Ang Bantayan—Espirituwal na Pagkain sa Tamang Panahon
1 Sa halos 114 na taon na, Ang Bantayan ay nagpapayo sa mambabasa nito na manatiling gising sa espirituwal. Ang publikasyong ito ay naging isang tapat na kasangkapan upang tanglawan ang ating daan sa isang madilim na sanlibutan. (Isa. 60:2) Ang katotohanan ng Salita ng Diyos ay hindi kailanman nagbabago, subalit ang ating kaunawaan dito ay lalong lumiliwanag habang ito at ang iba pang mga kasangkapan ay ginagamit ni Jehova upang bigyan tayo ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.”—Mat. 24:45; Kaw. 4:18.
2 Gamitin sa Pinakamabuti ang mga Magasin: Maipakikita natin ang ating pagpapasalamat sa espirituwal na kaliwanagan na ating tinanggap sa pamamagitan ng may kasiglahang paghimok sa mga tao na bumasa ng Ang Bantayan. Kadalasan, maraming mga tao ang nag-aatubili na sumuskribe sa unang pagdalaw sa bahay-bahay o kapag nangangaral nang impormal. Subalit marami ang kumukuha ng isa-isang kopya ng mga magasin nang may pagkapalagian at maliwanag na nasisiyahan sa pagbabasa ng mga yaon. Maaaring mapahalagahan ng mga ito ang pagkakataong tumanggap ng suskrisyon. Maaaring naisin ng iba na basta kunin ang mga magasin sa pasimula, at pagkatapos ay maaari kayong bumalik upang ialok ang suskrisyon kapag nagpakita ng interes.
3 Papaano ninyo malalaman kung may tunay na interes kahit na hindi sumuskribe ang maybahay sa unang pagdalaw? Habang itinatampok ninyo ang isa o dalawang punto sa isang magasin, pansinin ang reaksiyon ng maybahay. Taimtim ba siyang nakikinig? Iginagalang ba niya ang Bibliya at sumusubaybay sa pagbasa sa mga teksto ng Bibliya? Tumutugon ba siya sa inyong mga katanungan? Kung gayon, maaari ninyong isaayos ang isang pagdalaw muli sa loob ng linggong iyon at masiyahan sa higit na pag-uusap sa panahong iyon. Sa dakong huli ay maaaring sumang-ayon na siyang sumuskribe upang palagiang tumanggap ng mga magasin.
4 Ang mga bagong magasin ay dapat na ipamahagi sa mga mamamahayag karakaraka kapag ang mga ito ay naihatid na sa kongregasyon. Kapag natanggap ninyo ang bagong isyu, maging lubusang pamilyar dito. Anong mga paksa ang lubhang ikinababahala ng mga tao sa inyong lugar? Pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan? Ang ekonomiya? Mabuting pamahalaan? Ang kapaligiran? Bukod-tanging Ang Bantayan ay umaakay sa mga tao sa tanging permanenteng solusyon, ang Kaharian ng Diyos. (Dan. 2:44; Mat. 6:10) Tunay na ito’y isang di matutumbasang kaloob mula sa ating “Dakilang Instruktor.”—Isa. 30:20.
5 Ang Mayo ay nag-aalok ng isang napakainam na pagkakataon upang maglaan ng higit na panahon sa paglilingkod sa larangan. Yamang mayroon itong limang dulong sanlinggo, marami ang magpapatala bilang mga auxiliary payunir. Pagsikapan nating lahat na gumawang may kasipagan at magpasigla sa lahat ng ating matatagpuan sa Mayo na basahin Ang Bantayan at Gumising! upang tamuhin nila ang espirituwal na pagkain sa tamang panahon.