Magbigay Nang Maingat na Pansin sa Personal na Organisasyon
1 “Kung nais ninyong matapos ang trabaho, ibigay ninyo ito sa isang taong abala.” Ang dahilan sa likuran ng kasabihang ito ay sapagka’t ang isang taong abala ay kadalasang lubusang organisado at kung gayon ay malaki ang nagagawa. Tayong lahat ay may 24 na oras na magagamit sa bawa’t araw. Kung baga sasayangin natin ang panahong iyon o gagamitin iyon nang may katalinuhan ay depende sa ating personal na organisasyon.
2 Lagi tayong “sagana sa gawa ng Panginoon.” (1 Cor. 15:58) Mayroon tayong mga pulong na madadaluhan at mababahaginan sa ministeryo sa larangan. Subali’t nauuna muna ang paghahanda sa mga ito. Sa ibang pangungusap, kailangan nating gumugol ng panahon sa pag-aaral upang tayo’y maging mabisa sa “paggawa ng mga alagad” at maudyukan natin ang iba pa “sa pag-iibigan at mabubuting gawa,” gaya ng ipinag-utos sa atin. (Mat. 28:19; Heb. 10:24) Ang karaniwang bagay sa buhay, gaya ng sekular na trabaho, pamimili, pagkain, paglilinis, paglalakbay, pagpasok sa paaralan, at pagtulog, ay may kani-kaniyang dako. Ang ibang panahon ay maaari ring gamitin sa paglilibang. Ang paglalagay ng lahat ng bagay sa kani-kaniyang wastong dako ay naghaharap ng isang hamon na kailangang harapin. Papaano ito isasagawa?
UNAHIN ANG MAS MAHAHALAGANG BAGAY
3 Sinabi ni Jesus: “Magpatuloy kung gayon na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” (Mat. 6:33) Maliwanag na ang mga kapakanan ng Kaharian ang dapat na unahin sa paggamit ng ating panahon. Kung tayo’y magtatakda ng ating panahon kagaya ng pag-babadyet ng ating salapi, ang oras na ating itinakda para sa mga Kristiyanong pagpupulong, pampamilyang pag-aaral ng Bibliya, at mga teokratikong gawain tulad ng ministeryo sa larangan at personal na pag-aaral ay hindi dapat na gamitin sa iba pang mga kapakanan.
4 Ang bawa’t eskedyul ay may kaakibat na mga kinakailangang bagay sa buhay. Ang panahon ay itinatakda para sa sekular na trabaho upang suportahan ang sarili at ang sambahayan ng isa. Ang pagkain at pagtulog kagaya rin ng pagbibigay-pansin sa personal na pangangailangan ng pamilya ng isa ay dapat na ilakip dito. Ang pinakapangunahin sa listahan ng mga matatanda at mga ministeryal na lingkod ay ang panahong ginagamit sa paghahanda at pagsasagawa ng mga teokratikong pananagutan. Bakit hindi umupo at gumawa ng gayong eskedyul, at tingnan kung may hindi gaanong mahahalagang bagay na nasa inyong listahan ng mga dapat na unahin?
PAGKAKAROON NG SIMPLENG PANINGIN
5 Nang tinatalakay ni Jesus ang gawain ng kaniyang mga alagad, sinabi niya: “Kung simple nga ang iyong mata, ang buong katawan mo’y mapupuspos ng liwanag.” (Mat. 6:22) Ano ang nasasangkot dito? Karaniwan nang ito’y nangangahulugan ng hindi pagiging masalimuot ng buhay ng isa. Maraming pang-abala na maaaring kumuha sa panahon ng isa. Isa na rito ang telebisyon. Sa ilang tahanan, ang telebisyon ay pinaaandar nang buong maghapon mula sa umaga. Ang isang tao ay maaaring umupo nang sandali upang manood sa isang programa. Subali’t maaaring masumpungan niya na ang panahong dati’y inilalaan para sa personal na pag-aaral o para sa pamilya ay nawawala habang siya’y patuloy na nanonood ng iba pang programa. Gaano kadaling aksayahin ang buong magdamag nang walang nagagawang kapakipakinabang na bagay! Hindi alam ng marami kung kailan papatayin ang TV. Kung problema ninyo ito, makabubuting piliin ninyong huwag nang buksan pa ang telebisyon. Para sa ilan, ang paglilibang ay maaaring kumuha ng panahon na itinakda para sa lalong mahahalagang mga bagay.
6 Ang pagsali sa mga palakasan, pagpunta sa lugar na pinagdarausan ng palakasan, o panonood ng mga ito sa TV ay maaaring umubos ng mahalagang panahon. Ang mga asawang lalake, asawang babae, at ang mga anak ay dapat magbantay upang sila ay hindi manakawan ng mga ito ng panahon na maaari nilang gamitin sa pag-aaral at pakikisama sa isa’t isa. Tayong lahat ay dapat na mag-ingat na huwag maging masalimuot ang ating buhay sa pamamagitan ng sobrang palakasan o paglilibang.
