Bahagi 10—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya
Pagsasanay sa mga Estudyante Para sa Ministeryo sa Bahay-bahay
1 Kapag natiyak ng matatanda na kuwalipikado nang maging di-bautisadong mamamahayag ang isang estudyante sa Bibliya, maaari na siyang magsimulang makibahagi sa pangmadlang pangangaral kasama ng kongregasyon. (Tingnan ang Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova, p. 79-81.) Paano natin matutulungan ang estudyante na maabot ang tunguhing mangaral sa bahay-bahay?
2 Magkasamang Maghanda: Walang kapalit ang mahusay na paghahanda. Ipakita sa estudyante kung saan siya makasusumpong ng mungkahing mga presentasyon sa Ating Ministeryo sa Kaharian at sa aklat na Nangangatuwiran, at tulungan siyang pumili ng isang simpleng presentasyon na praktikal sa inyong teritoryo. Sa simula pa lamang, pasiglahin na siyang itampok ang Bibliya sa kaniyang ministeryo.—2 Tim. 4:2.
3 Lubhang kapaki-pakinabang para sa isang bagong mamamahayag ang mga pag-eensayo. Habang ineensayo ng estudyante ang presentasyon, ipakita sa kaniya kung paano mataktikang haharapin ang karaniwang mga tugon sa inyong teritoryo. (Col. 4:6) Bigyan siya ng katiyakan na hindi naman kailangang alam ng mga ministrong Kristiyano ang sagot sa bawat tanong na maaaring ibangon ng may-bahay. Kadalasan nang pinakamabuting harapin ang gayong mga tanong sa pagsasabing ikaw ay magsasaliksik at babalik upang talakayin pa nang higit ang bagay na iyon.—Kaw. 15:28.
4 Magkasamang Mangaral: Sa unang pagkakataon na makibahagi ang estudyante sa ministeryo sa bahay-bahay, hayaan siyang magmasid habang inihaharap mo ang presentasyon na inihanda ninyong dalawa. Pagkatapos ay isali siya. Sa ilang kalagayan, baka mas mabuti kung ang ihaharap lamang ng bagong mamamahayag ay isang bahagi ng presentasyon, gaya ng pagbabasa at pagkokomento sa isang teksto. Isaalang-alang ang personalidad at mga kakayahan ng estudyante. (Fil. 4:5) Maging mabilis sa pagbibigay ng komendasyon habang unti-unti mo siyang sinasanay sa iba’t ibang aspekto ng pangangaral.
5 Mahalagang tulungan ang isang bagong mamamahayag na magtatag ng regular na iskedyul sa pakikibahagi sa ministeryo, anupat ginagawa ito linggu-linggo kung posible. (Fil. 3:16) Bumuo ng espesipikong mga kaayusan na gumawang magkasama sa paglilingkod, at pasiglahin siyang gumawang kasama rin ng iba pang masisigasig na mamamahayag. Ang kanilang halimbawa at pakikisama ay tutulong sa kaniya na magkaroon ng kasanayan at makasumpong ng kagalakan sa pangangaral sa bahay-bahay.