Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 4/98 p. 3-4
  • Kailangan—Mas Maraming Pag-aaral sa Bibliya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kailangan—Mas Maraming Pag-aaral sa Bibliya
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—1998
  • Kaparehong Materyal
  • Mag-ipon ng Katapangan Upang Gumawa ng mga Pagdalaw-Muli
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1997
  • Ang mga Pagdalaw-Muli ay Umaakay sa mga Pag-aaral sa Bibliya
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2003
  • Isinasagawa Ba Ninyo ang Inyong mga Pagdalaw-muli?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1989
  • Tiyaking Dumalaw-Muli
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1992
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—1998
km 4/98 p. 3-4

Kailangan​—Mas Maraming Pag-aaral sa Bibliya

1 Pinagpapala ng Diyos na Jehova ang kaniyang makalupang organisasyon ng patuloy na paglago. Nitong nakaraang taon ng paglilingkod, 375,923 ang nabautismuhan sa buong daigdig​—isang katamtamang bilang na mahigit sa 1,000 bagong alagad sa bawat araw, o mga 43 sa bawat oras! Sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, ang gawaing pang-Kaharian ay lumalago at nararanasan ang pambihirang mga pagsulong, sa kabila ng mga dekada ng paghihirap na napaharap sa ating mga kapatid. Nakatutuwang mabasa ang mga pagsulong na nagawa sa pagpapalaganap ng mabuting balita!

2 Sa sangay ng Pilipinas nitong nakaraang taon ng paglilingkod, tayo man ay sumulong sa aberids ng kabuuang bilang ng mga mamamahayag at mga auxiliary pioneer, sa mga oras na ginugol sa pangangaral, at sa bilang ng mga buklet, brosyur, at mga magasin na naipasakamay. May pagsulong sa bilang ng mga nabautismuhan at naabot ang pinakamataas na bilang kailanman sa mga dumalo sa Memoryal. Kumusta naman ang gawain sa pagdalaw muli at pag-aaral sa Bibliya? Bumaba ang kabuuang bilang ng mga nagawang pagdalaw muli at mga 5-porsiyento ang ibinaba ng mga pag-aaral sa Bibliya. Subalit ang mga pitak na ito ng ministeryo ay mahalaga sa paggawa ng alagad. Ano ang magagawa ng bawat isa sa atin upang mabago ang takbo ng pagbabang ito sa mga pagdalaw muli at mga pag-aaral sa Bibliya?

3 Pasiglahin ang Hangaring Magdaos ng Pag-aaral: Tayo mismo ay kailangang magtuon ng pansin sa pagiging malakas at aktibo sa espirituwal. Ang tunay na mga tagasunod ni Kristo ay “masigasig sa maiinam na gawa.” (Tito 2:14) Kapag sinuri natin ang ating ministeryo, masasabi ba natin na masidhi ang ating hangaring subaybayan ang lahat ng naipasakamay na literatura sa larangan? Masigasig ba tayo sa pag-aalok ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa lahat ng nagpapakita ng interes? (Roma 12:11) O kailangan pa nating magpaunlad ng higit na hangaring gumawa ng mga pagdalaw muli at magpasimula ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya?

4 Ang personal na pagbabasa ng Bibliya, regular na pagdalo sa pulong, at pag-aaral ng mga publikasyon ay magpapanatili sa atin na masigla sa espirituwal at puspos ng kapangyarihan ng espiritu ng Diyos. (Efe. 3:16-19) Patitibayin nito ang ating pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova at ang ating pag-ibig sa ating kapuwa tao. Mauudyukan tayong magturo ng katotohanan sa iba, sa gayon ay ginagawang kawili-wili, matagumpay, at nakapagpapasigla ang ating ministeryo. Oo, dapat tayong maghangad ng mas maraming pag-aaral sa Bibliya!

5 Makipag-aral Muna sa Pamilya: Ang mga Kristiyanong magulang na may mga anak na nakapisan sa tahanan ay dapat na maging palaisip sa kanilang programa ng regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. (Deut. 31:12; Awit 148:12, 13; Kaw. 22:6) Magiging kapaki-pakinabang para sa mga magulang na pag-aralan ang brosyur na Hinihiling at pagkatapos ay ang aklat na Kaalaman kasama ng kanilang mga anak upang ihanda sila para maging kuwalipikado sa pagiging mga di-bautisadong mamamahayag at para sa pag-aalay at bautismo. Sabihin pa, maaaring gamitin ang iba pang materyal, depende sa pangangailangan at edad ng anak. Ang isang magulang na nakikipag-aral sa isang di-bautisadong anak ay maaaring mag-ulat ng pag-aaral, oras, at mga pagdalaw muli, gaya ng nakabalangkas sa “Tanong” sa Hunyo 1987 ng Ating Ministeryo sa Kaharian.

