“Pasikatin Ninyo ang Inyong Liwanag”
1. Anong pantanging regalo mula sa Diyos ang maaari nating ibahagi sa iba?
1 Mula sa bukang-liwayway hanggang sa takipsilim, ang kagandahan ng liwanag ay nagdudulot ng papuri sa Diyos na Jehova. Pero may ibang uri ng liwanag na nais ni Jesus na taglayin ng kaniyang mga alagad—ang “liwanag ng buhay.” (Juan 8:12) Ang pagtataglay ng espirituwal na kaliwanagang ito ay isang pantanging regalo mula sa Diyos na may kaakibat na mga pananagutan. Sinabi ni Jesus: “Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao,” para makinabang ang iba. (Mat. 5:16) Sa gitna ng matinding espirituwal na kadiliman, ngayon higit kailanman, dapat ibahagi ang liwanag na ito! Paano natin mapasisikat ang ating liwanag gaya ni Kristo?
2. Paano ipinakita ni Jesus na mahalagang ibahagi ang espirituwal na liwanag?
2 Sa Pamamagitan ng Pangangaral: Ginamit ni Jesus ang kaniyang panahon, lakas, at kakayahan upang ihatid ang liwanag ng katotohanan sa mga tahanan, liwasan, at sa mga taluktok ng bundok—saanman may taong masusumpungan. Alam niyang napakahalaga ng paglalaan ng tunay na espirituwal na kaliwanagan. (Juan 12:46) Para maabot ang mas marami pang tao, sinanay ni Jesus ang kaniyang mga alagad na maging “liwanag ng sanlibutan.” (Mat. 5:14) Pinasisikat nila ang kanilang liwanag sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa iba at pagbabahagi ng mga katotohanan tungkol sa Diyos.
3. Paano natin maipakikita ang tunay na pagpapahalaga sa liwanag ng katotohanan?
3 Sineseryoso ng mga lingkod ng Diyos ang pananagutang ‘patuloy na lumakad bilang mga anak ng liwanag,’ at nangangaral sila saanman may tao. (Efe. 5:8) Ang pagbabasa ng Bibliya o iba pang publikasyong Kristiyano kapag panahon ng break sa trabaho o sa paaralan ay maaaring pagmulan ng pag-uusap tungkol sa Bibliya. Ganito nakapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya ang isang kabataang sister at nakapagpasakamay ng mga aklat sa kaniyang 12 kaklase!
4. Bakit kasali sa ‘pagpapasikat ng ating liwanag’ ang mabuting paggawi?
4 Sa Pamamagitan ng Maiinam na Gawa: Kasali rin sa pagpapasikat ng ating liwanag ang paggawi natin sa araw-araw. (Efe. 5:9) Ang Kristiyanong paggawi sa trabaho, paaralan, at sa iba pang pampublikong lugar ay napapansin ng iba at nagbubukas ng mga pagkakataon para maibahagi ang katotohanan ng Bibliya. (1 Ped. 2:12) Halimbawa, dahil sa mabuting paggawi ng isang limang-taóng-gulang na batang lalaki, ipinatawag ng guro ang mga magulang nito. Sinabi ng guro, “Ngayon lang ako nakakita ng batang naninindigan sa kung ano ang tama!” Oo, ang ating ministeryo at mabuting paggawi ay nakaaakit sa mga tao sa “liwanag ng buhay” at nagdudulot ng papuri sa ating Diyos.