Ang Bantayan at ang Gumising!—Napapanahong mga Magasin ng Katotohanan
“Iyong tinubos ako, Oh Jehova, ang Diyos ng katotohanan.”—AWIT 31:5.
1, 2. (a) Ano ang nadama ng isang sister tungkol sa isang bagay na nabasa niya sa Ang Bantayan? (b) Anong mga tanong ang ibinabangon tungkol sa ating mga magasin?
“MARAMING-MARAMING salamat,” ang isinulat ng isang sister na Kristiyano, “ukol sa kahanga-hangang impormasyon sa artikulo sa Bantayan na ‘Makasusumpong Ka ng Kaaliwan sa Panahon ng Pagkabagabag.’a Napakarami sa mga puntong inyong binanggit ang mismong damdamin na naranasan ko; para bang ang artikulong ito ay isinulat nang tuwiran sa akin. Nang unang basahin ko iyon, ako’y napaluha. Lubhang kagila-gilalas na malamang may isang nakaaalam ng aking damdamin! Kaylaki ng pasasalamat ko na maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Saan pa ba tayo makasusumpong ng mga pangako ng buhay na walang-hanggan sa Paraiso sa malapit na hinaharap at, ngayon, ng kaaliwan para sa ating mga kaluluwa! Salamat sa inyo. Maraming-maraming salamat sa inyo.”
2 Ganiyan ba ang inyong nadama? Wari bang may isang bagay sa Ang Bantayan o sa kasamang magasin nito, ang Gumising!, na waring tanging isinulat para sa iyo? Ano ang taglay ng ating mga magasin na nakaakit sa puso ng mga tao? Papaano natin matutulungan ang iba upang makinabang buhat sa nagliligtas-buhay na balitang taglay ng mga ito?—1 Timoteo 4:16.
Mga Magasin na Nagtataguyod ng Katotohanan
3. Sa anong mabuting dahilan tumimo nang malalim sa puso ng maraming mambabasa ang mga magasing Bantayan at Gumising!?
3 Si Jehova “ang Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Ang kaniyang Salita, ang Bibliya, ay isang aklat ng katotohanan. (Juan 17:17) Ang tapat-pusong mga tao ay tumutugon sa katotohanan. (Ihambing ang Juan 4:23, 24.) Ang isang dahilan na Ang Bantayan at ang Gumising! ay tumimo nang malalim sa puso ng angaw-angaw na mambabasa ay sapagkat ang mga ito ay mga magasing nagtataguyod ng katapatan at katotohanan. Sa katunayan, dahilan sa isyu ng katapatan sa katotohanan ng Bibliya kung kaya pinasimulang ilathala Ang Bantayan.
4, 5. (a) Ano ang mga kalagayang umakay tungo sa paglalathala ni C. T. Russell ng Watch Tower? (b) Papaano ginagamit ng “tapat at maingat na alipin” ang magasing Bantayan?
4 Noong 1876, si Charles T. Russell ay naging kasama ni Nelson H. Barbour, ng Rochester, New York. Si Russell ang naglaan ng pondo upang muling buhayin ang paglilimbag ng relihiyosong lathalain ni Barbour na Herald of the Morning, na si Barbour ang pangunahing editor at si Russell ang katulong na editor. Gayunman, mga isang taon at kalahati ang lumipas, sa labas noong Agosto 1878 ng Herald, sumulat si Barbour ng isang artikulo na itinatwa ang pantubos na halaga na dulot ng kamatayan ni Kristo. Si Russell, na nakababata kay Barbour nang halos 30 taon, ay tumugon sa isang artikulo sa mismong kasunod na isyu na nagtaguyod ng pantubos, anupat kaniyang tinukoy bilang “isa sa pinakamahahalagang turo ng Salita ng Diyos.” (Mateo 20:28) Pagkatapos ng paulit-ulit na pagsisikap na makipagkatuwiranan kay Barbour sa Kasulatan, sa wakas ay ipinasiya ni Russell na putulin na ang lahat ng kaugnayan sa Herald. Pasimula sa labas ng Hunyo 1879 ng magasing iyan, ang pangalan ni Russell ay hindi na nakita roon bilang isang katulong na editor. Makalipas ang isang buwan, ang 27-taón-gulang na si Russell ay nagsimulang maglathala ng Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence (kilala ngayon bilang Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova), na sa simula pa lamang ay nagtaguyod na ng katotohanan sa Kasulatan, tulad halimbawa ng pantubos.
