Ang Paghahasik Nang Sagana ay Nagdudulot ng Mayayamang Pagpapala
1 Tayong lahat ay naghihintay sa katuparan ng dakilang mga pagpapala na nasa Salita ng Diyos. Kahit ngayon, ipinagkakaloob ni Jehova ang maraming pagpapala na nakadaragdag ng kaluguran sa ating buhay. Gayunman, kung hanggang saan tayo personal na makikinabang ay nakadepende nang malaki sa pagsisikap na ating ginagawa. Gaya ng pagkakasabi ni apostol Pablo, “siya na naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana.” (2 Cor. 9:6) Isaalang-alang ang dalawang larangan kung saan kumakapit ang simulaing ito.
2 Ang Ating Personal na Ministeryo: Ang pagbabahagi ng mabuting balita sa mga tao kailanma’t kaya nating magpatotoo ay nagdudulot ng maraming pagpapala. (Kaw. 3:27, 28) Kapuri-puri naman, marami ang naghahasik nang sagana sa pamamagitan ng pagpapalawak sa kanilang pakikibahagi sa ministeryo, kalakip na ang pagiging auxiliary o regular pioneer. Tayong lahat ay makapaghahasik nang sagana sa pamamagitan ng buong-katapatang pagbabalik-muli upang linangin ang lahat ng interes na nasumpungan at sa pamamagitan ng pag-aalok ng pag-aaral sa Bibliya kailanma’t may pagkakataon. (Roma 12:11) Ang pagpupunyagi natin sa ganitong mga paraan ay nagdudulot ng nakapagpapatibay na mga karanasan at higit na kagalakan sa ating ministeryo.
3 Pagsuporta sa mga Kapakanan ng Kaharian: Nagkomento si Pablo tungkol sa ‘paghahasik nang sagana’ may kaugnayan sa pagbibigay sa materyal. (2 Cor. 9:6, 7, 11, 13) Sa ngayon, marami tayong magagawa sa pisikal at materyal na paraan upang suportahan ang mga kapakanan ng Kaharian. Maaari tayong tumulong sa konstruksiyon ng mga Kingdom Hall at mga Assembly Hall. Maaari rin tayong magboluntaryo na tumulong sa paglilinis at pagmamantini sa mga sentrong ito para sa tunay na pagsamba. Karagdagan pa, makapag-aabuloy tayo sa pinansiyal na paraan para sa mga gastusin ng lokal na kongregasyon gayundin para sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. Habang ginagampanan nating lahat ang ating bahagi, kaylaki ng ating kagalakan na makita ang saganang pagpapala ni Jehova sa gawaing ito na iniatas ng Diyos!—Mal. 3:10; Luc. 6:38.
4 Pinapayuhan tayo ng Salita ng Diyos “na gumawa ng mabuti, na maging mayaman sa maiinam na gawa, na maging mapagbigay, handang mamahagi.” Habang nagbibigay-pansin tayo sa paalaalang iyan, tatamasahin natin ang mayayamang pagpapala ngayon. Kasabay nito, tayo ay “maingat na nag-iimbak para sa [ating] sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap [at] sa tunay na buhay” na darating.—1 Tim. 6:18, 19.