Patuluyang Pinasisikat ang Ating Liwanag
1 Ano ang liwanag? Sa kabila ng pagsulong ng teknolohiya, ang mga tao ay hindi pa rin lubos na nakakaalam ng kasagutan sa tanong na ibinangon ni Jehova sa Job 38:24. Maaari ba tayong manatiling buháy nang walang liwanag? Kung walang liwanag hindi tayo iiral. Ang liwanag ay mahalaga para sa pisikal na paningin, at ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na sa espirituwal na diwa, “Ang Diyos ay liwanag.” (1 Juan 1:5) Tayo ay lubusang umaasa sa Isa na “nagbibigay sa atin ng liwanag.”—Awit 118:27.
2 Ito’y totoo sa pisikal na diwa subalit higit pa sa espirituwal na paraan. Iniligaw ng huwad na relihiyon ang maraming tao, at pinabayaan sila sa espirituwal na kadiliman, na “nagsisikapa sa bakod na tulad ng mga taong bulag.” (Isa. 59:9, 10) Nauudyukan ng kaniyang walang katulad na pag-ibig at habag, si Jehova ay ‘nagpapadala ng kaniyang liwanag at katotohanan.’ (Awit 43:3) Literal na milyun-milyon na may pagpapahalaga ang tumugon, na lumabas “mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.”—1 Ped. 2:9.
3 Si Jesu-Kristo ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa pagdadala ng liwanag na ito sa sanlibutan. Sinabi niya: “Ako ay dumating bilang liwanag sa sanlibutan, upang ang bawat isa na naglalagak ng pananampalataya sa akin ay hindi manatili sa kadiliman.” (Juan 12:46) Ang lahat ng kaniyang panahon, lakas, at tinataglay ay ginamit upang maihayag ang liwanag ng katotohanan. Siya’y naglakbay sa buong lupang tinubuan niya, na nangangaral at nagtuturo sa halos bawat lunsod at nayon.
4 Sa Mateo 5:14-16 tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Kayo ang liwanag ng sanlibutan. . . . Pasikatin ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang kanilang makita ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa mga langit.” Gaya ni Jesus, sila’y magiging mga “tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan.” (Fil. 2:15) May kagalakan nilang tinanggap ang pananagutang iyon, na minamalas iyon bilang kanilang pangunahing layunin sa buhay. Ang buong kongregasyong Kristiyano ay nagkaisa sa pagsasakatuparan ng dakilang gawaing iyon.
5 Tayo ngayon ay dapat magpasalamat na tayo’y napabilang sa mga nag-alis ng “mga gawang nauukol sa kadiliman.” (Roma 13:12, 13) Maipakikita natin ang ating pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagtulad sa halimbawang iniwan ni Jesus at ng mga tapat na Kristiyano nang nakaraan. Ang pangangailangan para sa iba na makarinig ng katotohanan ay higit na apurahan at maselang sa ngayon kaysa alinmang panahon sa kasaysayan ng tao.
6 Papaano Tayo Sisikat Bilang mga Tagapagbigay-Liwanag? Ang pangunahing paraan upang pasikatin ang ating liwanag ay ang pakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Ang bawat kongregasyon ay may regular, organisadong mga kaayusan sa pangangaral sa kanilang atas na teritoryo. Napakalaking bilang ng mga literatura ang makukuha sa napakaraming iba’t ibang uri at sa maraming wika. Napakalawak na edukasyon ang inilalaan sa mga pulong, at ang tulong sa pagsasanay sa iba ay personal na iniaalok niyaong mga makaranasan. Ang mga pagkakataon upang makibahagi ay bukas sa mga lalaki, mga babae, mga may edad, at kahit na sa mga bata. Ang lahat ng gawain ng kongregasyon ay nakatuon sa pangangaral, taglay ang mga paglalaan upang tulungan ang bawat miyembro na makibahagi sa ilang paraan. Ang regular, malapit na pakikisama sa kongregasyon ang siyang pinakamabuting paraan upang matiyak na ang ating liwanag ay patuloy na sumisikat.
7 Tayo ay makasisikat sa mga paraang maaaring hindi magsangkot ng bibigang patotoo. Ating maaakit ang pansin ng iba sa pamamagitan lamang ng ating paggawi. Ito ang nasa isip ni Pedro nang kaniyang himukin: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang . . . luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksing nakakita.” (1 Ped. 2:12) Hinahatulan ng marami ang isang gawa o isang organisasyon sa pamamagitan ng paggawi niyaong mga kabilang doon. Kapag nakita ng mga nagmamasid ang mga tao na malilinis sa moral, matatapat, mapapayapa, at mga masunurin sa batas, kanilang minamalas ang gayong mga tao na kakaiba at naniniwalang sila’y nabubuhay ayon sa mga pamantayan na mas mataas ang antas kaysa doon sa sinusunod ng karamihan. Kaya pinasisikat ng isang asawang lalaki ang kaniyang liwanag kapag kaniyang pinararangalan at kinakandili ang kaniyang asawang babae sa maibiging paraan; gayundin ang ginagawa ng asawang babae kapag iginagalang ang pagkaulo ng kaniyang asawang lalaki. Ang mga anak ay lumalabas na kakaiba kapag kanilang sinusunod ang kanilang mga magulang at iniiwasan ang seksuwal na imoralidad at paggamit ng droga. Ang isang empleado na taimtim sa kaniyang gawain, tapat, at mapagbigay sa iba ay lubos na pinahahalagahan. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng ganitong mga katangiang Kristiyano, pinasisikat natin ang ating liwanag.