7 Magkakaroon ng isang maselang na suliranin kung pahihintulutan nating agawin ng sekular na trabaho ang pangunahin nating panahon. Nasusumpungan ng ilan na sila’y nagugumon sa kanilang trabaho o labis na nababahala sa pagkakaroon ng pinansiyal na kapakinabangan anupa’t wala nang dako para sa kanilang eskedyul sa mga pulong, ministeryo sa larangan, o sa espirituwalidad ng kanilang pamilya. (Efe. 5: 15, 16) Makabubuting tanungin ang inyong sarili, ‘Sino ang talagang masisiyahan kapag ang panahong inialay ko na sa pagsamba sa Diyos Jehova ay ginamit ko pa sa sekular na interes?’
MGA PARAAN UPANG MABISANG MAGAMIT ANG PANAHON
8 Ang pag-oorganisa sa pamumuhay ng isa ukol sa mabisang paggamit ng panahon ay humihiling sa pagkakaroon ng mga espirituwal na tunguhin at pagtatakda sa talagang mahahalagang mga bagay. Ito ang siyang susi sa pagtatakda sa mga bagay na dapat unahin sa araw-araw. Huwag maging mapagpaliban. Kung kayo ay nagtakda ng panahon ukol sa isang gawain, gamitin ang panahon para doon. Itakda ninyo kung kailan dapat matapos iyon. Gumamit ng sapat na panahon sa pag-aaral ng isang materyal upang magamit iyon sa ministeryo sa larangan o sa mga pulong. Gawin ang gayon ding bagay hinggil sa pang-araw-araw na gawain sa tahanan.
9 Gamitin ang panahon sa halip na mawala iyon. Halimbawa, kung kailangang kayo ay maghintay sa iba, gamitin ang panahong iyon sa pagbabasa, pagsusulat, o pagsasagawa ng ilang mahahalagang bagay. Kung kayo ay nakapila, maaaring kayo ay magbukas ng usapan na aakay sa pagbibigay ng patotoo. Isa ring mahalagang bagay na tayong lahat ay magkaroon ng hustong pamamahinga at pagpapahingalay upang manatiling malusog at alisto. Ito’y magpapangyaring kayo ay makapagtrabaho nang higit na mabisa. Ang karamdamang dulot ng di sapat na pagpapahinga o pagtulog ay hahadlang sa inyo sa pagbibigay ng wastong pansin sa mga bagay na may malaking kahalagahan sa buhay.
PAGPAPASULONG SA PERSONAL NA ORGANISASYON
10 Sa daigdig ng negosyo, malaking panahon at pagsisikap ang ginagamit sa pagpapalano pa lamang kung papaano gagawin ang isang bagay. Nasusumpungan ng isang mabuting negosyante na magiging mabisa kung oorganisahin muna ang mga manggagawa at materyales bago gawin ang isang produkto. Kaniyang nalalaman na kung ang kinakailangang manggagawa at materyales ay wala sa panahon at lugar na doo’y kailangan ang mga ito, malaking panahon at salapi ang maaaring mawala at siya’y mawawalan ng pakinabang. Sa bagay, tayo’y may higit na mabuting motibo sa pag-oorganisa sa ating sarili. Kasama dito ang ating pagnanais na mapanatili ang isang mainam na kaugnayan kay Jehova, maging mabisa sa paggawa ng mga alagad, at maabot ang ating tunguhing buhay na walang hanggan. Mahalaga kung gayon, na tiyakin na tayo’y nagtataglay ng wastong mga kasangkapan sa tamang panahon.
11 Halimbawa, tayo ay may limang pagpupulong sa kongregasyon bawa’t linggo. Ang materyal sa mga pulong na ito ay salig sa iba’t ibang mga publikasyon. Ang mga publikasyon bang ito ay makukuha kaagad? Ang isyu ba ng Bantayan na ating pinag-aaralan sa linggong iyon ay nakahanda na, o nangangailangang gumamit pa ng panahon para hanapin iyon? Ano naman ang tungkol sa iba pang publikasyon na ating pinag-aaralan sa Pag-aaral ng Aklat ng Kongregasyon? Makabubuting magkaroon ng tiyak na lugar para sa mga ito at panatilihin doon ang mga ito habang hindi ginagamit. Sa ganitong paraan ay madali nating makikita ang angkop na mga publikasyon kapag tayo ay naghahanda maging sa paglilingkod sa larangan o sa mga pulong.
