Binabasa Mo Ba ang mga Magasin?
1 Isang mag-asawang misyonero sa Aprika ang nagsabi ng ganito hinggil sa ating mga magasin: “Ang Bantayan ay tumutulong sa amin na manatiling alisto sa paraang espirituwal sa aming teritoryo. Nagtatamo kami ng pampatibay-loob at kalakasan mula sa bawat labas.” Kayo ba’y nagtataglay rin ng gayong malalim na pagpapahalaga sa ating mga babasahin? At kayo ba’y nananabik na basahin ang mga ito?
2 Nangangailangan ng di-kakaunting panahon upang ihanda ang mga artikulo ng magasin na maaaring mabasa sa loob lamang ng ilang minuto. Sa pagkaalam nito, basta na lamang ba ninyo pararaanan ng basa ang mga artikulo, titingnan ang mga larawan, o paminsan-minsa’y magbabasa ng artikulong nakatatawag ng inyong pansin? Tayo’y matalino kung higit pa rito ang ating gagawin. Dapat tayong gumugol ng panahon upang basahin at suriin ang lahat ng artikulo sa bawat labas ng ating mga magasin. Ang Bantayan ang pinakapangunahin nating babasahin para sa napapanahong espirituwal na pagkain. Ang Gumising! ay nagtataglay ng kapana-panabik at nakapagtuturong mga artikulo hinggil sa iba’t ibang paksa. Ang ating natututuhan sa pagbabasa ng mga magasing ito ay hindi lamang nagpapalakas sa atin sa espirituwal kundi naghahanda rin sa atin para sa higit pang pakikibahagi sa ministeryo sa mabisang paraan. Sa pagiging palabasa, tayo’y magiging masigla hinggil sa pag-aalok ng mga magasin sa iba.
3 Kung Paano Pasusulungin ang mga Kaugalian sa Pagbabasa: Mapabubuti pa ba ninyo ang inyong palagiang pagbabasa ng mga magasin? Narito ang dalawang mungkahi na nakatulong sa marami. (1) Magkaroon ng isang regular na iskedyul ng pagbabasa. Sa paglalaan lamang ng 10 o 15 minuto bawat araw sa pagbabasa, kayo ay mamamangha kung gaano karami ang inyong mababasa sa loob ng isang linggo. (2) Gumawa ng paraan upang masubaybayan ang inyong binabasa. Marahil ay malalagyan ninyo ng tsek ang pasimula ng bawat artikulong inyong binabasa. Kung wala nito, maaaring malibanan ninyo ang ilang artikulo o maging ang buong magasin. Mahalagang gumawa ng isang rutin ng pagbabasa na angkop sa inyo at panatilihin iyon.—Ihambing ang Filipos 3:16.
4 “Ang tapat at maingat na alipin” ay may-katalinuhang tumutugon sa pagbabago ng panahon sa pamamagitan ng paglalathala ng mga artikulong tumatalakay sa tunay na pangangailangan ng mga tao. (Mat. 24:45) Tunay, ang mga magasin ay may impluwensiya sa ating buhay. Sa kalakhang bahagi, ang bilis ng ating espirituwal na pagsulong ay depende sa uri ng ating kinaugalian sa teokratikong pagbabasa. Isang mayamang espirituwal na pagpapala ang nakalaan para doon sa gumugugol ng panahon upang basahin ang lahat ng magasin.