‘Maghasik Nang Sagana, Umani Nang Sagana’
“Siyang naghahasik nang bahagya ay mag-aani rin nang bahagya; datapuwat siyang naghahasik nang sagana ay aani rin nang sagana.”—2 CORINTO 9:6.
1. Bakit si Jehovang Diyos ang pinakamaligayang indibiduwal sa sansinukob?
ANG ating Diyos na si Jehova “ang maligayang Diyos.” Tiyak na ang isang dahilan ay sapagkat siya’y isang masaganang Tagapagbigay. Ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay nagpaliwanag: “May higit na kaligayahan ang pagbibigay kaysa pagtanggap.” (1 Timoteo 1:11; Gawa 20:35) Walang sinomang nagbigay nang higit kaysa kay Jehova—sa mula’t-sapol na umiral ang kaniyang bugtong na Anak, ang Logos, hanggang sa kasalukuyang panahon. Kaya’t walang bahagya mang alinlangan na siya ang pinakamaligayang indibiduwal sa buong sansinukob.
2, 3. (a) Sa anong mga paraan naghasik nang sagana ang Diyos? (b) Bakit masasabi na si Jehova ay umani at aani pa rin nang sagana?
2 Isang nahahawig na simulain ang mababasa sa 2 Corinto 9:6: “Siyang naghahasik nang bahagya ay mag-aani rin nang bahagya; datapuwat siyang naghahasik nang sagana ay aani rin nang sagana.” Pagkasaga-sagana ang inihasik ng Diyos na Jehova kung tungkol sa kaniyang mga gawang paglalang! Ang kaniyang Salita ay nagsasabi na may daan-daang milyong mga espiritung nilalang. (Apocalipsis 5:11) Nariyan din ang di-mabilang na mga galaksi sa mabituing langit, bawat isa’y binubuo ng libu-libong milyong mga bituin. Pagka tayo’y dumako sa lupang ito, walang katapusan ang sari-saring mga bagay, may buhay at walang buhay, na nilalang ng Diyos na Jehova! Tiyak na ‘ang lupa ay punô ng kaniyang mga gawang paglalang.’ (Awit 104:24) At, anong pagkasaga-sagana ang isinangkap niya sa atin, sa ating isip, sa ating mga pandamdam, at sa ating katawan! Tunay na tayo ay “kagila-gilalas ang pagkagawa.”—Awit 139:14.
3 Hindi mapag-aalinlanganan, si Jehovang Diyos ay naghasik nang sagana. Ito’y hindi lamang sa kaniyang mga gawang paglalang kundi rin naman sa kaniyang mga pakikitungo sa kaniyang mga nilalang sa lupa. Subalit siya ba’y umani nang sagana? Tunay na siya’y umani nga! Sa paano? Sa bagay na siya’y nagkaroon na, nagkakaroon ngayon, at magkakaroon pa ng pagkarami-raming intelehenteng mga kinapal na maglilingkod sa kaniya dahil sa pag-ibig. Ang kanilang paggawa nito ay nagpapagalak sa puso ni Jehova, lalo na dahil sa pinatutunayan nito na sinungaling ang nangungutyang Diyablo.—Kawikaan 27:11.
4. Paanong ang simulain sa 2 Corinto 9:6 ay kumakapit sa lahat ng panahon, kasali ang ating panahon?
4 Ang Bibliya ay maraming saganang patotoo na, pasimula sa Logos, maraming tapat na mga lingkod ni Jehovang Diyos ang naghasik din naman nang sagana at umani nang sagana. Ganito nga ang dapat na mangyari, yamang ang mga simulain ni Jehova ay kumakapit sa lahat ng panahon at sa lahat ng indibiduwal. Kung gayon, ang simulain tungkol sa paghahasik ay maaaring matupad sa iyong buhay.
5, 6. (a) Anong mga kaaway mayroon tayo kung kaya’t mahirap para sa atin na maghasik nang sagana? (b) Ano ang kailangang handa tayong gawin, at sa anong mga pitak ng ating banal na paglilingkod?
