Pagsunod sa Ating Huwaran Bilang mga Tagapagdala ng Liwanag
1 Wika ni Jesus: “Ako ang liwanag ng sanlibutan.” Sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang halimbawa, ang mga alagad din ni Jesus ay magsisilbing “ang liwanag ng sanlibutan.” (Mat. 5:14) Sinabi ni Jesus na tataglayin ng lahat ng mga sumusunod sa kaniya “ang liwanag ng buhay.”—Juan 8:12.
2 Sinasanay tayo ng organisasyon ni Jehova upang maging mabibisang tagapagdala ng liwanag. Kung maingat nating susundin ang tagubiling ating tinatanggap, maliliwanagan natin ang lahat ng uri ng mga tao. (1 Tim. 4:6) Ang paglilingkod bilang mga tagapagdala ng liwanag ay nagsasangkot hindi lamang sa pagsasalita ng katotohanan sa lahat ng pagkakataon kundi sa pagtataglay din ng mainam na paggawi. Ang paggawi ng ating Huwaran ay hindi mapipintasan. Bilang kaniyang mga tagasunod, dapat nating ipakita na ang pagka-Kristiyano ay pang-araw-araw nating paraan ng pamumuhay. (Efe. 5:9; Tito 2:7, 8, 10) Dapat tayong magluwal ng maiinam na gawa na makikita ng iba, anupat mapakikilos silang lumuwalhati sa Diyos.—Mat. 5:16.
3 Napaharap ang isang Saksi sa isang di-karaniwang kahilingan samantalang nagbabahay-bahay. Ang isang lalaki at ang kaniyang asawa ay may sakit, subalit kailangan nilang ideposito ang ilang pera sa bangko. Itinanong nila kung magagawa iyon ng Saksi. Siya’y pumayag at ang halagang $2,000 ay ibinigay sa kaniya upang dalhin sa bangko! Sa kaniyang pagbabalik, siya’y nagtanong: “Papaano kayo nagtiwala sa akin nang hindi naman ninyo ako nakikilala?” Ang sagot: “Nalalaman namin, at nalalaman ng lahat, na ang mga Saksi ni Jehova ang siya lamang mapagkakatiwalaan.” Kay laki ng pasasalamat natin na ang ating pagsunod sa mga simulaing moral ng Bibliya ay nakapagluluwal ng ganitong maiinam na gawa!
4 Isang guro sa unang-baitang ang nagpaliwanag sa kaniyang klase kung bakit ang isang anim-na-taong-gulang na estudyanteng Saksi ay hindi nakikibahagi sa pagkukulay sa mga larawan ng Halloween. Sinabi ng guro na siya’y kaniyang ipinagkakapuri dahilan sa pagkakaroon ng tibay-loob upang maging kakaiba. Kung lubos nating pinaniniwalaan ang isang bagay, wika ng guro, dapat tayong magkaroon ng tibay-loob na panindigan ito. Nang gabing iyon ay sinuri ng guro ang sariling mga paniniwala at inamin na hindi niya naipakita ang gayong tibay-loob na manindigan sa kaniyang mga paniniwala. Kinabukasan ay ipinatalastas niya na hindi na niya isasangkot ang kaniyang klase sa anumang pagdiriwang ng kapistahan sa hinaharap, yamang ang ilan sa mga ito ay hindi niya pinaniniwalaan.
5 Ang bayan ni Jehova ay nananabik na pasikatin ang kanilang liwanag, saanman sila naroroon. Ang huwarang paggawi ng mga kabataan sa paaralan ay nakatawag-pansin sa mga kamag-aral at mga guro. Ang maygulang na mga Saksi na nagpapakita ng mainam na paggawi sa komunidad ay nagbunsod sa iba na magsalita nang mabuti sa mensahe ng Kaharian. Ang impormal na pagpapatotoo ay umaakit sa taimtim na mga tao na nagnanais na matuto pa nang higit. Maging ang ating kasipagan at katapatan sa sekular na trabaho ay nagbibigay ng patotoo.
6 Sa maingat na pagsunod sa ating dakilang Huwaran, patuloy nating mapagbubuti ang ating kasanayan bilang kaniyang mga alagad. Ang pagtulad sa kaniyang halimbawa ay titiyak na ang ating ilawan ay “nagliliwanag sa lahat.”—Mat. 5:15; 1 Ped. 2:21.