6 Pasulungin ang Personal na Organisasyon: Kung isasaalang-alang ang bilang ng mga magasin, brosyur, at mga aklat na naipasakamay, walang alinlangan na maraming binhi ang naisasabog. Ang naihasik na mga binhing ito ng katotohanan ay naglalaan ng malaking posibilidad para sa pagkakaroon ng mga bagong alagad. Subalit talaga kayang masisiyahan ang isang magsasaka o isang hardinero kung patuloy siyang magtatanim at, pagkatapos ng lahat ng kaniyang pagsisikap, hindi kailanman maglalaan ng panahon para mag-ani? Tiyak na hindi. Gayundin naman, kailangan ang gawaing pagsubaybay.

7 Regular ka bang nag-iiskedyul ng panahon upang dumalaw muli? Balikan agad ang lahat ng nasumpungang interes. Gumawa ng mga pagdalaw muli taglay ang tunguhing magpasimula ng pag-aaral sa Bibliya. Nag-iingat ka ba ng isang malinis, sunod sa panahon, at organisadong ulat ng iyong mga pagdalaw muli? Kalakip ng pangalan at direksiyon ng maybahay, tiyaking itala ang petsa ng unang pagdalaw, ang anumang naipasakamay, ang isang maikling paglalarawan sa napag-usapan, at isang punto na maaaring balangkasin sa susunod na pagdalaw. Maglaan ng espasyo sa inyong talaan para sa iba pang karagdagang impormasyon pagkatapos ng bawat pagdalaw muli.

8 Pag-aralan Kung Paano Gagawa ng Pagdalaw Muli: Ano ang ilang bagay na dapat isipin kapag dumadalaw muli sa isang interesadong tao? (1) Maging magiliw, palakaibigan, masigla, at di-pormal. (2) Talakayin ang mga paksa o tanong na doo’y interesado siya. (3) Panatilihing simple, kawili-wili, at maka-Kasulatan ang pag-uusap. (4) Sa bawat pagdalaw, sikaping magturo sa maybahay ng isang bagay na kikilalanin niyang personal na mahalaga sa kaniya. (5) Pukawin ang pananabik para sa paksang tatalakayin sa susunod na pagdalaw. (6) Huwag gaanong magtagal. (7) Huwag magbabangon ng tanong na hihiya sa maybahay o maglalagay sa kaniya sa mahirap na kalagayan. (8) Gumamit ng unawa upang ang maling pangmalas o masamang kinaugalian ng maybahay ay hindi kaagad matuligsa bago pa malinang ang kaniyang espirituwal na pagpapahalaga.​—Tingnan ang insert ng Marso 1997 ng Ating Ministeryo sa Kaharian para sa karagdagang tulong kung paano magtatagumpay sa paggawa ng mga pagdalaw muli at pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.

9 Subukan ang Lahat ng Posibilidad: Sa isang kongregasyon, naging posible na makuha ang mga pangalan at mga numero ng apartment ng lahat ng naninirahan sa isang pabahay na mahigpit na nababantayan. Isang personal na liham ang isinulat para sa bawat residente, at inilakip ang dalawang tract. Sa katapusan ng liham, inialok ang isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya at inilakip ang isang lokal na numero ng telepono upang makatawag ang nakatanggap. Sa loob lamang ng ilang araw, tumawag ang isang kabataang lalaki na humihiling ng isang pag-aaral. Gumawa ng pagdalaw muli kinabukasan, at isang pag-aaral sa aklat na Kaalaman ang naitatag. Nang mismong gabing iyon ay dumalo siya sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, at patuloy siyang dumalo sa lahat ng pulong. Halos karaka-raka, pinasimulan niya ang regular na pagbabasa ng Bibliya araw-araw. Patuloy siyang sumulong tungo sa bautismo.

