Gamitin ang mga Magasin Upang Ibahagi ang Katotohanan
1 Ang makatotohanang impormasyon ay kadalasang natatabunan sa ngayon ng di totoong pag-aanunsiyo ng mga paninda, nagliligaw na mga pangakong politikal, at mapandayang mga pangangalandakan sa buong daigdig. Ang Bantayan at Gumising! ay kakaiba dahilan sa ang mga ito lamang ang naghahayag ng katotohanan ng Kaharian ng Diyos at nagpapaliwanag kung ano ang kailangang gawin ng lahat upang tamasahin ang mga pagpapalang idudulot nito.
2 Sa isang bansa, isang opisyal ng ministri ng impormasyon na nakaunawa sa kahalagahan ng mga magasing ito ang karakarakang tumulong sa pagkuha ng pahintulot sa pamamahagi ng mga ito. Wika niya: “Kinikilala ko Ang Bantayan bilang isa sa pinakamabuting magasin; lubos kong ikinagagalak na makatulong.” Papaano ninyo ihaharap ang nagbibigay-buhay na mga magasing ito sa Mayo? (Juan 17:3) Marahil ang sumusunod na mga mungkahi ay makatutulong.
3 Kung inyong itinatampok ang pambungad na mga artikulo sa Mayo 15 ng “Bantayan,” maaari ninyong sabihin:
◼ “Kami’y nakikipag-usap sa mga tao hinggil sa pinakamabiling aklat sa daigdig. Alam ba ninyo kung ano ito? [Hayaang sumagot.] Oo, ito ang Bibliya. Ang dahilan kung bakit napakaraming tao ang bumibili ng Bibliya ay masusumpungan sa 1 Timoteo 3:16.” Pagkatapos basahin ang teksto, itampok ang mga punto sa isa sa mga artikulo.
4 O pagkatapos ng maikling pambungad, maaari ninyong sabihin ito:
◼ “Marahil ay napansin ninyo na may pagkabahala sa buong daigdig hinggil sa suliraning nakaharap sa mga bata. Ano ang mga suliranin sa inyong lugar na nakababahala sa inyo?” Hayaang sumagot. Ipakita ang ilang malulubhang suliraning nakaharap sa mga bata gaya ng tinalakay sa pambungad na mga artikulo sa Mayo 8 ng Gumising!, at ipakita ang solusyong iniaalok ng Kaharian ng Diyos.
5 Sa inyong rekord ng mga pagdalaw muli, malamang na mayroon kayong listahan ng mga nagpakita sa pasimula ng kakaunting interes. Maaari ninyong magamit ang listahang ito upang magkaroon ng isang ruta ng magasin. Kapag napansin ninyong ang isang artikulo ay maaaring makatawag-pansin sa isang partikular na tao, tiyaking dalawin ang indibiduwal na iyon at ialok ang magasin.
6 Impormal na Pagpapatotoo: Ito ay isang napakainam na paraan upang lumikha ng interes sa magasin. Ang nakatatawag-pansing pabalat ay maaaring sapat na upang pasimulan ang isang pag-uusap. Isang kapatid na babae ang naglatag ng ilang isyu sa kaniyang mesa upang makita ito ng kaniyang mga kamanggagawa habang sila’y nagdaraan; siya’y nakapaglagay ng marami nito. Magdala ng ilang kopya, at ialok ang mga ito sa buwang ito kapag kayo’y namimili, pumapasok sa paaralan, o sumasakay sa bus.
7 Sa tulong ng Ang Bantayan at Gumising!, nasumpungan natin ang kasagutan sa mahahalagang mga katanungan hinggil kay Jehova at sa pagsamba sa kaniya. Nanaisin nating gamitin ang mga babasahing ito sa lahat ng posibleng pagkakataon upang tulungan ang iba na makilala si “Jehova ang Diyos ng katotohanan.”—Awit 31:5.