sa susunod na pag-aaral, at kung papaano aakayin ang interes tungo sa organisasyon.
KAPAG NAGKAROON NG PAGBABAGO SA TERITORYO
6 Kapag ang mga bagong kongregasyon ay naitatag o nagkaroon ng pagbabago sa teritoryo, maaaring kakailanganing ilipat ang isang pag-aaral sa Bibliya sa ibang mamamahayag. Maaari ninyong isaayos na isang mamamahayag mula sa kabilang kongregasyon ay sumama sa inyo sa pag-aaral ng ilang ulit. Pagkatapos ng ilang linggo, maaaring magpasimula nang mangasiwa sa pag-aaral ang mamamahayag na iyon. Yamang ang paglilipat ng isang pag-aaral ay isa lamang bahagi ng paggawa ng alagad, magagalak kayong gawin kung ano ang pinakamabuti para sa estudiyante.—Fil. 2:4.
7 Tunay na inuuga ni Jehova ang mga bansa at pinupuno ang kaniyang bahay ng mga kanaisnais na bagay. (Hag. 2:7) Sa pamamagitan ng pagtulong sa isa’t isa, maaaring marami pa sa atin ang magkakaroon ng kasiyahan sa pagdaraos ng isang regular na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.