Maibiging Tulungan Yaong mga Nagpapakita ng Interes
1 Nang akayin siya ng anghel ni Jehova sa isang Etiope na nagpakita ng interes sa Salita ng Diyos, maibiging tinulungan ito ni Felipe na maunawaan ang kaniyang binabasa. (Gawa 8:26-39) Gumagawa ba tayo ng pantanging pagsisikap na matulungan ang mga nagpapakita ng interes? Ano ang maaari nating gawin upang tulungan sila?
2 Mag-eskedyul ng panahon bawat linggo para gumawa ng mga pagdalaw muli. Ipagpatuloy ang mga puntong inyong tinalakay sa inyong unang pagdalaw. Taglayin sa isipan ang tunguhing magpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya. Bumalik nang palagian upang ialok ang pinakahuling isyu ng magasin. Kapag nakasumpong ng interes, maaari kayong mag-alok ng suskrisyon.
3 Kung inyong tinalakay ang kahalagahan ng Bibliya sa inyong unang pagdalaw, maaari ninyong ipagpatuloy ang pag-uusap na ginagamit ang mungkahi sa pahina 68 ng aklat na “Nangangatuwiran” (p. 66 sa Ingles) at sabihin:
◼ “Nadarama ng ilan na ang payo ng Bibliya ay hindi praktikal sa ating makabagong daigdig. Ano ang palagay ninyo rito? [Hayaang sumagot.] Di ba kayo sasang-ayon na ang isang aklat na naglalaan ng payo kung papaano magkakaroon ng isang maligayang pamilya ay praktikal? [Hayaang magkomento.] Ang mga pamilya na nagkakapit sa sinasabi ng Bibliya ay kadalasang matatag at maligaya.” Basahin ang Colosas 3:18-21.
4 Maaari ninyong pasimulan ang pagtalakay hinggil sa kalagayan ng patay sa ganitong paraan:
◼ “Ano sa palagay ninyo ang mangyayari sa atin kapag tayo ay namatay? [Hayaang sumagot.] Karamihang relihiyon ay nagtuturo na tayo ay patuloy na umiiral sa ibang anyo. Marami ang namangha na malaman ang sinasabi ng Bibliya sa bagay na ito. [Basahin ang Eclesiastes 9:5.] Bagaman ang patay ay hindi na umiiral, hindi naman sila nakakalimutan. Ipinangako ng Diyos na ibabalik sila sa buhay sa ilalim ng kaniyang Kaharian.” Bumaling sa Bantayan ng Oktubre 15, 1994, o sa pahina 162 ng aklat na Mabuhay Magpakailanman, at talakayin ang mga kasulatan at mga ilustrasyon. Isaayos na bumalik upang pasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.
5 Kung nais ninyong magbigay ng higit pang paliwanag hinggil sa Kristiyanong pangmalas sa pagdidigmaan ng mga bansa, nanaisin ninyong sabihin:
◼ “Ang ilan ay naniniwala na ang pagbabaka ay siyang tanging paraan upang malutas ang alitan. Ano ang palagay ninyo rito? [Hayaang sumagot.] Ipinakikita ng Bibliya na nais ng Diyos na samasamang mabuhay ang mga tao sa kapayapaan. [Basahin ang Roma 12:17, 18.] Ito ay magiging totoo sa buong daigdig sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.” Bumaling sa brochure na “Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?, pahina 25-6. Sabihing kayo ay babalik upang magbigay ng higit na paliwanag sa susunod na pagkakataon.
6 Inamin ng bating na Etiope ang kawalan niya ng kakayahang umunawa kung walang tutulong sa kaniya. (Gawa 8:31) Maibiging tinulungan siya ni Felipe. Maipakikita natin ang pag-ibig sa iba sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila sa gayunding paraan.