Gamiting Mabuti ang Inyong Panahon
1 Si Jehova ay palaisip sa panahon. Nais din niyang tayo’y maging gising sa panahon. Sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon tayo’y tinutulungan niyang maging palaisip sa panahon. Tayo’y hinihimok na laging “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Cor. 15:58) Sa ganitong paraan, tayo’y higit na magiging mabisa sa paglilingkod kay Jehova.
2 Bawat isa sa atin ay may magkakatulad na panahon bawat linggo—168 oras. Gaano kabuti natin ginagamit ang panahon? Ipinakikita ba natin na alam natin kung anong panahon ito mula sa pangmalas ni Jehova? Tayo ba’y nagagambala ng di-mahahalagang gawain?
3 Mahalagang tayo ay maging organisadong mabuti. Sinisikap ng marami na mapanatili ang isang listahan ng dapat unahin. Bawat bagay ay inilalagay alinsunod sa kahalagahan nito. Papaano matitiyak ito? Sinasabi ng Bibliya na dapat na may “makitang mabuti ang bawat tao sa lahat niyang pagpapagal.” (Ecles. 3:13) Ang ilang gawain ay nagluluwal ng mas mabuting resulta kaysa sa iba. Isaalang-alang ang mga resulta na idudulot ng bawat isa. Ang pagtapos ba sa trabaho ay magdudulot ng malalaking kapakinabangan? Ikaw kaya’y may “makitang mabuti” sa iyong pagpapagal? Kung hindi, marahil iyo’y hindi masyadong mahalaga.
4 Sa Ating Ministeryo: Pinahahalagahan natin kapag dumarating nang nasa oras ang iba para sa paglilingkod, matamang nakikinig sa mga tagubilin, at karaka-rakang umaalis patungo sa teritoryo. Nanaisin nating tayo’y maging abala sa pangangaral kaysa sa paghihintay. Maliwanag na nadama ni Pablo ang malaking pangangailangan para sa mabuting kaayusan nang siya’y sumulat: “Ang lahat ng bagay ay maganap nawa nang disente at ayon sa kaayusan.”—1 Cor. 14:40.
5 Kapag tayo’y nasa paglilingkod sa larangan, maaaring maiwala natin ang mahalagang oras sa panahon ng pagkakape. Gayunpaman, ang maikling pahinga ay maaaring kunin pagkatapos gumawa ng ilang oras sa paglilingkod. O marahil kapag masama ang kalagayan ng panahon, ang paghinto ay makagiginhawa sa atin at makatutulong upang tayo’y makapagpatuloy. Gayunman, pinipili ng marami na maging abala sa pagpapatotoo sa mga tao at iniiwasan ang pakikipagsosyalan sa oras ng pagkakape sa panahong nakatakda sa ministeryo. Kailangan ang pagiging timbang.
6 “Nalalaman ng cigueña . . . ang kaniyang itinakdang kapanahunan” upang mangibang-bayan, at ang langgam ay “naghahanda ng kaniyang pagkain sa tag-init” upang maging handa para sa taglamig, wika ng Bibliya. (Jer. 8:7; Kaw. 6:6-8) Naroroon ang lihim sa paggamit na mabuti ng panahon. Kailangan din nating ‘malaman ang ating itinakdang panahon.’ Kahit na walang labis na paghihigpit, dapat tayong maging palaisip sa panahon. Kailangan nating mabatid na hindi lamang kung ano ang dapat nating gawin kundi kailan ito kailangang gawin. Dapat tayong magkaroon ng ugaling nag-iisip ng patiuna, na gumagawa ng ilang pataan para sa posibleng pagkaantala. At dapat nating handang paikliin ang ilang gawain upang paglaanan ng panahon ang lalong mahahalagang bagay, gaya ng paghahanda para sa ating mga pulong, ministeryo sa larangan, at iba pang teokratikong gawain.
7 Nais nating maging gaya ng ating makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova, na nagtuturo sa atin na “sa bawat bagay ay may takdang panahon.” (Ecles. 3:1) Sa mabuting paggamit ng ating panahon, maaari nating ‘ganapin nang lubusan ang ating ministeryo.’—2 Tim. 4:5.