12 Kailangan lalo na ng mga matatanda at mga ministeryal na lingkod na maging palaisip sa kanilang personal na organisasyon. Dahilan sa maraming dapat na gawin, maging sa sekular na paraan at sa kongregasyon, “ang higit na mahahalagang mga bagay” kung minsan ay nakakaligtaan o nailalagay sa isang tabi. (Fil. 1:10) Ang paggamit sa mungkahi na magkaroon ng listahan ng mga bagay na dapat unahin ay tunay na kapakipakinabang. Nasubukan na ba ninyo ito? May isang kapatid na nagtataglay ng isang listahan at nirerepaso iyon bago magtungo sa bawa’t pulong. Sa ganitong paraan ay malaki ang kaniyang nagagawa at nakatitiyak na naisasagawa ang kinakailangang bagay sa kongregasyon.
13 Kailangang magkaroon ang mga matatanda ng isang mabuting sistema ng pag-iingat ng mga sulat ng kongregasyon. Ang pag-iingat ng papeles ay nakalilito kung minsan at napakahirap kung hindi organisado. Makabubuti kung gayon, na palaging gumamit ng ilang minuto sa pag-aayos sa mga papeles na kailangang ingatan o ibigay sa kinauukulan at alisin na yaong maaaring sirain. Kung may mga sulat kayo na kailangang ipasa sa ibang matatanda, tiyaking ipasa iyon sa mabilis na paraan. Ang paglalagay ng mga sulat sa inyong bag o sa isang hiwalay na sobre o folder ay makatutulong sa inyo na masubaybayan ang mga ito at ang iba pang materyal na nangangailangan ng pansin. Sa ganitong paraan, ang mahahalagang papeles ay hindi mawawala o makakaligtaan.
ORGANISASYON—ISANG ALIPIN, HINDI ISANG PANGINOON
14 Pagkatapos na repasuhin ang inyong eskedyul, tiyakin kung gaano kalaking pagsasaayos ang kinakailangan ninyo. Hindi natin nanaising maging masyadong perpeksyonista, labis kung mag-organisa ng ating personal na pamumuhay hanggang sa punto na wala nang dako para sa pagbabago. Tandaan, tayong lahat ay mga indibiduwal at bawa’t isa sa atin ay may nagkakaibang kalagayan. Ang iba sa atin ay walang asawa, ang iba ay mayroon. Kung ano ang uubra sa isang pamilya ay maaaring hindi naman sa iba. Sa personal na organisasyon ay kailangang isaalang-alang ang ating indibiduwal at pampamilyang mga kalagayan. Maging maunawain at nakikibagay alinsunod sa mga simulain ng Bibliya na magsisilbing patnubay ninyo sa pagkakaroon ng isang matagumpay na eskedyul.—Tingnan Ang Bantayan ng Setyembre 15, 1988, mga pahina 28-30; Gumising! ng Disyembre 8, 1987, mga pahina 24-7; at Gumising! ng Disyembre 22, 1965, mga pahina 9-12.
15 Sa nakaraang mga taon, ang paggawang simple sa ilang bagay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga simulain ng mabuting kaayusan ay nagpangyaring higit na mabisa ang pagkilos ng makalupang organisasyon ni Jehova. Nadarama ng ilan na sila’y may mga pamamaraan na higit na magiging mabuti para sa kanila. Nais nilang ang Samahan ay magpasigla sa iba pa na gamitin ang gayon ding pamamaraan, subali’t kadalasang ang mga ito ay sinubukan na at iwinaksi dahilan sa ang mga ito ay hindi praktikal sa pang-organisasyonal na paraan. Alang-alang sa kapakanan ng pagkakaisa at kahusayan, katalinuhan kung gayon na sundin ang sinang-ayunang pamamaraan ng organisasyon, na sinusunod ang mga paraan na nauunawaan at ginagamit ng iba pa na maaaring maapektuhan ng inyong gawain.
16 Si Jehova ay isang Diyos ng kaayusan at kapayapaan. (1 Cor. 14:33, 40) Siya ay nagtakda ng isang panahon upang isakatuparan ang kaniyang kalooban at layunin. (Gawa 1:7) Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, maibigin niyang binalangkas kung ano ang kailangan natin bilang mga di sakdal na tao. Sa pamamagitan ng kaniyang patnubay mula kay Jesu-Kristo sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin,” si Jehova ay naglaan ng nakatutulong na mga tagubilin kung papaano isasakatuparan ang pinakamahalagang gawain na isinasagawa ngayon. (Mat. 24:45-47; 28:19, 20; Ecles. 12:13) Kaya sa pamamagitan ng pagsunod sa maka-Kasulatang payo na masusumpungan sa mga publikasyong ng Samahan, lakip na ang napapanahong paalaala na nasa insert na ito, tayo ay magiging lalong organisado upang lubusang ganapin ang ating ministeryo.—2 Tim. 4:5.