Magpakita ng Tunay na Pagkabahala sa Lahat ng Nasumpungang Interes
1 Yaong mga nasa organisasyon ni Jehova ay gumagawang taglay ang pagkaapurahan. Ang pambuong daigdig na paghahayag ng Kaharian ay malapit nang magwakas, anupat pagkatapos ay mararanasan ng mga “hindi nakakakilala sa Diyos” ang pagkapuksa. (2 Tes. 1:7-9) Kaya, ang tunay na pagkabahala sa buhay ng iba ay nagpapakilos sa bayan ni Jehova na abutin ang marami hangga’t maaari taglay ang mensahe ng Kaharian.—Zef. 2:3.
2 Bawat buwan, milyun-milyong oras ang ginugugol sa paghanap niyaong mga nagnanais makarinig ng “mabuting balita ng lalong mabuting bagay.” (Isa. 52:7) Bilang tugon sa kasalukuyang alok na literatura, maraming indibiduwal ang tumanggap ng Ang Bantayan at Gumising! o ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Ang tunay na pagkabahala para sa mga taong ito ang dapat na mag-udyok sa atin na patuluyang linangin ang lahat ng mga nasumpungang interes.—Kaw. 3:27.
3 Mag-ingat ng Tumpak na mga Rekord: Higit pa ang maisasagawa kapag may iniingatang kumpleto at tumpak na rekord ng nasumpungang interes. Ang impormasyon gaya ng pangalan at direksiyon ng maybahay, araw at oras ng pagdalaw ninyo, literaturang naisakamay, at paksang tinalakay ay makatutulong sa inyo na maging higit na mabisa sa inyong pagbabalik. Gayundin, kung isusulat ninyo ang ilang mga komentong ginawa ng maybahay sa inyong unang pagdalaw, maaari ninyong banggitin ang mga ito sa pagpapatuloy ng pagtalakay ninyo sa pagdalaw-muli.
4 Maging Maagap sa Paggawa ng mga Pagdalaw-muli: Gaano karami sa mga tumanggap ng literatura mula sa inyo nang nakaraang buwan ang dinalaw ninyong muli? Dumaan na ba ang ilang linggo nang hindi kayo nagkikitang-muli? Ang taimtim na pagkabahala para sa kanilang kapakanan ay dapat na magpakilos sa inyo upang bumalik sa loob ng ilang araw hangga’t maaari, habang ang pinag-usapan ay sariwa pa sa isipan. Sa maagap na pagbabalik, maaari ninyong maunahan ang pagsisikap ni Satanas bago siya ‘dumating at kunin niya ang salitang naihasik sa kanila.’—Mar. 4:15.
5 Ang Paghahanda ay Kailangan: Ang inyong pagiging mabisa sa pagsasagawa ng mga pagdalaw-muli ay depende sa kung gaano kabuti ang inyong paghahanda. Ang huling pahina ng Abril 1997 ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay nagbibigay ng ilang presentasyon na maaaring gamitin kapag kayo ay nag-aalok ng mga magasin o ng brosyur na Hinihiling. Ang kasunod nito ay ang magkaroon ng ilang punto sa isipan na ibabahagi ninyo sa inyong pagbabalik. Ano ang maaaring sabihin upang mapanatili ang interes? Paano mapasisimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya? Maaari ninyong subukan ang mga mungkahing ito.
6 Kapag ipinagpapatuloy ang pagtalakay hinggil sa kung ano ang kailangan upang linisin ang lupa at gawin itong isang paraiso, maaari ninyong sabihin:
◼ “Sa nakaraan kong pagdalaw, kapuwa tayo sumang-ayon na kailangan munang gumawa ng matitinding hakbang bago maging isang mapayapang paraiso ang lupa. Sa palagay mo ba’y may kakayahan ang mga tao na gawin ito? [Hayaang sumagot.] Pakisuyong pansinin kung bakit kailangang makialam ang Diyos sa mga ginagawa ng tao.” Basahin ang Awit 37:38. Pagkatapos ay bumaling sa aralin 5 sa brosyur na Hinihiling, at gamitin ang piniling mga bahagi ng mga parapo 4-5 upang ipakita kung paano tutuparin ng Diyos ang hulang ito. Magpatuloy sa pamamagitan ng pag-aalok ng isang pag-aaral sa Bibliya na ginagamit ang brosyur.