10 Isinaayos ng isang grupo ng mamamahayag na gumawang magkakasama sa ilang pagdalaw muli. Nang puntahan ng isang kapatid na babae ang isa sa kaniyang dadalawin, wala sa tahanan ang taong kaniyang hinahanap, ngunit ibang kabataang babae ang lumabas, na nagsabi: “Kanina pa kita hinihintay.” Nakatanggap na ng aklat na Kaalaman ang maybahay mula sa isang kakilala. Nang dumalaw sa kaniyang tahanan ang mga kapatid na babae, dalawang beses na niyang nabasa ang aklat at siya’y lubhang humanga sa mga impormasyong nilalaman nito. Sinabi niya na hindi siya nagtaka sa pagdalaw sa kaniya ng mga Saksi sa araw na iyon dahil sa ipinananalangin niya na dumating sana sila at makipag-aral sa kaniya ng Bibliya. Napasimulan ang isang pag-aaral, nagsimula siyang dumalo sa mga pulong ng kongregasyon, at mabilis siyang sumulong.

11 Isang kapatid na babae, na halos 25 taon nang bautisado, ang nagbigay kamakailan ng isang aklat na Kaalaman sa kaniyang ina. Ang aklat ay sinimulang basahin ng kaniyang ina, na isang miyembro ng simbahan. Matapos niyang mabasa ang dalawang kabanata, tinawag niya ang kaniyang anak at, sa laking gulat ng anak, sinabi niya: “Gusto kong maging isang Saksi ni Jehova!” Nagsimulang mag-aral ang ina at ngayon ay bautisado na.

12 Subukan ang mga Mungkahing Ito: Gumamit ka na ba ng tuwirang paglapit upang mapasimulan ang mga pag-aaral? Maaaring sabihin lamang ang ganito: “Kung gusto ninyong magkaroon ng isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, maipapakita ko sa inyo sa loob ng ilang minuto kung paano ito idinaraos. Kung magustuhan ninyo ito, maaari kayong magpatuloy.” Kapag ginawa ang gayon, ang maraming tao ay hindi mag-aatubiling tanggapin ang alok at masdan ang pagtatanghal ng isang pag-aaral sa Bibliya.

13 Sa pagsisimula ng pag-aaral, ipakita sa estudyante kung paano maghahanda nang patiuna sa pamamagitan ng pagbasa sa binanggit na mga kasulatan at pagguhit sa mga susing salita bilang sagot sa mga nakalimbag na mga tanong. Magtuon lamang ng pansin sa mga pangunahing punto. Bagaman maaari tayong gumawa ng pagbabago sa ilang sesyon sa pasimula, mahalaga na maidaos nang regular ang pag-aaral sa Bibliya. Isaisip kung paano ninyo ihaharap ang panalangin bilang isang mahalagang bahagi ng pag-aaral at kung paano ninyo maihahanda sa maka-Kasulatang paraan ang estudyante para harapin ang pagsalansang. Sabihin pa, gawing kawili-wili ang pag-aaral.

14 Mangyari pa, hindi pare-pareho ang pagsulong ng bawat estudyante sa Bibliya. Ang ilan ay hindi katulad ng iba na may likas na hilig sa espirituwal o dili kaya’y kasimbilis ng iba sa pag-unawa sa mga bagay na itinuturo. Ang iba ay abalang-abala sa buhay at baka hindi makapaglaan ng kinakailangang panahon upang makubrehan ang buong kabanata bawat linggo. Kaya naman, sa ilang kalagayan ay baka kailanganin ang higit sa isang sesyon ng pag-aaral upang makubrehan ang ilang kabanata at ilang karagdagang buwan upang makumpleto ang aklat. Sa ilang kaso ay maaaring pag-aralan muna natin ang brosyur na Hinihiling at pagkatapos ay lumipat sa aklat na Kaalaman; sa iba naman, pagkatapos na makumpleto ang aklat na Kaalaman, masusumpungan nating makabubuti na pag-aralan ang brosyur na Hinihiling. Ito, kalakip ng kanilang pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon, ay tutulong sa bawat estudyante na magkaroon ng matatag na pundasyon sa katotohanan.

15 Higit sa lahat, manalangin ukol sa isang pag-aaral sa Bibliya! (1 Juan 3:22) Ang isa sa pinakakasiya-siyang karanasan para sa isang Kristiyano ay ang gamitin ni Jehova upang tulungan ang isa na maging alagad ni Jesu-Kristo. (Gawa 20:35; 1 Cor. 3:6-9; 1 Tes. 2:8) Ngayon na ang panahon upang magpamalas ng matinding sigasig sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya, na lubusang nagtitiwala sa saganang pagpapala ni Jehova sa ating mga pagsisikap na makapagsimula ng maraming pag-aaral!

[Blurb sa pahina 3]

Nananalangin ka ba na makapagpasimula ng isang bagong pag-aaral sa Bibliya?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share