Patuloy na Magturo Nang Walang Paglilikat
1 Hindi tayo iniiwan ng Bibliya sa pag-aalinlangan hinggil sa klase ng teritoryo ng mga unang Kristiyano. Hindi nagtagal pagkatapos ng kamatayan ni Jesus, sila’y binabalaan ng mga awtoridad na “huwag silang magsipagsalita ni magsipagturo tungkol sa pangalan ni Jesus.” (Gawa 4:18) Bakit? Ang isang dahilan nito ay ang kamangha-mangha nilang tagumpay. Libu-libo ang naging mananampalataya, gaya ng iniuulat ng Gawa 4:4: “Marami sa nangakarinig ng salita ay nagsisampalataya at ang bilang ng mga lalake ay umabot sa mga limang libo.”
2 Sapagka’t tayo ay patuloy ding nagtuturo nang walang paglilikat. daan-daang libo, oo, milyun-milyon ang naging mananampalataya sa ating kaarawan. Sa Abril ay may pribilehiyo tayong mag-alok ng suskripsiyon ng Bantayan. Walang alinlangang Ang Bantayan ay gumaganap ng mahalagang bahagi upang ang mga tao ay maging gising sa kanilang espirituwal na pangangailangan. Ito’y umakay sa kaligayahan para sa marami, habang kanilang natututuhang gawin ang kalooban ni Jehova.—Ihambing ang Mateo 5:3.
ABUTIN ANG LAHAT
3 Bagaman mayroon tayong teritoryo na madalas gawin, posible pa ring makausap ang ilan na kakaunti ang pagkakataong makarinig ng mabuting balita. Papaano? Sa teritoryong mahirap marating sa pamamagitan ng ministeryo sa bahay-bahay, bakit hindi samantalahin ang mungkahi sa ating pandistritong kombensiyon na makibahagi sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng telepono, o sumulat ng mga liham? O gumawa ng pantanging pagsisikap na makipag-usap sa mismong maybahay kapag nagpapatotoo. Sa pamamagitan ng pag-iingat ng house-to-house record, maaari nating masumpungan ang iba pang miyembro ng pamilya, gaya ng isang lola, isang pamangkin o pinsan na pumapasok sa paaralan, o isang hipag na nagtatrabaho sa mga simpleng araw. Ang ekstrang pagsisikap na makipag-usap sa bawa’t miyembro ng pamilya ay maaaring magbunga.
4 Marami ang maiinam na paraan upang makakuha ng suskripsiyon sa buwang ito. Ang isang paraan ay ang anyayahan ang ating mga tinuturuan sa Bibliya at iba pang interesadong tao na sumuskribe. Marahil ang isa sa ating estudiyante sa Bibliya ay nakasuskribe na sa isang magasin. Bakit hindi imungkahi ang dalawa? Ang mga pamilya ay maaaring pasiglahin na bawa’t miyembro nito ay magkaroon ng suskripsiyon sa Bantayan upang sila’y makapaghanda para sa pag-aaral ng Bantayan. Ang isa pang mungkahi ay ang magkaroon ng mga ruta ng magasin at pagkatapos ay mag-alok ng suskripsiyon sa mga nagpapakita ng higit sa karaniwang interes. Maaari din tayong mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya sa mga nagpapakita ng tunay na interes.
PALAWAKIN ANG INYONG MINISTERYO
5 Libu-libo ang naglilingkod bilang mga auxiliary payunir sa Abril. Kayo ba ay isa sa mga ito? Kung gayon, maaari ba kayong magplano na ipagpatuloy pa ang inyong pagpapayunir sa Mayo at Hunyo? Maaari bang ang buong pamilya ay makabahagi sa pagpapayunir sa Mayo? Kung hindi makapagpayunir ang buong pamilya, maaari ba kayong magtulungan upang ang isa o higit pang miyembro ng pamilya ay makagawa niyaon? Kung hindi, maaaari bang gumugol man lamang ng mas malaking panahon sa ministeryo sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga magasing Bantayan at Gumising! na may mga pantanging paksa sa Abril at Mayo?
6 Pinahahalagahan natin ang mga espirituwal na kapakinabangan at mga pagpapala na ating natatanggap sa pamamagitan ng mga pahina ng Bantayan. Nalalaman natin na ang tapat-pusong mga indibiduwal sa ating teritoryo ay makikinabang din nang malaki sa pagbabasa ng mga magasin sa regular na paraan. Sa buwan ng Abril, at hanggang sa Mayo, ipagpatuloy natin ang pagtuturo taglay ang mainam na mga kasangkapang ito na inilaan sa atin ni Jehova. Sa pamamagitan ng paggawa nito, ating aanihin ang pagpapala ni Jehova at ito ay magsisilbing isang pagpapala sa iba.—Gal. 6:9.