Hanapin Muna ang Kaharian ng Diyos—Sa Pamamagitan ng Laging Paghahandog ng mga Hain ng Papuri
1 Yaong mga humahanap muna sa Kaharian ay laging nakikipag-usap hinggil kay Jehova at sa kaniyang Kaharian. (Awit 145:11-13) Sa bawat araw ay may mga pagkakataong magsalita hinggil sa mabuting balita. (Awit 96:2) Ang mang-aawit ay nagsabi: “Sa Diyos ay naghahandog kami ng papuri buong araw.” (Awit 44:8) Kung gayon din ang ating nadarama, tayo ay magnanais na makibahagi nang palagian sa ministeryo ng kaharian.
2 Si Jehova ay hindi naglagay ng espisipikong mga kahilingan kung gaano kalaking panahon ang dapat nating gamitin sa ministeryo, subalit pinasisigla tayo na “lagi” natin siyang purihin. (Heb. 13:15) Kung ipinahihintulot ng ating mga kalagayan, dapat nating gawing tunguhin na gumugol ng ilang panahon upang purihin si Jehova bawat linggo. Yaong mga gumagawa na nito ay maaaring makapaglingkod bilang auxiliary payunir sa pana-panahon o maging sa regular na paraan. Ang ilan sa mga kasalukuyang naglilingkod bilang auxiliary payunir ay maaaring magpatala bilang mga regular payunir.
3 Posible ba para sa atin na pasulungin ang ating hain ng papuri? Ang sigasig ay napasisigla sa pamamagitan ng pagpapahalaga. Ang personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos ay lumilinang sa pagpapahalaga. Ang mga pulong ng kongregasyon ay nagpapasigla sa atin na ipahayag ang pagpapahalaga sa praktikal na mga paraan. Ang malapitang pakikisama sa iba pang masisigasig na tagapuri ay ‘nag-uudyok sa atin sa maiinam na gawa.’ (Heb. 10:24) Sa pamamagitan ng lubusang pagsasamantala sa mga paglalaang ito, mapasusulong natin ang ating hain ng papuri.
4 Ang propetisang si Ana ay nagbigay ng mainam na halimbawa sa paglilingkod kay Jehova. Bagaman 84 na taóng gulang na, siya’y “hindi kailanman lumiliban sa templo, na nag-uukol ng sagradong paglilingkod gabi at araw.” (Luc. 2:37) Ang kaniyang buong kaluluwang paggawa sa kongregasyon ay naglalaan ng pampatibay-loob sa atin ngayon.
5 Inirekomenda ni Pablo na yaong mga “malalakas ay dapat na magdala ng mga kahinaan niyaong hindi malalakas.” (Roma 15:1) Malamang na may ilan sa inyong kongregasyon na makikinabang mula sa inyong mabait na tulong at pampatibay-loob. Maaaring ang isang mamamahayag ay nangangailangan ng sasakyan o ng sinumang gagawang kasama niya. Sa iba ang pagkasira-ng-loob ay maaaring isang suliranin, at kayo’y makapaglalaan ng nakapagpapatibay na tulong upang mapanauli ang sigla ng tao para sa paglilingkod sa Kaharian.—1 Tes. 5:14.
6 Imposibleng banggitin ang lahat ng mga bagay na ginawa at gagawin pa ni Jehova para sa atin. Walang paraan upang mabayaran natin siya sa lahat ng mga pagpapalang ito. Kaya may matinding dahilan upang “purihin ng bawat bagay na may hininga si Jehova!”—Awit 150:6.