Iugnay ang mga Tract sa Iba Pang mga Literatura
1 Sa lahat ng mga magasing inilalathala ngayon, Ang Bantayan at Gumising! lamang ang makatutulong sa taimtim na mga mambabasa na makita ang daan tungo sa walang hanggang buhay. Habang kayo’y nakikipag-usap sa mga tao sa Mayo, ipakita sa kanila ang pinakabagong mga magasin o ang isa sa mga brochure ng Samahan. Ang iba ay maaaring magpakita ng kaunting interes sa pasimula. Sa gayong mga kaso, marahil ay tatalakayin muna ninyo ang isa o dalawang punto sa isang tract; at kung magpakita ng karagdagang interes ang maybahay, iugnay ang tract sa magasin o brochure na inyong itinatampok.
2 Maaari ninyong sabihin:
◼ “Ang karamihang mga tao ay sasang-ayon na sa daigdig ngayon, mas marami ang suliranin kaysa solusyon. Alam ba ninyo na karamihan sa ating pinakamalulubhang suliranin ay inihula sa Bibliya?” Pagkatapos ay maaari kayong bumaling sa mga pahina 4 at 5 ng tract na Ang Sanlibutan Bang Ito ay Makaliligtas? at pagkatapos ay talakayin ang ilan sa mga problema.
3 Kung ang itinatampok ninyo ay ang Mayo 1 ng Bantayan at ang maybahay ay nagpakita ng interes sa inyong binasa mula sa tract, maaari kayong bumaling sa artikulong “Kaligtasan sa Pagkahayag ni Jesu-Kristo” at ipaliwanag kung papaanong lulutasin ni Jesus sa lalong madaling panahon ang lahat ng mga suliranin ng tao. O, kung ginagamit ang isyu ng Mayo 15 maaari ninyong gamitin ang artikulong “Gaano Katotoo ang mga Inihula ng Bibliya?”
4 Kung Mayo 8 ng “Gumising!” ang itinatampok, maaari ninyong gamitin ang pambungad na nakabalangkas sa parapo 2 ng artikulong ito at pagkatapos ay idagdag:
◼ “Marami ang nag-iisip kung ang pagtutulungan ng relihiyon at siyensiya ay siyang kasagutan.” Pagkatapos ay basahin ang isang angkop na punto sa artikulong “Relihiyon at Siyensiya—Hindi Mabuting Pagsamahin.”
5 Kapag itinatampok ang brochure na “Narito!” maaari kayong gumamit na naiibang paglapit:
◼ “Maraming tao ang nag-iisip kung ano ang mangyayari sa atin kapag tayo ay namatay. Sinasabi ng ilan na tayo’y magtutungo sa langit o sa impiyerno; ang iba ay hindi nakatitiyak. Ang sagot ng Bibliya ay mapananaligan.” Pagkatapos ay maaari ninyong talakayin ang mga bahagi ng tract na Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na mga Minamahal? Maaari kayong magpatuloy sa pamamagitan ng pagbaling sa mga pahina 16 at 17 ng brochure kapag nagpakita ng interes ang maybahay.
6 Marami ang nagtagumpay sa paggamit ng tract na Ang Buhay sa Mapayapang Bagong Sanlibutan. Maaari ninyong tanungin ang maybahay kung nais niyang magtamasa ng pamumuhay sa ilalim ng mga kalagayang inilalarawan sa tract. Pagkatapos na siya’y sumagot, ipaliwanag kung papaanong ang gayong mapayapang bagong sanlibutan ay darating. Pagkatapos ay gamitin ang Mayo 1 ng Bantayan gaya ng iminungkahi sa parapo 3 ng artikulong ito.
7 Kung kayo’y isang baguhang mamamahayag, walang alinlangang pahahalagahan ninyo ang isang payak na paglapit. Bakit hindi kumuha ng suplay ng tract na Ang Sanlibutan Bang Ito ay Makaliligtas? at sundin ang mga mungkahing nakabalangkas sa itaas sa parapo 2?
8 Ikinararangal nating dalhin ang pabalita ng kaligtasan sa tahanan ng mga tao. Sa ating paghanap sa ‘mga karapatdapat,’ gamitin nating mabuti ang ating mga tract at iugnay ang mga ito sa iba pang literatura kapag may nasumpungang interes.—Mat. 10:13.