5 Sa nakalipas na 114 na taon, Ang Bantayan, gaya ng isang magaling na abugado, ay nakilala bilang isang tagapagtanggol ng katotohanan at doktrina ng Bibliya. Sa paggawa ng gayon, nakamtan nito ang pagtitiwala ng milyun-milyong nagpapahalagang mga mambabasa. Ito ay matibay pa ring sumusuporta sa pantubos. (Halimbawa, tingnan ang labas ng Pebrero 15, 1991.) At ito’y nagpapatuloy na pangunahing instrumento ng “tapat at maingat na alipin” at ng Lupong Tagapamahala nito para sa paghahayag ng natatag na Kaharian ni Jehova at pamamahagi ng espirituwal na pagkain “sa tamang panahon.”—Mateo 24:14, 45.
6, 7. Ano ang ipinahayag na layunin ng The Golden Age, at ano ang nagpapakita na ang mga taong palaisip ay tumugon sa pabalita nito?
6 Kumusta naman ang magasing Gumising!? Sa pasimula pa nito, ang Gumising! ay nagtaguyod din ng katotohanan. Sa pasimula ay tinawag na The Golden Age, ang magasing ito ay dinisenyo na ipamahagi sa madla. Tungkol sa layunin nito, ang unang labas, na may petsang Oktubre 1, 1919, ay may ganitong pahayag: “Ang layunin nito ay ipaliwanag ayon sa Banal na karunungan ang tunay na kahulugan ng mga dakilang pangyayari sa kasalukuyang kaarawan at patunayan sa mga palaisip sa pamamagitan ng ebidensiyang hindi matututulan at kapani-paniwala na ang panahon ng lalong dakilang pagpapala sa sangkatauhan ay naririto na.” Ang mga taong palaisip ay tumugon sa mensahe ng The Golden Age. Sa loob ng mga ilang taon, ang sirkulasyon nito ay lalong malaki kaysa Ang Bantayan.b
7 Gayunman, ang nakaaakit sa Ang Bantayan at Gumising! ay yaong bagay na naglalathala ang mga ito ng doktrinang katotohanan at ipinaliliwanag ang makahulang kahulugan ng mga kalagayan sa daigdig. Lalung-lalo na noong nakalipas na isa o dalawang dekada, ang ating mga magasin ay nakaakit sa puso ng mga tao sa isa pang kadahilanan.
Napapanahong mga Artikulo na Nakaaapekto sa Buhay ng mga Tao
8. Anong pagbabago ang ginawa ni Judas sa kaniyang isinulat, na pinapayuhan ang kaniyang mga mambabasa na labanan ang anong mga impluwensiya sa loob ng kongregasyon?
8 Mga 30 taon pagkamatay at pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo, ang manunulat ng Bibliya na si Judas ay napaharap sa isang hamon. Pumuslit sa gitna ng mga Kristiyano ang imoral, makahayop na mga tao. Sa pasimula ay hangarin ni Judas na sumulat sa mga kapuwa Kristiyano ng tungkol sa isang paksa sa doktrina—ang kaligtasan para sa lahat ng pinahirang Kristiyano. Sa halip, sa patnubay ng banal na espiritu, nakita niya ang pangangailangan na himukin ang kaniyang mga mambabasa na paglabanan ang nakasasamang mga impluwensiya sa loob ng kongregasyon. (Judas 3, 4, 19-23) Sumulat si Judas ng nababagay sa kalagayan at nagbigay ng napapanahong payo na katugon ng mga pangangailangan ng kaniyang mga kapatid na Kristiyano.
