Abutin ang mga Puso sa Pamamagitan ng Mabisang mga Pag-aaral sa Bibliya
1 Si Jesus ay nakasumpong ng kasiyahan sa pagsasagawa ng kalooban ng kaniyang Ama, at naligayahan siyang tumulong sa iba na maglingkod din kay Jehova. (Awit 40:8; Mat. 9:37, 38; 11:28-30) Nanaisin din nating tumulong sa iba na maglingkod kay Jehova upang sila’y magtamo ng buhay. Magagawa natin ito nang matagumpay sa pamamagitan ng pag-abot sa mga puso ng ating mga estudiyante sa Bibliya. Saklaw nito ang higit pa kaysa pangangasiwa ng isang tanong-sagot na pagtalakay sa isang publikasyon. Upang abutin ang puso, kailangan tayong maghanda taglay sa isipan ang ating estudiyante.
2 Si Jesus ay may personal na interes sa iba. Isinaalang-alang niya ang kanilang pangmalas. Gumamit siya ng mga ilustrasyon upang padaliin ang mahihirap na paksa. Kapag hindi kaagad makuha ng kaniyang mga tagapakinig ang punto na kaniyang itinuturo, matiyaga niyang inilalarawan ang nais niyang sabihin. (Mat. 16:5-12) Ang malalim na interes ni Jesus sa iba ay dapat na magpasigla sa atin na gawin din ang gayon sa ating mga estudiyante sa Bibliya.
ITAMPOK ANG BIBLIYA
3 Ano yaong nakatulong sa marami na tumugon kaagad sa ibinibigay na patotoo? Iyon ay sapagka’t ang pabalitang tinanggap ay mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Oo, ang Salita ng Diyos ay umaabot sa mga puso. (Heb. 4:12) Tulungan ang mga estudiyante na makita kung bakit ang isang partikular na landasin ay katalinuhan o kamangmangan. Mangatuwirang kasama niya kung papaanong ang pagsunod sa mga batas ng Diyos ay magdudulot sa kaniya ng kapakinabangan.—Tingnan ang Ang Bantayan, Pebrero 1, 1985, mga pahina 15-16.
4 Nasumpungan ng maraming mga mamamahayag na ang paggamit ng aklat na Nangangatuwiran ay napakabisa sa pagtatampok sa Bibliya. Halimbawa, kapag isinasaalang-alang ang pahina 124, parapo 13, ng aklat na Mabuhay Magpakailanman, ang materyal sa pahina 106 ng aklat na Nangangatuwiran sa ilalim ng “Bakit namamatay ang mga sanggol?” ay maaaring gamitin upang idiin ang interes ni Jehova na maingatan ang kaayusang pampamilya. Ang impormasyon ay maaaring makakumbinsi sa tao hinggil sa pag-ibig ni Jehova para sa sangkatauhan.
MAGTANONG
5 Ang mabisang paggamit ng mga katanungan ay nakatulong kay Jesus upang maakay niya ang mga tao na mag-isip at mangatuwiran. (Mat. 17:24-27) Ang mga sagot ng estudiyante ay maaaring makatulong sa atin upang mabatid kung ano ang kaniyang natututuhan at gayundin kung ano pang di maka-Kasulatang pangmalas ang taglay niya. Marahil ay nakikipagpunyagi ang estudiyante sa bisyo ng paninigarilyo. Ang pagsasaalang-alang sa materyal sa kabanata 27 ng aklat na Mabuhay Magpakailanman ay maaaring makatulong sa kaniya na makita ang pangangailangang itigil ang paninigarilyo. Gayumpaman, siya ba’y talagang kumbinsido na dapat siyang umalpas mula dito? Maaari ninyong sabihin: “Ano ba ang nadarama mo hinggil dito? Ipagpalagay nating tumigil ka na ngayon subali’t pinagtawanan ka ng iyong mga kaibigan. Ano ang gagawin mo?”
6 Gayumpaman, may isang paalaala. May mga panahong ang gayong katanungan ay maaaring sagutin sa paraang ikagigitla o ikasisira ng loob ninyo. Ano kung gayon? Kung iyon ay isang sensitibong paksa, makabubuting huwag ninyong ipilit ang isyu kundi sabihing: “Maaari muna tayong magpatuloy. Saka na lamang natin babalikan ito.” O, “Bueno, isang bagay ito na dapat isipin, hindi ba?” Kung matigas ang estudiyante hinggil dito, maaari kayong maghanda ng impormasyon na makatutulong sa kaniya na gumawa ng karagdagang pagsulong. Dapat nating pagsikapang mapakilos ang puso ng tao at manalangin kay Jehova na tulungan siyang lumaki sa espirituwal.—1 Cor. 3:5-9.
7 Kapag nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya, laging tandaan na gumamit ng sapat na panahon upang makipagkatuwiranan sa estudiyante sa materyal na isinasaalang-alang. Iangkop ang inyong paraan ng pagtuturo sa kaniyang partikular na pangangailangan. Pagsikapang mailagay sa kaniyang puso ang malalim na pag-ibig at paggalang kay Jehova, sa Bibliya, at sa organisasyon ni Jehova.—Gawa 2:41-46.