5 Bagaman ang Kasulatan ay maraming mga dahilan at mga halimbawa ukol sa ating paghahasik nang sagana, sa anomang paraan ay hindi ito isang madaling bagay na gawin. Bakit hindi? Sapagkat tayo’y may tatlong kaaway na sumasalungat nang husto sa atin. Una, nariyan ang ating sariling minanang hilig sa kaimbutan. Mababasa natin sa Genesis 8:21: “Ang hilig ng puso ng tao ay masama na buhat sa kaniyang kabataan at patuloy.” Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi rin na ang puso ng tao ay higit na magdaraya at mapanganib. (Jeremias 17:9) Ikalawa, tayo’y kailangang makipaglaban sa panggigipit ng balakyot na sanlibutan, na nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot. (1 Juan 5:19) Ikatlo, ang Diyablo mismo ay nakaabang upang tayo’y sakmalin kung hindi tayo mapagbantay.—1 Pedro 5:8.
6 Ikaw ba ay alistong lagi sa tatlong mga kaaway na iyan? Dahilan sa mga mananalansang na ito ay kailangang laging handa tayo na ‘makinig sa payo at tumanggap ng disiplina, upang tayo’y maging matalino sa ating kinabukasan.’ (Kawikaan 19:20) Sa katunayan, kailangang gawin natin ang gaya ng ginawa ng apostol Pablo, ‘hampasin ang ating katawan at supilin na parang alipin,’ baka tayo’y hindi makarating sa ating tunguhin. (1 Corinto 9:27) Ang simulain na kung tayo’y maghahasik nang sagana tayo ay mag-aaning sagana rin ay kumakapit sa lahat ng iba’t-ibang pitak ng banal na paglilingkod na nilalahukan ng lahat ng mga Kristiyanong saksi ni Jehova. Oo, saan man tayo tumingin, nakikita natin na ang simulaing ito ay kumakapit, sa ating personal na pag-aaral, sa ating pagdalo sa mga pulong, sa ating mga panalangin, sa ating pagpapatotoo sa pormal at sa impormal na paraan, at sa ating mga relasyong pampamilya.
Paghahasik Nang Sagana sa Pag-aaral ng Bibliya
7, 8. (a) Upang makapaghasik nang sagana kung tungkol sa ating personal na pag-aaral ng Bibliya, kailangang mayroon tayo ng ano? (b) Anong mga tunguhin ang dapat nating itakda, at paano natin mararating ang mga ito?
7 Upang maging mabungang mga ministro ng Diyos na Jehova, kailangan munang maghasik tayo nang sagana sa ating personal na pag-aaral sa Bibliya. Ibig nating tayo’y maging magana sa espirituwal, sa pagkaalam na tayo’y nabubuhay hindi lamang sa pamamagitan ng materyal na mga bagay. Sa pinapasan nating lahat na mga asikasuhin at sa mga aktibidades sa araw-araw, puspusang pagsisikap ang kailangan upang maging palaisip tayo sa ating espirituwal na pangangailangan. (Mateo 13:19) Tunay na napakainam na magkaroon tayo ng personal na pagpapahalaga sa Salita ng Diyos na gaya ng taglay ng salmista nang siya’y sumulat: “Ako’y nagagalak sa iyong salita gaya ng isang nakakasumpong ng malaking samsam.”—Awit 119:162.