9. Ano ang kasangkot sa paglalaan ng napapanahong mga artikulo para sa ating mga magasin?
9 Gayundin, ang paghahanda ng napapanahong mga artikulo para sa ating mga magasin ay isang di-magaang na pananagutan. Nagbabago ang panahon, at gayundin ang mga tao—ang kanilang pangangailangan at ang kanilang mga kapakanan ay naiiba sampu o dalawampung taon na ngayon ang nakalipas. Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang may ganitong puna kamakailan: “Nang ako’y maging Saksi noong mga taon ng 1950, ang aming paraan ng pakikipag-aral ng Bibliya sa mga tao ay tungkol sa doktrina sa kalakhang bahagi—tinuturuan sila ng katotohanan tungkol sa Trinidad, apoy ng impiyerno, kaluluwa, at iba pa. Ngunit ngayon, waring may napakaraming suliranin at mga kahirapan sa pamumuhay ng mga tao kung kaya kailangang turuan natin sila ng kung papaano mamumuhay.” Bakit nga ganito?
10. Bakit hindi natin dapat pagtakhan na patuloy na sumásamâ ang pamumuhay ng tao buhat noong 1914?
10 Tungkol sa “mga huling araw,” ganito ang hula ng Bibliya: “Ang mga taong balakyot at mga impostor ay susulong mula sa masama tungo sa lalong masama, nanliligáw at nailíligáw.” (2 Timoteo 3:1, 13) Samakatuwid, hindi natin dapat pagtakhan ang patuloy na pagsamâ ng pamumuhay ng tao buhat nang magpasimula noong 1914 ang panahon ng kawakasan. Si Satanas, na ang natitirang panahon ay napakaikli na, ay nagbubuhos ng kaniyang galit sa lipunan ng sangkatauhan higit kailanman. (Apocalipsis 12:9, 12) Kaya naman, ang moral at ang mga pamantayang pampamilya ay ibang-iba kaysa noong umiral mga 30 o 40 taóng lumipas. Ang mga tao sa pangkalahatan ay hindi kasingrelihiyoso na gaya noong nakaraang mga dekada. Palasak ang krimen kung kaya ang mga tao ay gumagawa ng mga pag-iingat na hindi ginagawa noong 20 o 30 taóng lumipas.—Mateo 24:12.
11. (a) Anong uri ng mga paksa ang nasa isip ng mga tao, at papaano tumugon sa mga pangangailangan ang uring tapat at maingat na alipin? (b) Magbigay ng isang halimbawa ng isang artikulo sa Ang Bantayan o sa Gumising! na nakaapekto sa iyong buhay.
11 Hindi nakapagtataka, kung gayon, na mga isyung emosyonal, panlipunan, at pampamilya ang nasa isip ng maraming tao. Ang uring tapat at maingat na alipin ay lakasloob na tumugon sa Ang Bantayan at sa Gumising! sa pamamagitan ng paglalathala ng napapanahong mga artikulo na tumatalakay sa tunay na mga pangangailangan ng mga tao at talagang nakaáapekto sa kanilang buhay. Isaalang-alang natin ang ilang halimbawa.
12. (a) Bakit may mga artikulo tungkol sa mga pamilyang may nagsosolong magulang na inihanda para sa Ang Bantayan noong 1980? (b) Papaano nagpahayag ang isang sister ng kaniyang pagpapahalaga sa mga artikulo tungkol sa mga pamilyang may nagsosolong magulang?
