Mga Pagdalaw-Muli na may Layunin
1 Kapag gumagawa ng pagdalaw-muli, tiyaking gumamit ng isang teksto na magbibigay sa tao ng karagdagang kaalaman sa paksa ng Bibliya na inyong tinalakay noong una.
2 Kapag kayo ay nakapaglagay ng artikulong “Isang Sanlibutan na Walang Digmaan—Kailan?” (Ang Bantayan, Oktubre 1), maaari ninyong sabihin:
◼ “Ano kaya ang magiging buhay sa lupa kung wala nang digmaan? [Hayaang sumagot.] Hayaan ninyong ipakita ko sa inyo kung ano ang ipinangakong gagawin ng Diyos.” Basahin ang Awit 37:10, 11. Ipaalaala sa tao kung ano ang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ipanalangin gaya ng nakaulat sa Mateo 6:9, 10. Tulungan siyang mangatuwiran sa kahulugan ng mga salita ni Jesus. Ialok ang suskrisyon ng Ang Bantayan o Gumising! at gumawa ng kaayusan na bumalik ukol sa higit pang pagtalakay.
3 Kung kayo ay bumalik para sa karagdagan pang pagtalakay sa artikulong “Bakit Napakaikli ng Buhay?” (Gumising! Oktubre 22), maaari kayong magpasimula sa ganitong paraan:
◼ “Noong huli kong pagdalaw, ating pinag-usapan ang hinggil sa haba ng buhay ng tao. Gaya ng walang pagsalang napansin ninyo sa mga artikulo ng Gumising!, kakaunti lamang ang maaasahan sa mga siyentipiko para tayo’y tulungang mabuhay ng higit sa 70 o 80 taon. Ano ang masasabi ninyo sa pangako ng Bibliya? [Hayaang sumagot.] Ipinakikita ng Bibliya na may naiisip ang Diyos na isang higit na makabubuti sa tao.” Pagkatapos ay basahin at ipaliwanag ang Juan 17:3. Sa puntong ito’y maaaring makapag-alok kayo ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya o makapagsaayos ng isa pang pagtalakay sa Bibliya.
4 Ang isang tunguhin sa pagdalaw-muli sa kumuha ng mga magasin ay ang magtatag ng ruta ng magasin. Ang isang simpleng presentasyong gaya nito ay maaaring maging mabisa:
◼ “Inaasahan kong nasiyahan kayo sa artikulo ng Bantayan na iniwan ko sa inyo na nagpapaliwanag kung bakit tayo dapat matakot sa Diyos. Ngayo’y dinala ko ang isang artikulo sa magasing Gumising! na nagtatanong, ‘Bakit Napakaikli ng Buhay?’ Iyo’y isang mabuting katanungan, hindi ba?” Maaari kayong magpatuloy sa pagsasabing: “Ang bantog na salita ni Jesus sa Juan 3:16 ay nagbibigay ng pangako ukol sa buhay na walang-hanggan.” Pagkatapos ay ipaliwanag na kayo’y babalik upang dalhin ang susunod na isyu at kaypala’y talakayin pa ng higit kung ano ang pangako ng Diyos para sa masunuring sangkatauhan. Tandaan na sa bawat pagkakataong kayo’y nagrarasyon ng magasin, maaaring iulat ninyo ang isang pagdalaw-muli.
5 Ang pagpapasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya ay isang mahalagang tunguhin sa ating ministeryo. Marahil kayo ay nakagawa na ng ilang pagdalaw sa isang taong kumuha ng mga magasin. Bakit hindi subukan ang ganitong paglapit sa susunod ninyong pagdalaw?:
◼ “Napakaraming nagkakasalungatang paniniwala hinggil sa kung bakit pinahintulutan ng Diyos ang kabalakyutan o kung bakit tayo ay tumatanda at namamatay.” Buksan ang isa sa ating publikasyon sa pag-aaral ng Bibliya sa paksang sa palagay ninyo’y kukuha sa interes ng maybahay, at itanghal sa maikli kung papaano idinaraos ang pag-aaral.
6 Si Jehova ay isang Diyos ng layunin. Tularan natin siya sa Oktubre sa pamamagitan ng paggawa ng mga pagdalaw-muli na may layunin.