Kayo Ba’y Naghahasik Nang Sagana?
1 Ang apostol Pablo ay nagsabi sa 2 Corinto 9:6: “Siya na naghahasik nang kakaunti ay mag-aani rin nang kakaunti; at siya na naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana.” Ito’y totoo lalo na sa ating pagsamba. Kapag higit na panahon at pagsisikap ang ating ginagamit sa paghahanda sa mga pagpupulong at pangangaral ng pabalita ng Kaharian, higit tayong lalaki sa espirituwal. Subalit kung ayaw nating gamitin ang sarili o hindi buong puso sa ating ginagawa, ang ating pagsulong ay magiging mabagal. Kayo ba’y naghahasik nang sagana?
2 Personal na Pag-aaral ng Bibliya: Upang maging mabungang mga ministro, dapat muna tayong maghasik nang sagana sa ating personal na pag-aaral. (Awit 119:97, 105; Mat. 5:3) Dahilan sa lahat ng dapat intindihin sa pang-araw-araw na buhay, kailangan ang pagsisikap na maging gising sa ating espirituwal na pangangailangan. Kadalasang kailangan nating “binibili ang naaangkop na panahon.” (Efe. 5:16) May mga araw na ang ilan ay bumabangon nang maaga o nagtatakda ng ilang gabi sa personal na pag-aaral. Sa anong paraan tayo mag-aani nang sagana? Tayo ay nagkakaroon ng mas matibay na pananampalataya, mas maningning na pag-asa, at mas maligayang kalagayan ng isipan.—Roma 10:17; 15:4; 1 Ped. 1:13.
3 Mga Pulong ng Kongregasyon: Sa Awit 122:1, si David ay nagsabi: “Ako ay nagalak nang kanilang sabihin sa akin: ‘Tayo ay magtungo sa bahay ni Jehova.’” Gayundin ba ang inyong nadarama? Ang paghahasik nang sagana ay nangangahulugan ng regular na pagdalo sa ating limang pulong linggu-linggo. Tiyakin sa inyong sarili na huwag pahintulutang makahadlang ang masamang kalagayan ng panahon. Habang napagtatagumpayan natin ang mas maraming hadlang, mas malaki ang ating mga pagpapala.
4 Dumating nang maaga at makibahagi sa nakapagpapatibay na pakikipag-usap sa inyong mga kapatid. Maghandang mabuti para sa Pag-aaral ng Bantayan upang makapaghasik kayo ng sagana sa pamamagitan ng pagkokomento. Sa pamamagitan ng “saganang pagdidilig” sa iba sa mga pulong, kayo ay “saganang didiligin” din.—Kaw. 11:25.
5 Ministeryo sa Larangan: Kapag higit na panahon ang ating ginagamit sa ministeryo sa larangan, malamang na higit tayong mag-aani ng kapanapanabik na mga karanasan, mabungang mga pagdalaw muli, at kapakipakinabang na mga pag-aaral sa Bibliya.
6 Ang paghahasik nang sagana ay nangangahulugang pagpapasulong sa uri at gayundin sa dami. Ang isang napakainam na pantulong upang mapasulong ang uri ng ating ministeryo ay ang aklat na Nangangatuwiran. Ang mga pahina 9-15 ay nagtala ng mahigit sa 40 mga pambungad na sumasaklaw sa 18 mga paksa upang pumukaw ng interes sa mga pintuan. Kung makasumpong kayo ng interes, tiyaking magbalik at anihin ang bunga ng inyong pagtatanim. Ang inyong pagsisikap nawa ay umakay sa isang pag-aaral sa Bibliya.
7 Kung tayo ay naghahasik nang sagana, makakaasa tayo ng higit na mga pagpapala mula kay Jehova.—Mal. 3:10.