12 Pampamilyang mga isyu. Nang ang mga pag-uulat sa buong daigdig ay nagpakita ng isang mabilis na pagdami sa bilang ng mga pamilyang may nagsosolong magulang, naiibang mga artikulo sa temang “Mga Pamilyang May Nagsosolong Magulang—Pagtatagumpay sa mga Suliranin” ang inihanda para sa Marso 15, 1981, labas ng Ang Bantayan. Ang mga artikulo ay may dalawang layunin: (1) tulungan ang nagsosolong mga magulang na mapagtagumpayan ang naiibang mga suliranin na nakaharap sa kanila at (2) tulungan ang iba na magkaroon ng higit na kabatiran upang maipamalas nila ang “damdaming pakikipagkapuwa” at tunay na “alagaan” ang mga pamilyang may nagsosolong magulang. (1 Pedro 3:8; Santiago 1:27) Maraming mambabasa ang sumulat upang magpahayag ng pagpapahalaga sa mga artikulo. “Tunay na ako’y napaluha nang makita ko ang pabalat,” isinulat ng isang nagsosolong magulang, “at nang buklatin ko ang magasin at basahin ang impormasyon, nag-umapaw sa aking puso ang pasasalamat kay Jehova sa paglalaan ng gayong impormasyon sa panahong kinakailangan iyon.”
13. Anong lubusang pagtalakay tungkol sa panlulumo ang inilathala sa Gumising! noong 1982, at ano ang sinabi ng isang mambabasa tungkol dito?
13 Mga isyung emosyonal. Ang paksa tungkol sa panlulumo ay tinatalakay na sa Ang Bantayan at sa Gumising! buhat pa noong mga taon ng 1960. (1 Tesalonica 5:14) Ngunit may isang bago at positibong pangmalas ang paksa na tinalakay sa seryeng “Madaraig Ninyo ang Panlulumo!” sa Pebrero 8, 1982, ng Gumising! Napakaraming liham ng pasasalamat ang di-nagtagal ay dumagsa sa Samahang Watch Tower buhat sa buong daigdig. “Papaano ko maipahahayag sa sulat ang damdamin sa aking puso?” isinulat ng isang sister. “Ako’y 24 na taóng gulang, at sa nakalipas na sampung taon, malimit na dumaranas ako ng panlulumo. Subalit ngayon ay nadarama kong mas malapit ako kay Jehova at napasasalamat na siya’y tumugon sa mga pangangailangan ng mga taong nanlulumo sa pamamagitan ng maibiging mga artikulong ito, at ibig kong sabihin iyan sa inyo.”
14, 15. (a) Papaano tinalakay sa ating mga magasin ang paksang pag-abuso sa mga bata? (b) Aling mga artikulo sa magasin ang nakaapekto sa isang hinete sa Australia?
14 Panlipunang mga isyu. Inihula ng Bibliya na sa “mga huling araw” ang mga tao ay “magiging maibigin sa kanilang sarili, . . . walang likas na pagmamahal, . . . walang pagpipigil sa sarili, mabangis, walang pag-ibig sa kabutihan.” (2 Timoteo 3:1-3) Samakatuwid, hindi natin dapat pagtakhan na palasak sa ngayon ang pang-aabuso sa mga bata. Ang paksang ito ay tuwirang tinalakay sa artikulong “Tulong Para sa mga Biktima ng Insesto” sa Ang Bantayan ng Abril 1, 1984. Makalipas ang walong taon, ang serye sa pabalat na “Pagpapagaling sa mga Sugat ng Damdamin na Likha ng Pag-abuso sa Bata” sa Oktubre 8, 1991, Gumising! ay maingat na inihanda upang magbigay ng kaunawaan at pag-asa para sa mga biktima gayundin upang maliwanagan ang iba para sila’y makatulong. Ang seryeng ito ng mga artikulo ay pumukaw ng pinakamaraming tugon mula sa mga mambabasa sa kasaysayan ng ating mga magasin. Isang mambabasa ang sumulat: “Ang pinakamalaking epekto sa aking paggaling ay ang nakaaaliw na mga kaisipan at mga reperensiya sa Kasulatan sa mga artikulong ito. Ang pagkaalam na hindi pala ako gayong kababa sa paningin ni Jehova ay isang malaking kaginhawahan. Ang pagkaalam na hindi pala ako nag-iisa ay nakapagdudulot din ng kaaliwan.”
