Patuloy na Makinabang Mula sa Ang Bantayan at Gumising!
Ngayong ang suskrisyon sa mga magasing Bantayan at Gumising! sa pamamagitan ng koreo ay itinitigil na, kailangan ang pagsisikap upang matiyak na tayo, at yaong ating pinangangaralan, ay hindi mawawalan ng kahit na isang labas nito.
Personal na mga Kopya: Kapag natapos na ang iyong personal na suskrisyon, dagdagan mo ang iyong kasalukuyang pidido sa despatso ng magasin. Dapat pumidido ng sapat na mga magasin ang mga magulang upang magkaroon ng sariling kopya ang bawat miyembro ng pamilya. Ang paglalagay ng iyong pangalan sa personal mong kopya ay titiyak na hindi ito maipasasakamay sa larangan nang hindi sinasadya. Kapag dumating na ang padalang mga magasin, ang mga ito ay ihahanda ng mga kapatid na nangangasiwa rito upang ang bawat labas nito ay makuha karaka-raka sa Kingdom Hall.
Mga Ruta ng Magasin: Dapat pagsikapan ng mga mamamahayag na magtatag ng isang ruta ng magasin sa lahat ng taong interesado na nagnanais magkaroon ng bawat labas nito. Ang personal na paghahatid ng mga magasin sa mga taong ito ay magbibigay sa atin ng mga pagkakataon upang malinang ang ipinakitang interes at makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.—Tingnan ang Ating Ministeryo sa Kaharian, Oktubre 1998, pahina 8.
Yaong mga May Pantanging Pangangailangan: Kung ang indibiduwal ay nagpapamalas ng tunay na interes subalit nakatira sa di-iniatas na teritoryo, maaaring gawin itong isang eksepsiyon upang makatanggap siya ng mga magasin sa pamamagitan ng koreo. Kung ang isang tao na nakatira sa teritoryo ng kongregasyon ay hindi mararating sa pamamagitan ng ruta ng magasin subalit talagang interesadong tumanggap ng mga magasin, ipakipag-usap ang kasong ito sa Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon. Kung sila’y sang-ayon, maaaring ipadala ang suskrisyon sa taong interesado. Ang karaniwang mga porma sa suskrisyon (M-1 at M-101) ay maaaring gamitin sa layuning ito.
Makapagtitiwala tayo na patuloy na gagantimpalaan ni Jehova ang lahat ng ating pagsisikap upang mailathala ang Kaharian sa pamamagitan ng Ang Bantayan at Gumising!