8 Ang isang tiyakang tulong sa bagay na ito ay ang ating pakikinig sa payo na ‘pakaingat na lubos sa ating paglakad upang di maging gaya ng mga mangmang kundi gaya ng marurunong, na sinasamantala ang karapatdapat na panahon.’ (Efeso 5:15, 16) Baka ibig mong suriin ang iyong sarili sa bagay na ito. Tanungin: Isinasaayos ko ba ang aking mga gawain para magkapanahon na bumasa ng bawat sipi ng magasing Bantayan at Gumising! sa tuwing darating ito? Kumusta naman ang Yearbook, at ang mga aklat at iba pang literatura na inilalabas sa atin sa mga kombensiyon? Baka hindi naman lagi tayong magkapanahon ng isang oras o dalawa para sa pagbabasa ng mga ito, subalit sa pamamagitan ng pagiging listo magkakaroon tayo ng mga ilang minuto sa paano man upang bumasa ng isang kabanata ng Bibliya o isang artikulo sa magasin. Maraming mga Kristiyano ang nagsasaayos na gumising nang 10 o 15 minuto ang aga araw-araw upang makapagbasa pagka sariwang-sariwa ang kanilang pag-iisip. Ang iba naman ay nagbabasa samantalang nakasakay sa mga sasakyang pampubliko. Kumusta ka naman?
9. Paano tayo makapag-aani nang sagana sa ating personal na pag-aaral ng Bibliya?
9 Sa paghahasik nang sagana, sa ganitong mga paraan tayo’y makakaasa rin na aani nang sagana. Paano? Sa bagay na tayo’y magkakaroon ng lalong matibay na pananampalataya, ng lalong maaliwalas na pag-asa, at ng isang maligaya at positibong kaisipan. Isa pa, tayo’y higit na masasangkapan upang magpatotoo sa iba. Tayo’y magkakaroon ng bahagi sa nakapagpapatibay na mga usapan at matutulungan natin ang ating mga kapatid pagka may napaharap na pagkakataon. Pansinin buhat sa 1 Timoteo 4:15, 16 ang maaaring maging resulta nito.
Paghahasik Nang Sagana sa Pagdalo sa mga Pulong
10. Ano ang dapat na maging saloobin natin tungkol sa ating mga pulong?
10 Marahil ay itatanong mo: Ang simulain bang ito na pag-aani nang sagana kung tayo ay naghahasik nang sagana ay kumakapit din sa ating pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon? Tiyak na tiyak iyan! Dapat na madama natin ang gaya ng nadama ng salmistang si David nang kaniyang sabihin: “Ako’y nagalak nang kanilang sabihin sa akin: ‘Pumaroon tayo sa bahay ni Jehova.’” Oo, dapat na madama natin na tayo’y sabik na makipagpulong sa ating mga kapatid.—Awit 122:1.
11, 12. Paano tayo makapaghahasik at makapag-aani nang sagana sa pagdalo sa ating mga pulong?
11 Ano ang kahilingan nito sa atin? Ito’y nangangahulugan ng regular at palaging pagdalo sa ating limang pagpupulong linggu-linggo, na hindi tinutulutan na ang kaunting kasungitan ng panahon o ang bahagyang karamdaman ay maging dahilan para huwag makalabas ng bahay. Gaanong kadalas nga natin nararanasan na ang lagay ng panahon—mainit man o malamig, umuulan man o umaaraw—ay humahadlang sa ating pagdalo sa mga pulong? Subalit, miyentras maraming mga hadlang na kailangang daigin natin upang makadalo, para ngang lalong maraming pagpapala ang ibinibigay sa atin ni Jehova. Tayo’y makapaghahasik din nang sagana kung makakarating tayo nang maaga upang bago magpulong ay makausap natin ang iba, at pagkatapos ng pulong ay hindi rin tayo umaalis karaka-raka, upang makausap natin ang iba. Kumusta ang katayuan mo kung tungkol sa bagay na ito? Dapat ka bang magsikap na maghasik nang lalong sagana? Kailangan din ang paghahandang mabuti para sa Pag-aaral sa Bantayan at sa mga iba pang pulong. Ang dahilan ay upang tayo’y makapaghasik nang sagana sa pamamagitan ng pagkomento habang may pagkakataon.
12 Sa paano tayo makaaasang mag-aani nang sagana dahil dito? Tayo’y hindi makapagsasalita ng mga nagpapatibay sa iba nang hindi tayo napatitibay mismo; hindi natin maaaliw ang isang kaluluwang nalulungkot na hindi rin naaaliw ang ating mga puso. Oo, higit nating maipahahayag ang ating niloloob sa pamamagitan ng pagkukomento sa mga pulong nang hindi pinalalakas ang ating sariling pananampalataya sa mga katotohanan na ating sinasalita. Simple iyan: “Ang kaluluwang mapagbigay ay sa kaniyang sarili tataba, at siyang saganang dumidilig sa iba sa ganang sarili niya ay saganang didiligin din.”—Kawikaan 11:25.