15 Isang hinete sa Melbourne, Australia, ang tumilepono sa tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Sydney, anupat nagpahayag ng kaniyang pagkayamot sa situwasyon ng karera ng kabayo. Sinabi niya na kababasa pa lamang niya ng Gumising! ng Marso 8, 1993, sa paksang “Paggahasá—Ang Kinatatakutan ng Isang Babae” at hindi siya makapaniwala na may gayong isang mahalagang magasin. Sa loob ng mga 30 minuto ay nagbangon siya ng mga katanungan at siya’y nasiyahan sa mga sagot na ibinigay.
16. Sa anong mga paraan maipakikita mo ang iyong pagpapahalaga sa ating mga magasin?
16 Kumusta ka naman? Naapektuhan ba ang iyong buhay ng isang espesipikong artikulo na inilathala sa Ang Bantayan o sa Gumising!? Kung gayon, tiyak na nakadarama ka ng malaking utang na loob sa ating mga magasin. Papaano mo maipakikita ang iyong pagpapahalaga? Tunay na sa pamamagitan ng iyong pagbabasa ng bawat labas. Maaari ka ring lumahok sa malawakang pamamahagi ng mahalagang mga magasing ito. Papaano ito magagawa?
Ipamahagi ang mga Ito sa Iba!
17. Ano ang magagawa ng mga kongregasyon upang mapalawak ang pamamahagi ng mga magasin?
17 Una, may magagawa ang bawat kongregasyon sa bagay na ito. Ang Oktubre 1952 labas ng Informant (ngayo’y Ating Ministeryo sa Kaharian) ay nagsabi: “Ang pinakaepektibong paraan ng pamamahagi ng mga magasin ay sa bahay-bahay at sa mga tindahan. Sa gayon ang Samahan ay nagrerekomenda na ang mga kaparaanang ito ng pamamahagi ng magasin ay maging isang regular na bahagi ng gawain kung Magazine Day.” Ang payong iyan ay kapit pa rin sa ngayon. Ang mga kongregasyon ay maaaring mag-iskedyul ng isang regular na Magazine Day, isang araw na itinakda pangunahin na para sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng mga magasin. Para sa karamihan ng mga kongregasyon, ang itinakdang mga Sabado ay tiyak na isang mabuting panahon. Oo, hayaang bawat kongregasyon ay maglaan ng pantanging mga araw o mga gabi para sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng mga magasin—sa bahay-bahay, sa mga tindahan, sa pagpapatotoo sa mga lansangan, at sa mga ruta ng magasin. Bukod dito, ikaw na mamamahayag ng Kaharian, ano ang maaari mong gawin upang makatulong sa pagpapalawak ng pamamahagi ng mga magasin?
18, 19. (a) Papaano makatutulong sa iyo ang pagiging palaisip sa Bantayan at sa Gumising! upang maipasakamay mo ang mga magasin? (b) Ano ang bentaha ng isang maikli, diretso-sa-puntong presentasyon pagka nag-aalok ng mga magasin? (c) Ano ang nagpapakita ng kahalagahan ng pamamahagi ng mga magasin sa mga tahanan ng mga tao?
18 Ang pagiging palaisip sa “Bantayan” at “Gumising!” ang unang hakbang. Basahin nang patiuna ang mga magasin. Habang nagbabasa ka ng bawat artikulo, tanungin ang iyong sarili, ‘Sino ang magiging interesado sa artikulong ito?’ Isipin ang ilang pananalita na masasabi mo upang mapukaw ang interes sa artikulo. Bukod sa pagsuporta sa regular na Magazine Day, bakit hindi ka magdala ng mga sipi upang masamantala mo ang bawat pagkakataon na ipamahagi sa iba ang mga iyon—pagka naglalakbay o namimili at pagka nakikipag-usap sa mga kamanggagawa, kapitbahay, kamag-aral, o mga guro?
