Bahagi 11—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya
Pagtulong sa mga Estudyante na Dumalaw-Muli
1 Kapag ang isang estudyante sa Bibliya ay nagsimula nang makibahagi sa gawaing pangangaral, makasusumpong siya ng mga taong nagpapakita ng interes sa mabuting balita. Paano natin matutulungan ang bagong mamamahayag na gumawa ng mabibisang pagdalaw-muli at malinang ang interes na nasusumpungan niya?
2 Ang paghahanda para sa pagdalaw-muli ay nagsisimula sa unang pagdalaw. Himukin ang estudyante na magkaroon ng taimtim na interes sa kaniyang mga kausap. (Fil. 2:4) Unti-unti siyang sanayin na pasiglahin ang mga may-bahay na ipahayag ang niloloob nila, makinig sa kanilang mga komento, at bigyang-pansin ang mga bagay na ikinababahala nila. Kapag may nagpakita ng interes, hilingin sa bagong mamamahayag na isulat ang angkop na impormasyon tungkol sa pagdalaw. Gamitin ang impormasyong iyon upang tulungan siyang maiplano ang susunod pang pag-uusap.
3 Paghahanda sa Pagdalaw-Muli: Repasuhin ang impormasyon hinggil sa unang pagdalaw, at ipakita sa estudyante kung paano pipili ng isang aspekto ng mensahe ng Kaharian na makaaakit sa may-bahay. (1 Cor. 9:19-23) Magkasamang maghanda ng isang maikling presentasyon na nagtatampok ng isang teksto sa Bibliya pati ng isang parapo sa publikasyong pinag-aaralan. Bukod diyan, maghanda ng isang tanong na maaaring ibangon sa pagtatapos ng pag-uusap upang magsilbing saligan ng susunod na pagdalaw. Ipakita sa bagong mamamahayag kung paano daragdagan ang kaalaman ng may-bahay hinggil sa Salita ng Diyos sa bawat pagdalaw.
4 Makatutulong din na turuan ang estudyante ng isang simpleng pambungad. Pagkatapos batiin ang may-bahay, maaari niyang sabihin: “Nasiyahan ako sa ating huling pag-uusap, at nagbalik ako upang ibahagi ang higit pang impormasyon mula sa Bibliya hinggil sa [banggitin ang paksa].” Baka kailangan mo ring ipakita sa bagong mamamahayag kung paano tutugon kung ibang tao ang makausap niya sa pinto.
5 Maging Masikap sa Pagdalaw-Muli: Pasiglahin ang estudyante na magpakita ng mabuting halimbawa sa pagbalik kaagad sa lahat ng nagpakita ng interes. Maaaring mangailangan ng pagtitiyaga sa pagbabalik-muli upang masumpungan ang mga tao sa bahay. Turuan ang estudyante kung paano makikipag-appointment para makadalaw-muli, at tulungan siyang maunawaan ang pangangailangang bumalik gaya ng ipinangako. (Mat. 5:37) Sanayin ang bagong mamamahayag na maging mabait, makonsiderasyon, at magalang habang hinahanap niya ang mga tulad-tupa at nililinang ang kanilang interes.—Tito 3:2.