Paghahasik Nang Sagana sa Ating mga Panalangin
13, 14. Paano tayo (a) makapaghahasik nang sagana, (b) makapag-aani nang sagana, sa ating mga panalangin?
13 Ang simulain ng Kasulatan na paghahasik nang sagana ay kumakapit din sa ating personal na mga panalangin. Ang atin bang mga panalangin ay memoryado, parang de-makina, paulit-ulit, o ang mga ito ba ay talagang bukal sa ating puso? Ito ba’y hindi lamang mga paghiling kundi rin naman taus-pusong papuri at pagpapasalamat, at, kung minsan ay pagsusumamo? Talaga bang dinidibdib natin ang mahalagang pribilehiyo ng pananalangin? Atin bang ibinubuhos ang laman ng ating mga puso sa ating makalangit na Ama? O tayo’y nagmamadali sa ating mga panalangin, at kung minsan ay napakamagawain tayo at walang panahon na manalangin? Ipinakikita ng Kasulatang Griegong Kristiyano na ang panalangin ay isang malaking bahagi ng buhay ni Jesu-Kristo at ni apostol Pablo.—Lucas 6:12, 13; Juan 17:1-26; Mateo 26:36-44; Filipos 1:9-11; Colosas 1:9-12.
14 Kung hanggang saan tayo naghahasik nang sagana sa ating mga panalangin, sa ganoon ding sukdulan makakaasa tayo na mag-aani nang sagana sa pagsagot ni Jehova sa mga iyan at sa pagkakaroon natin ng mabuting relasyon sa kaniya. Sa pamamagitan ng pampamilyang mga panalangin ay lalong napapalapit ang mga miyembro ng pamilya sa isang naghahandog ng panalangin. Huwag din nating kalilimutan ang mga salita ni Jesus sa Mateo 7:7: “Patuloy na humingi, at kayo’y bibigyan; patuloy na humanap, at kayo’y makakasumpong; patuloy na tumuktok, at bubuksan iyon sa inyo.”
Paghahasik Nang Sagana sa Ating Ministeryo
15. Saan lalo na makapagtatamasa tayo nang saganang paghahasik at pag-aani?
15 Marahil ang ating tema ay lalong higit na nagliliwanag may kaugnayan sa ating pagpapatotoo. Maliwanag, miyentras malaking panahon ang ginugugol natin dito, malamang na lalong malaki ang ating aanihin kung tungkol sa kawili-wiling mga karanasan, mabungang mga pagdalaw-muli, at mahuhusay na mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya, at ang resulta’y buháy na mga liham ng rekomendasyon.—2 Corinto 3:2.
16, 17. (a) Ano ang kahilingan sa atin upang tayo’y makapaghasik nang sagana sa paglilingkod sa larangan? (b) Sa paggawa ng gayon, anong mga resulta ang maaasahan natin?
16 Subalit, ang paghahasik nang sagana sa ministeryo sa larangan ay hindi lamang may kinalaman sa dami kundi kasangkot din dito ang uri. Ibig nating “maging maningas sa espiritu” pagka tayo’y nakikibahagi sa ministeryo. (Roma 12:11) Nararapat na lumapit tayo sa mga tao na taglay ang kalayaan sa pagsasalita, may kasabay na nakakaakit at palakaibigang ngiti. Kapit iyan tayo man ay nagbabahay-bahay o nakikibahagi sa pagpapatotoo sa lansangan. Kung mayroon na nito sa ating sariling wika, ang ating bagong pantulong sa pagpapatotoo na Reasoning From the Scriptures, ay tutulong sa lahat sa atin upang maging lalong mahuhusay, kaya’t magiging lalong mabunga, na umaani nang higit pa buhat sa panahon at lakas na ginugugol natin sa ministeryo.