19 Panatilihing simple ang iyong presentasyon ang ikalawang mungkahi. Ang Disyembre 1, 1956, na Watchtower ay nagsabi: “Ang isang maikli, diretso-sa-puntong presentasyon ang pinakamagaling pagka nag-aalok ng mga magasin. Ang layunin ay upang makapagpasakamay ng maraming sipi. Ang mga iyon na ang ‘magsasalita.’” Nasumpungan ng ilang mamamahayag na mabisa ang pumili ng isang idea buhat sa isang artikulo, buuin iyon sa ilang salita, at saka ialok ang mga magasin. Matapos na tanggapin sa tahanan, ang mga magasin ay maaaring “magsalita” sa iba bilang karagdagan sa taong tumanggap niyaon mula sa iyo. Sa Irlandya isang kabataang estudyante sa pamantasan ang nakabasa ng Setyembre 1, 1991, labas ng Ang Bantayan, na tinanggap ng kaniyang ama buhat sa isang Saksi. Ang mga artikulo tungkol sa komunikasyon at iba pang paksa ang pumukaw ng kaniyang interes. Nang nabasa na niya ang magasin, siya’y tumilepono sa mga Saksi, tinawagan ang numero na nasa direktoryo. Isang pag-aaral sa Bibliya ang agad na napasimulan, at ang kabataang babaing ito ay nabautismuhan sa “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong Kombensiyon noong Hulyo 1993. Mangyari pa, dalhin natin ang mga magasin sa mga tahanan, na kung saan ang mga ito ay maaaring “magsalita” sa mga tao! Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang nagbigay ng isa pang simpleng mungkahi: “Ilabas ang mga magasin sa iyong lalagyang bag.” Oo, kung ang iyong sinasabi ay hindi nakapupukaw ng interes ng maybahay, baka ang kanilang kaakit-akit na mga larawan sa pabalat ang siyang makapagpasakamay ng mga magasin para sa iyo.
20, 21. (a) Papaano ka maaaring makibagay pagka nakikibahagi sa gawaing pamamahagi ng mga magasin? (b) Ano ang maaari mong gawin upang makapagpasakamay ng higit pang mga magasin bawat buwan?
20 Ang ikatlong mungkahi ay makibagay ka. (Ihambing ang 1 Corinto 9:19-23.) Maghanda ng ilang maiikling presentasyon. Isaisip ang isang artikulo na makaaakit sa mga lalaki, ang isa naman ay sa mga babae. Para sa mga kabataan, maaari mong itampok ang isang artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” Ibagay mo rin kung kailan ka makikilahok sa pamamahagi ng mga magasin. Bukod sa Magazine Day, baka masumpungan mo na ang pagpapatotoo sa gabi ay isang mainam na pagkakataong mag-alok ng mga magasin sa bahay-bahay.
21 Ang ikaapat na mungkahi ay magtakda ng personal na tunguhin. Ang insert na “Itinuturo ng mga Magasin ang Daan Tungo sa Buhay,” na lumabas sa Ating Ministeryo sa Kaharian ng Mayo 1984, ay nagsabi: “Bilang isang mungkahi, ang mga mamamahayag ay maaaring magkaroon ng tunguhin na, halimbawa, 10 magasin bawat buwan, depende sa kanilang kalagayan; ang mga payunir ay maaaring magsikap na makapagpasakamay ng 90. Mangyari pa, ang ilang mamamahayag ay maaaring makapaglagay ng higit pang mga magasin bawat buwan at samakatuwid makapagtatakda ng isang lalong mataas na personal na tunguhin. Gayunman, dahilan sa pagiging masasakitin, uri ng teritoryo, o iba pang makatuwirang mga dahilan, ang tunguhin ng iba ay maaaring mas mababa. Subalit ang kanilang paglilingkod kay Jehova ay kasinghalaga rin. (Mat. 13:23; Luc. 21:3, 4) Ang mahalaga ay ang magkaroon ng personal na tunguhin.”