8 Ang pangangaral ay ang pakikipag-usap sa iba hinggil sa ating natututuhan mula sa Salita ng Diyos. Ito’y naisasagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pahayag sa mga pulong o ng pagsasalita sa mga pintuan, subalit hindi lamang ito limitado sa gayong mga pagkakataon. Sa ating mga gawain sa araw-araw ating nasusumpungan ang maraming tao. Ilang beses kayong nakikipag-usap sa inyong mga kapitbahay sa isang araw? Gaano kadalas may kumakatok sa inyong pintuan? Gaano karaming tao ang nasusumpungan ninyo kapag kayo ay namimili, sumasakay sa bus, o gumagawa sa inyong pinagtatrabahuhan? Kung kayo ay isang kabataan sa paaralan, mabibilang ba ninyo ang mga indibiduwal na nakakausap ninyo bawat araw? Ang mga pagkakataong makipag-usap sa iba ay halos walang limitasyon. Kailangan lamang ninyong taglayin sa isipan ang ilang punto mula sa Kasulatan, laging may magagamit na Bibliya at ilang tract, at kumuha ng unang hakbang upang pasimulan ang pakikipag-usap kapag nagkaroon ng pagkakataon.
9 Bagaman ang impormal na pagpapatotoo ay napakasimple, ang ilan ay nag-aatubiling subukan iyon. Maaaring nadarama nilang sila’y masyadong mahiyain o natatakot lumapit sa mga estranghero. Sila’y maaaring nangangambang tumanggap ng masakit na pagtugon. Yaong mga may karanasan sa impormal na pagpapatotoo ay makapagsasabi sa inyo na walang dapat na ipangamba. Ang iba ay karaniwang tulad lamang natin; sila’y may gayunding mga pangangailangan, nakadarama ng gayunding pagkabahala, at nagnanais ng gayunding mga bagay para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya. Ang karamihan ay tutugon nang may kabaitan sa isang masayang ngiti o sa isang palakaibigang pagbati. Upang makapagsimula, maaaring kinakailangan ninyong ‘mag-ipon ng katapangan.’ (1 Tes. 2:2) Gayunpaman, minsang kayo’y nakapagsimula, magugulat kayo at labis na malulugod sa magiging bunga nito.
10 Tayo’y Pinagpapala Kapag Pinasisikat ang Ating Liwanag: Naririto ang ilang halimbawa ng mga karanasang idinulot ng impormal na pagpapatotoo: Isang 55-taong gulang na babae ang nagtatangkang tumawid sa lansangan. Nang siya’y malapit nang banggain ng isang kotse, sinunggaban siya sa kamay ng isang kapatid na babae at hinila para makaligtas, na nagsasabi: “Pakisuyong mag-ingat. Tayo ay nabubuhay sa mapanganib na panahon!” Pagkatapos ay ipinaliwanag niya kung bakit napakamapanganib ng panahon. Ang babae ay nagtanong, “Isa ka ba sa mga Saksi ni Jehova?” Dahilan sa nakatanggap siya ng isang aklat mula sa kaniyang nakatatandang kapatid na babae, nais ng babae na makasumpong ng isang Saksi ni Jehova, at ito’y nangyari sa pagtatagpong ito.
11 Isang kapatid na babae ang nagpasimulang makipag-usap sa isang babae sa silid-hintayan sa opisina ng doktor. Matamang nakinig ang babae at pagkatapos ay nagsabi: “Sa ilang pagkakataon ay nakatagpo na ako ng mga Saksi ni Jehova; subalit kung sa hinaharap ay aktuwal akong maging isa mismo sa mga Saksi ni Jehova, iyo’y dahilan sa kung ano ang kasasabi mo lamang sa akin. Ang pakikinig sa iyo ay gaya ng panimulang pagkakita ng liwanag sa isang pusikit na dako.”
12 Ang isang gawa ng kabaitan ay maaaring maging tuntungang-bato sa pagtulong sa iba na matuto ng katotohanan. Habang lumalakad papauwi sa bahay mula sa paglilingkod sa larangan, dalawang kapatid na babae ang nakapansin sa isang may edad na babae na mukhang may sakit habang bumababa mula sa bus. Sila’y tumigil at nagtanong sa babae kung siya’y nangangailangan ng tulong. Siya’y lubhang namangha na dalawang estranghero ang magpapakita ng interes sa kaniya kayat nagpumilit siyang alamin kung ano ang dahilan ng gayong kabaitan. Ito’y nagbukas ng pinto para sa pagpapatotoo. Karaka-rakang ibinigay ng babae ang kaniyang direksiyon at malugod na inanyayahan sila na dumalaw sa kaniya. Isang pag-aaral ang napasimulan. Di natagalan at ang babae ay nagpasimulang dumalo sa mga pulong at ngayon ay namamahagi ng katotohanan sa iba.