7 Kung inyong tinalakay ang Kaharian ng Diyos at nakapaglagay ng brosyur na “Hinihiling” sa unang pagdalaw, sa inyong pagbabalik ay maaari ninyong sabihin ang ganito:
◼ “Nang huli tayong mag-usap, napatunayan natin na ang Kaharian ng Diyos ay isang tunay na gobyerno na mamamahala sa buong lupa. Ipinakikita ng Bibliya na si Kristo Jesus ang magiging tagapamahala nito. May nakikita ba kayong anumang kapakinabangan sa pagkakaroon ng ganitong uri ng pamahalaan at lider?” Hayaang sumagot. Buksan ang brosyur na Hinihiling sa aralin 6. Ginagamit ang mga punto sa mga parapo 6-7 at ang ilustrasyon sa pahina 13, ipakita kung ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos para sa sangkatauhan. Basahin ang Daniel 2:44, at kung angkop, iharap ang aklat na Kaalaman at ialok ang isang pag-aaral sa Bibliya.
8 Kung may nasumpungan kayong sumasang-ayon na ang mga relihiyon ng sanlibutan ay lumikha ng mga suliranin sa sangkatauhan, maaari ninyong itanong ang ganito sa inyong pagdalaw-muli:
◼ “Naisip na ba ninyo kung paano natin malalaman kung aling relihiyon ang sinasang-ayunan ng Diyos? [Hayaang sumagot.] Ang brosyur na ito na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? ay nagbibigay ng mapagkikilanlang tanda ng tunay na relihiyon.” Bumaling sa aralin 13, at itampok ang limang punto na nakasulat nang pahilig sa mga parapo 3-7. Maaari kayong magpatuloy sa pagsasabing: “Bilang karagdagan sa paghanap sa tunay na relihiyon, kailangan nating alamin kung ano ang hinihiling ng Diyos sa atin bilang indibiduwal.” Basahin ang Juan 4:23, 24. Imungkahing pag-usapan pa ito nang higit. Bumaling sa aralin 1 ng brosyur, at itanghal kung paano tayo nag-aaral.
9 Kapag kayo ay bumalik upang ipagpatuloy ang pagtalakay hinggil sa kaligayahan ng pamilya, maaari ninyong sabihin ang gaya nito:
◼ “Nang una tayong magkita, ating tinalakay ang lihim ng kaligayahan sa pamilya, na yao’y ang pagkakapit sa payong masusumpungan sa Bibliya. Kapag tinutukoy ang mga pangangailangan ng isang makabagong pamilya, naniniwala ba kayo na ang Bibliya ay lipas na o napapanahon pa?” Hayaang sumagot. Iharap ang aklat na Kaalaman. Bumaling sa kabanata 2, at basahin ang pagsipi sa parapo 13. Ginagamit ang mga punto sa parapo 3, ialok ang isang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya.
10 Ang brosyur na Hinihiling ay napatunayang isang mainam na pantulong sa iba upang matutuhan ang mga kahilingan ng Diyos. Ang pagiging maikli at maliwanag ng mensahe nito, at ang nakaaakit na disenyo nito ay nagpapadali sa pagpapasimula ng mga pag-aaral. Hangga’t maaari, depende sa interes at kakayahan ng estudyante, ang pag-aaral ay maaaring ilipat sa aklat na Kaalaman.
11 Nawa’y samantalahin natin ang bawat pagkakataon upang ipakita ang taimtim na pagkabahala alang-alang sa lahat ng interesado sa ating teritoryo. Sa pamamagitan ng pag-iingat ng tumpak na mga rekord, paghahandang mabuti, at maagap na pagbabalik ay maipakikita natin ang pag-ibig sa kapuwa na aakit sa kanila sa katotohanan.—Mat. 22:39; Gal. 6:10.