Nangaturuan ni Jehova
1 Ang Isaias 50:4 ay nagpapahayag: “Binigyan ako ng Soberanong Panginoong Jehova ng dila ng nangaturuan, upang aking maalaman kung paanong aaliwin ng mga salita siyang nanglulupaypay.” Ang isang paraan ng paggawa nito ni Jehova ay sa pamamagitan ng pagsasanay na inilalaan ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Subali’t kailangan pa rin ang indibiduwal na pagsisikap. Ang Giya sa Paaralan sa pahina 39 ay nagsasabi: “Gaano mang kadalas nakaranas ka ng paggawa ng isang atas sa iyo, laging mahalaga ang maghanda.” Ito’y kumakapit sa ating lahat, tayo man ay nasa paaralan sa loob ng iilan lamang buwan o noon pang magsimula ang paaralan nang 1943.
2 Ang paghahanda ay naglalakip sa pagiging mapagbantay sa oras. Ang tagubilin ay nagsasabi: “Walang pahayag na dapat na sumobra sa oras.” Kapag ang isang kapatid na lalake na nagbibigay ng Atas Blg. 1 ay palaging sobra sa oras, dapat na siya’y bigyan ng pribadong payo. Dapat na magsimula ang tagapangasiwa ng paaralan nang nasa oras at manatili sa panahong ipinahihintulot sa pagpapayo.
3 Ang mga tampok na bahagi ng Bibliya ay hindi dapat na basta pagrerepaso ng iniatas na materyal. Dapat na tulungan ng tagapagsalita ang tagapakinig na mapahalagahan kung bakit at papaano ang impormasyon ay mahalaga sa atin.
4 Sa Pahayag Blg. 3 iba’t ibang tagpo ang maaaring gamitin. Subali’t taglay sa isipan ang pangunahing layunin ng paaralan, na yao’y upang tulungan tayo na maiharap ang katotohanan nang may kawastuan at maliwanag, makabubuting ang mga tagpo ay may kinalaman sa paglilingkod sa larangan o impormal na pagpapatotoo.
5 Ang Pahayag Blg. 4, kapag kinukuha sa aklat na Ang Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, ay dapat na iatas sa mga baguhan o mga estudiyanteng kabataan. Ang mga pahayag na ito ay sasalitan sa bawa’t linggo ng presentasyon mula sa aklat na Nangangatuwiran. Kapuwa sa Pahayag Blg. 3 at Pahayag Blg. 4, ang estudiyante ay dapat gumamit ng tema gaya ng makikita roon.
6 Kailangan ang pag-iingat kapag gumagamit ng karagdagang materyal. Kahit na ang materyal ay sumasaklaw lamang ng isa o dalawang parapo, mabisa pa ring maihaharap ito sa pamamagitan ng pagbabasa at pagpapaliwanag ng mga Kasulatan na ginagamit ang mga ilustrasyon, abp. Sa pangkalahatan, hindi kailangang dagdagan pa ng ibang materyal ang iniatas sa atin. Dapat na masubaybayan kayo ng tagapakinig sa publikasyong pinagsaligan ng pahayag.
7 Ang Diyos na ating sinasamba ay naglalaan ng di mauubos na bukal ng karunungan. (Roma 11:33) Kung gayon, maging determinado na makinabang nang lubusan mula sa paglalaan na ginawa ni Jehova para sa atin sa pamamagitan ng palagiang pagdalo at pakikibahagi sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa 1991.