Kung Papaano Lilinangin ang Interes
1 Ayon sa isang diksiyonaryo ang “linangin” ay nangangahulugang paghandaan o pangyarihin ang paglaki. Subalit ito ay maaari ring mangahulugang gumawa ng pagsulong sa pamamagitan ng pagtatrabaho, pangangalaga, o pag-aaral. Ang paggawa ng mga alagad ay isang mahalagang tunguhin sa ating ministeryo. (Mat. 28:19, 20) Kung gayon, kailangan tayong lubusang magtrabaho upang linangin ang interes na nasusumpungan natin sa ministeryo sa larangan.
2 Ang paulit-ulit na mga pagdalaw ay kadalasang kailangan upang mapasulong ang espirituwal na paglaki ng mga tapat-pusong mga tao. Ang mabungang mga pagdalaw muli ay dapat umakay sa isang regular na pag-aaral sa Bibliya.
3 Kayo ba ay dumadalaw lamang sa mga kumuha ng literatura? Ang isang payunir na hindi naman laging nakapaglalagay ng maraming babasahin sa unang pagdalaw ay bumabalik sa lahat ng mga naging palakaibigan. Ang isang mabuting pag-uusap hinggil sa Kasulatan ay naglalaan ng isang mainam na saligan para sa pagdalaw muli.
4 Gamitin ang mga Tract Upang Pasimulan ang mga Pag-aaral sa Bibliya sa mga Pagdalaw muli: Ang iba’t ibang paksa sa ating mga tract ay angkop sa ating kaarawan. Idinidiin nito ang pangangailangan para sa pagkakaroon ng kaalaman sa Bibliya at sa pagkakapit nito.
Maaari ninyong sabihin:
◼ “Sa nakaraang pag-uusap ating tinalakay kung bakit tayo makapagtitiwala sa Bibliya. Anong uri ng kinabukasan ang sinasabi ng Bibliya?” Magsimula sa pamamagitan ng pagbasa mula sa ikalawang parapo sa pahina 3 ng tract na Ang Buhay sa Mapayapang Bagong Sanlibutan. Tingnan ang mga kasulatan. Magtapos sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa materyal sa ilalim ng sub-titulong “Kung Paano Mo Makakamit Ito” sa pahina 5.
5 Sa nakakatulad na paraan, maaari ninyong gamitin ang tract na Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na mga Minamahal?
Maaari ninyong sabihin:
◼ “Gaya ng ating isinaalang-alang sa maikli noon, maraming tao ang nawawalan ng pagtitiwala sa Diyos. Halimbawa, sila ay nagtatanong, ‘Kung ang Diyos ay lubhang makapangyarihan, bakit niya pinahihintulutang mamatay ang mga tao?’ Ang tract na ito ay makatutulong upang sagutin ang katanungang iyan.” Bumaling sa seksiyon sa pasimula ng ikaapat na parapo sa pahina 2. Magtanong pagkatapos ng bawat parapo, at basahin ang mga kasulatang hindi sinisipi.
6 Pagpapatuloy ng Pag-aaral: Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga mungkahi rito, kayo ay nagpapasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya. Upang maipagpatuloy ang pag-uusap sa regular na paraan, tanungin ang maybahay: “Napansin ba ninyo na nasagot natin ang maraming katanungan sa ilang minuto lamang? Sa susunod na linggo maaari tayong gumugol ng kaunti pang panahon upang sagutin ang katanungan hinggil sa pag-asa ng pagkabuhay-muli.” Maaari kayong gumamit ng isa lamang sa mga tanong na binabanggit sa mga artikulong ito sa bawat pagdalaw ninyo. Sa angkop na panahon, maaari kayong bumaling sa isang brochure o magpasimula ng pag-aaral sa aklat na Mabuhay Magpakailanman.
7 Tunay na kasiyasiyang magdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya sa talagang naghahanap ng katotohanan! Pagpalain nawa tayo sa pagkakaroon ng mabungang ministeryo sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga mungkahing ibinigay kung papaano lilinangin ang interes na nasusumpungan natin.