17 At hindi ba ang paghahasik nang sagana sa ating ministeryo sa larangan ay nangangahulugan din ng pagiging palaisip pagka tayo’y nakatagpo ng mga interesado? Kaugnay nito ang pagtanggap natin ng obligasyon na dumalaw uli at pasulungin ang interes na iyon hanggang sa punto na makapagsimula tayo ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya kung posible iyon. Higit sa riyan, tayo’y pakaingat upang makapagtayo tayo na ginagamit ang materyales na panlaban-sa-apoy. Ito ay nangangahulugan na tayo’y magtuturo nang may pananalig, subalit may empatiya at pagkaunawa, anupa’t mataktikang tinatarok ang kalooban ng mga inaaralan ng Bibliya sa kung ano ang kanilang nadarama tungkol sa mga simulain ng Bibliya. Tanging sa paghahasik nang sagana sa ganitong mga paraan makakaasa tayo na ito’y magbubunga ng mga personalidad Kristiyano na makapananaig sa mga panggigipit ni Satanas at ng kaniyang sistema ng mga bagay.—1 Corinto 3:12-15.
Paghahasik Nang Sagana sa mga Relasyong Pampamilya
18. Anong payo ang dapat nating isaisip tungkol sa ating mga relasyong pampamilya?
18 Ang teokratikong simulain na tayo’y umaani ayon sa paraan ng ating paghahasik ay kumakapit din sa pamilya. Dito ay maisasaisip natin ang mga salita ni Jesus sa Lucas 6:38: “Ugaliin ninyo ang pagbibigay, at kayo’y bibigyan ng mga tao. Takal na mabuti, pikpik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat sa panukat na inyong isinusukat ay doon din naman kayo susukatin.”
19. Paanong ang mga mag-asawa ay makapaghahasik nang sagana at makikinabang doon?
19 Napakaraming pagkakataon ang mga mag-asawa upang makapaghasik nang sagana sa pamamagitan ng mapagmahal na pagiging palaisip sa isa’t-isa at ng kawalang pag-iimbot! Ang apostol Pablo ay nagbibigay ng napakahusay na payo sa Efeso 5:22-33. Pakisuyong basahin ang mga talatang ito habang pinag-iisipan kung paanong miyentras ang asawang babae ay talagang mapagpasakop, matulungin, at sumusuporta sa kaniyang asawa, sa ganiyan din siya posibleng aani nang sagana. Sa anu-anong paraan? Sa init at pagmamahal sa kaniya ng kaniyang asawang lalake na mapagpahalaga, palibhasa itoy napupukaw na ibigin ang asawang babae na gaya ng kaniyang sariling katawan. Gayundin, sa sukdulan na ang asawang lalaking Kristiyano ay nagsisikap na ipakita ang konsiderasyon na ipinapayo sa 1 Pedro 3:7 at ang walang imbot na pag-ibig na itinatampok sa Efeso 5:28, 29, sa ganoon ding paraan makaaasa ang lalake na aani nang bunga ng pagpapasakop at tapat na pagsuporta sa kaniya ng asawang babae.
20. Paanong ang paghahasik nang sagana ay maikakapit sa pagpapalaki sa mga anak, at ano ang mga resulta?
20 Hindi rin natin dapat kaligtaan ang ating pananagutan na palakihin ang ating mga anak ayon sa disiplina at pangkaisipang payo ni Jehova. (Efeso 6:4) Ang totoo, ito’y nauuna sa mga ibang tungkulin at pribilehiyong teokratiko. Nakalulungkot sabihin, ito’y isang prinsipyo na nakaligtaan ng mga ibang magulang na Kristiyano. Sa isang panig, ang mga magulang ay kailangang handang ipagparaya ang mga paglilibang at kaginhawahan alang-alang sa kanilang mga anak para sa emosyonal at espirituwal na ikabubuti ng mga ito, na gumugugol ng sapat na dami ng panahon sa pag-aasikaso sa kanila at pagpapakita sa kanila ng pag-ibig. Sa kabilang dako, ang mga magulang ay kailangang magpakita ng katatagan. Sila’y pinapayuhan: “Sawayin mo ang iyong anak at dadalhan ka niya ng kapahingahan at bibigyan ng malaking kaluguran ang iyong kaluluwa.” Maghasik ka sa ganitong mga paraan, at malamang na ikaw ay aani nang sagana sa pagkakaroon ng tapat na mga anak na gumagalang at malapit sa iyo.—Kawikaan 29:17.
