Ang Bantayan at Gumising!—Mga Babasahin ng Katotohanan
1 Ang isyu ng Ang Bantayan noong Enero 1, 1994, pahina 22, ay nagpaalaala sa atin na ang ating mga magasin ay naglalathala ng “napapanahong mga artikulo na para sa tunay na pangangailangan ng mga tao.” Sa Abril at Mayo, ating itatampok ang mga magasing ito sa lahat ng ating masusumpungan.
2 Ang gawain sa bahay-bahay ay nagbibigay ng pinakamainam na pagkakataon para makapaglagay ng mga magasin. Ang mabisang impormal na pagpapatotoo, gawain sa lansangan, at gawain sa mga lugar ng negosyo ay napakaiinam ding paraan upang mapasulong ang pamamahagi nito.
3 Mga Paksang Matatalakay: Ang isyu ng Abril 1 ng Bantayan ay may mga paksang “Isang Lalong Mabuting Sanlibutan—Pangarap ba Lamang?” at “Isang Lalong Mabuting Sanlibutan—Malapit Na!” Ito’y tunay na kasuwato ng layunin ng magasin na ipahayag ang Kaharian ng Diyos. Ang ikalawang artikulo ay nagpapakita kung papaanong ang paraiso ay magiging totoo sa ilalim ng pamamahala ni Kristo.—Luc. 23:43.
4 “Saan Ka Makakasumpong ng Maaasahang Patnubay?” ang katanungang tinalakay sa isyu ng Abril 15. Ang mga isyu sa Mayo ay higit na tatalakay sa paksang ito sa mga artikulong “Nakatutugon ba ang Relihiyon sa Iyong Pangangailangan?” at “Bakit Dapat Basahin ang Bibliya?” Madali nating mapasisimulan ang pakikipag-usap sa mga tao na nakadarama na ang kanilang buhay ay nagkukulang ng layunin.
5 Pagpapasulong sa mga Nailalagay: Ang isyu ng Enero 1 ay nagbibigay ng apat na mungkahi upang mapasulong ang nailalagay. Tayo ay pinasisiglang (1) maging palaisip sa magasin. Kapag binabasa natin ang mga ito, dapat nating isipin kung anong artikulo ang maaaring makaakit sa mga tao sa ating teritoryo. Gayundin, kung tayo’y regular na nagdadala ng mga kopya, maaari nating mailagay ang mga ito sa mga kamanggagawa, kapitbahay, guro, kamag-aral, o namimili.
6 Tayo’y pinaaalalahanan (2) na gawing payak ang ating mga presentasyon. Piliin ang isang kapanapanabik na punto, at sabihin ito sa ilang salita. Kung kayo ay nakapaglagay ng magasin, maaaring ito na ang gumawa ng “pagsasalita” sa mga tao sa sambahayan.
7 Ang isa pa ay (3) pagiging marunong makibagay. Makabubuting taglay sa isipan ang iba’t ibang artikulong tatalakayin—para sa mga kabataan, para sa mga lalake, at para naman sa mga babae.
8 Bilang katapusan, kailangan nating (4) magtakda ng isang personal na tunguhin sa paglalagay nito. Bagaman ang kongregasyon ay hindi makapaglalagay ng tiyak na kota, bilang mga indibiduwal tayo ay makapaglalagay ng tunguhin para sa ating sarili. Ito’y maaaring makatulong sa atin na maging higit na masigla sa pag-aalok ng mga magasin.
9 Nais nating malaman ng iba pa ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Lubusang gamitin ang mga magasin sa pagpapalaganap ng pabalita ng Kaharian.—Mat. 10:7.