22. Papaano natin maipakikita na tayo’y napasasalamat kay Jehova ukol sa ating napapanahong mga magasin ng katotohanan?
22 Anong laki ng ating pasasalamat na ginagamit ni Jehova, “ang Diyos ng katotohanan,” ang uring tapat at maingat na alipin at ang Lupong Tagapamahala nito upang paglaanan tayo ng napapanahong mga magasing ito! (Awit 31:5) Habang ipinahihintulot ni Jehova, ang mga magasing ito ay magpapatuloy na tugunin ang tunay na mga pangangailangan ng mga tao. Ang mga iyan ay patuloy na magtataguyod ng mataas na mga pamantayan ni Jehova sa moralidad. Ang mga iyan ay hindi hihinto sa pagtataguyod ng tamang doktrina. Patuloy na itatawag-pansin ng mga iyan ang katuparan ng hula na nagpapakilala sa ating kaarawan bilang ang panahon na nagpupuno na ang Kaharian ng Diyos at ang kalooban ng Diyos ay ginagawa sa lupa nang higit kailanman ng isang dumaraming bilang ng tunay na mga sumasamba kay Jehova. (Mateo 6:10; Apocalipsis 11:15) Anong walang kasinghalagang kayamanan ang taglay natin sa Ang Bantayan at Gumising! Samantalahin natin ang bawat pagkakataon na ibahagi sa mga maaamo ang mahahalagang magasing ito na nakaaapekto sa buhay ng mga tao at nagtataguyod ng mga katotohanan sa Kaharian.
[Mga talababa]
b Sa loob ng maraming taon Ang Bantayan ay itinuturing na isang magasin para lamang sa pinahirang mga Kristiyano. Subalit, pasimula noong 1935, lalong idiniin ang pagpapalakas-loob sa “malaking pulutong,” na ang pag-asa ay buhay na walang-hanggan sa lupa, upang kumuha at bumasa ng Ang Bantayan. (Apocalipsis 7:9) Paglipas ng mga ilang taon, noong 1940, Ang Bantayan ay regular na inialok sa mga tao sa lansangan. Sa gayon, mabilis na lumaki ang sirkulasyon.
Ano ang Sagot Mo?
◻ Ano ang nagpapakita na Ang Bantayan at ang Gumising! ay mga magasin ng katotohanan?
◻ Papaano nakaapekto sa buhay ng mga tao Ang Bantayan at ang Gumising!?
◻ Ano ang magagawa ng mga kongregasyon upang mapasulong ang pamamahagi ng mga magasin?
◻ Anong mga mungkahi ang makatutulong sa iyo upang makapamahagi ng higit pang mga magasin?
[Kahon sa pahina 22]
Ang Ilang Artikulo na Nakaapekto sa Buhay ng mga Tao
Sa lumipas na mga taon maraming mambabasa ang sumulat upang magpahayag ng pagpapahalaga para sa espesipikong mga artikulo na inilathala sa Ang Bantayan at sa Gumising! Nakatala sa ibaba ang ilan lamang sa maraming paksa na nakaapekto sa aming mga mambabasa. Binago ba ng mga ito o ng iba pang mga artikulo ang iyong buhay?
Ang Bantayan
“Tanggapin ang Tulong ng Diyos Upang Madaig Mo ang Lihim na mga Kahinaan” (Oktubre 15, 1985)
“Pagsasagawa ng Maka-Diyos na Debosyon sa Matatanda Nang mga Magulang” (Hunyo 1, 1987)
“Edukasyon na May Layunin” (Nobyembre 1, 1992)
Gumising!
“Madaraig Ninyo ang Panlulumo!” (Pebrero 8, 1982)
“Kapag Namatay ang Mahal Mo sa Buhay . . .” (Oktubre 22, 1985)
“Ingatan ang Inyong mga Anak!” (Oktubre 8, 1993)
[Larawan sa pahina 23]
Sa Canada—pangangaral sa bahay-bahay taglay ang mga magasin
[Larawan sa pahina 24]
Sa Myanmar—paghaharap ng mga magasin na ipinapakita ang daan tungo sa buhay