Bakit Mag-iingat ng Isang Rekord ng mga Wala-sa-Tahanan?
1 Isang mag-asawang Saksi ang maagang lumabas sa paglilingkod sa larangan. Nang dakong hapon ng araw ding iyon, bumalik sila upang dalawin ang mga wala-sa-tahanan sa teritoryong iyon. Pinapasok sila ng isang lalaki at siya’y matamang nakinig. Kumuha siya ng aklat na Mabuhay Magpakailanman at nagtanong kung ang mga Saksi ay babalik. Hindi pa niya kailanman nakakausap ang mga Saksi ni Jehova at nais niya ang kasagutan sa maraming katanungan; isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Galak-na-galak ang mag-asawang ito na masumpungan ang gayong tulad-tupang indibiduwal. Gusto ba ninyong magkaroon ng gayon ding karanasan? Ang pag-iingat ng isang mabuting rekord ng mga wala-sa-tahanan at pagbabalik karaka-raka ay maaaring magpangyari nito.
2 Tayo’y paulit-ulit na hinihimok na mag-ingat ng tumpak na rekord ng mga wala-sa-tahanan at balikan kaagad iyon. Gaya ng ipinakikita ng karanasan sa itaas, ang isa pang pagdalaw sa araw ding iyon ay maaaring magdulot ng napakabuting mga resulta. Bagaman mayroon tayong hangaring kubrehan ang iniatas na teritoryo, maaaring hindi tayo ganoong kasigasig sa pag-iingat ng rekord ng mga wala-sa-tahanan. Wika ng ilan: ‘Ginagawa namin ang aming teritoryo bawat dalawa o tatlong linggo; hindi na kailangang mag-ingat ng rekord dahilan sa kami nama’y babalik kaagad.’ Subalit iyon ay nagbibigay sa atin nang higit na dahilan na mag-ingat ng isang rekord. Kung saan madalas gawin ang teritoryo, ang pagsubaybay sa mga wala-sa-tahanan ay nagpapangyari sa atin na maging higit na puspusan sa paghahanap sa mga karapatdapat. Papaano?
3 Sa ilang lugar, marami sa naninirahan ang wala sa tahanan kung araw. Kaya, para bang nadaragdagan ang ating ginagawang teritoryo kapag nagtutuon ng higit na pansin sa ating mga wala-sa-tahanan. Kahit na bihirang gawin ang teritoryo, mapasusulong natin ang mga resulta kapag gumawa ng pagsisikap na maabot ang lahat bago markahan ang teritoryo na ito’y nagawa na.
4 Ang pagdalaw sa mga wala-sa-tahanan ay kadalasang maaaring isaayos sa ibang araw, kaypala’y sa loob ng isang linggo. Nasusumpungan ng marami na mas mabuting bumalik sa ibang araw at oras kaysa nang isagawa ang unang pagdalaw. Maaaring piliin ninyong gamitin ang ilang oras ng Sabado o Linggo upang subaybayan ang itinalang mga wala-sa-tahanan noong simpleng araw. Bilang isa pang posibilidad, maraming kongregasyon ang nakasusumpong na ang paggawa ng gayong mga pagdalaw sa mga oras kapag kumagat na ang dilim ay nagiging mabunga. Maaaring masumpungan nila na ang mahigit sa kalahati ng mga naninirahan ay nasa tahanan.
5 Dapat ninyong itala ang mga pagdalaw-muli sa isang hiwalay na rekord. Kung hindi kayo makabalik doon sa mga wala sa bahay, ang inyong rekord ng mga wala-sa-tahanan ay dapat na ibigay sa kapatid na nangangalaga sa grupo, upang magamit ng susunod na grupo na magtutungo sa teritoryong iyon.
6 Ang pagbibigay ng maingat na pansin sa bahaging ito ng ating ministeryo ay maaaring magpasulong sa ating pagiging mabunga at sa ating kagalakan. Ito’y makapagbibigay sa atin ng kasiyahan na nagmumula sa pagkaalam na lubusan nating hinahanap at pinangangalagaan ang mga tulad-tupa.—Ezek. 34:11-14.