Maging Isang Mang-aani ng mga Kapakinabangan!
21, 22. Sa anu-anong paraan makapaghahasik at makaaani tayo nang sagana sa ating banal na paglilingkod at sa ating mga relasyong pampamilya?
21 Nakikita natin, samakatuwid, na ang simulain na tayo’y umaani ayon sa paraan ng ating paghahasik ay kumakapit sa lahat ng pitak ng pagka-Kristiyano. Kung tayo’y naghahasik nang sagana sa ating personal na pag-aaral ng Bibliya tayo’y aani nang matibay na pananampalataya, ng maaliwalas na pag-asa, at ng pagiging handa para sa ating ministeryo. Kung tayo’y naghahasik nang sagana sa ating mga pulong, ang ating sariling pananampalataya ay titibay, at magpapatibay din tayo sa pananampalataya ng iba. Kung tayo’y naghahasik nang sagana sa ating mga panalangin, tayo’y aani nang mabuting relasyon sa ating makalangit na Ama at sasagutin ang ating mga panalangin. At kung tayo’y naghahasik nang sagana sa ating pagpapatotoo, tayo’y makikinabang nang personal, at makakaasang magkakaroon tayo ng mga liham na rekomendasyon na nagpapakita ng ating pagsisikap.
22 Huwag din nating kaliligtaan na ang simulaing ito ay kumakapit sa ating mga relasyong pampamilya. Sa paghahasik nang sagana dahil sa maibiging konsiderasyon at mga gawang walang pag-iimbot, tayo bilang mga asawang lalake, asawang babae, mga magulang, o mga anak ay makaaasang aani ng isang buhay pampamilya na sagana sa kasiya-siyang mga pagsasamahan at mga karanasan. Ito’y magbibigay rin ng mabuting patotoo sa mga nasa labas, at magrerekomenda ng ating paraan ng pamumuhay.
23. Makabubuting sundin natin ang anong payo?
23 Kaya’t tanungin ng bawat Kristiyanong Saksi ni Jehova ang kaniyang sarili: Maaari kaya na ako’y higit pang maghasik nang sagana? Ang mga salita ni Pablo sa 1 Tesalonica 4:1 ay mabuting tandaan: “Katapus-tapusan nga, mga kapatid, kayo’y aming pinakikiusapan at pinapayuhan sa Panginoong Jesus, ayon sa tinanggap ninyong tagubilin buhat sa amin tungkol sa kung paano kayo dapat lumakad at magbigay-lugod sa Diyos, na gaya nga ng inyong paglakad, na ito’y patuloy na gawin ninyo nang lalong higit.” Oo, lahat tayo ay magsumikap na maghasik nang lalong sagana upang tayo’y umani nang lalong sagana, sa ikapupuri ni Jehova at sa ikapagpapala ng ating sarili at ng ating mga kapatid.
Mga Puntong Rerepasuhin
◻ Paanong si Jehovang Diyos ang uliran sa pagsunod sa katotohanang nasa 2 Corinto 9:6?
◻ Ano ang maaari mong gawin upang umani nang lalong sagana sa pag-aaral ng Bibliya at sa mga pulong Kristiyano?
◻ Paano ka makapaghahasik at makapag-aani nang lalong higit sa paglilingkod sa larangan?
◻ Anong praktikal na mga hakbang ang maaaring tumulong sa iyong pamilya upang maghasik at umani nang lalong sagana?