13 Isang may edad nang kapatid na babae ang nagsamantala sa madaling araw na pagpapatotoo sa dalampasigan sa kanilang lugar. Nasumpungan niya ang mga katulong sa bahay, mga nag-aalaga ng bata, mga kawani ng bangko, at mayayamang babae na naglalakad tuwing umaga sa daang pasyalan. Siya’y nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya samantalang nakaupo sa mga bangkong malapit sa dalampasigan. Ilang tao ang natuto ng katotohanan mula sa kaniya at naging mga Saksi ni Jehova na ngayon.
14 Sa kaniyang sekular na trabaho, narinig ng isang kapatid na babae ang kamanggagawa na nagsasalita tungkol sa partido politikal na sa palagay niya’y makalulutas sa mga suliranin ng daigdig. Ang kapatid ay nagsalita, naglahad kung ano ang mga pangakong gagawin ng Kaharian ng Diyos. Ang pag-uusap na ito sa trabaho ay umakay sa isang regular na pantahanang pag-aaral sa Bibliya, at sa dakong huli ang babae at ang kaniyang asawa ay naging mga Saksi.
15 Huwag Kalilimutang Kayo ay Isang Saksi: Nang inilarawan ni Jesus ang kaniyang mga alagad bilang ang “liwanag ng sanlibutan,” siya’y nangatuwiran na sila’y kailangang tumulong sa iba na makinabang mula sa espirituwal na liwanag ng Salita ng Diyos. Kung ikakapit natin ang payo ni Jesus, papaano natin mamalasin ang ating ministeryo?
16 Kapag naghahanap ng mapapasukan, ang ilang tao ay pumipili ng bahaging-panahong trabaho. Sila’y naglalagay ng hangganan kung gaanong panahon at pagsisikap ang ilalagay nila dito sapagkat mas gusto nilang gamitin ang karamihan ng kanilang panahon sa mga gawaing nagdudulot ng higit na kasiyahan sa sarili. Tayo ba ay may gayunding pangmalas sa ating ministeryo? Bagaman nadarama nating tayo’y obligado o kahit na may pagkukusang naglalaan ng ilang panahon para sa ministeryo, ang atin bang pangunahing interes ay nasa ibang mga bagay?
17 Sa pagkaalam na walang tinatawag na bahaging-panahong Kristiyano, tayo ay gumawa ng ating pag-aalay, ‘itinakwil ang ating sarili’ at sumang-ayong sumunod kay Jesus nang “patuluyan.” (Mat. 16:24) Ang ating pagnanais ay ang patuloy na maging “buong-kaluluwa,” na sinasamantala ang bawat pagkakataon na pasikatin ang ating liwanag upang abutin ang mga tao saanmang dako sila naroroon. (Col. 3:23, 24) Kailangan nating labanan ang makasanlibutang mga saloobin, panatilihin ang ating sigasig gaya sa pasimula, at tiyaking ang ating liwanag ay patuloy na sumikat nang maningning. Ang ilan ay maaaring magpahintulot sa kanilang sigasig na lumamig at ang kanilang liwanag ay maging malamlam na baga lamang, na halos hindi makita mula sa malayo. Kaypala ang isang tulad nito ay nangangailangan ng tulong upang mapanumbalik ang nawalang sigasig sa ministeryo.
18 Ang ilan ay maaaring nag-aatubili dahilan sa ang ating mensahe ay kinayayamutan ng marami. Sinabi ni Pablo na ang mensahe hinggil sa Kristo ay “kamangmangan doon sa mga nalilipol.” (1 Cor. 1:18) Gayunpaman, anuman ang sabihin ng iba, matindi niyang ipinahayag: “Hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita.” (Roma 1:16) Ang isa na nahihiya ay nakadaramang mababa ang uri o hindi karapat-dapat. Papaano ba tayo makadarama ng kahihiyan kapag tayo’y nagsasalita hinggil sa Kataastaasang Soberano ng sansinukob at sa kamangha-manghang mga paglalaan na kaniyang ginawa para sa ating walang hanggang kaligayahan? Hindi man lamang maaaring isipin na tayo’y makadarama ng kahihiyan o ng pagiging di karapat-dapat kapag tayo’y nagsasalita ng mga katotohanang ito sa iba. Sa halip, dapat nating madama na tayo’y nauudyukang gumawa ng buong kaya natin, na ipinamamalas ang ating kombiksyon na tayo’y ‘walang anumang dapat ikahiya.’—2 Tim. 2:15.
19 Ang liwanag ng katotohanan na sumisikat ngayon sa mga lupain sa palibot ng lupa ay malugod na nag-aalok ng pag-asa para sa walang hanggang buhay sa isang paraisong bagong sanlibutan. Ating ipakita na isinapuso natin ang payo na pasikatin ang ating liwanag nang patuluyan! Kung gagawin natin ito, magkakaroon tayo ng dahilan upang magalak gaya ng mga alagad na sa bawat araw ay “nagpatuloy . . . nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.”—Gawa 5:42.