Isentro ang Inyong Buhay sa Paglilingkod kay Jehova
1 Itinulad ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig sa dalawang uri ng tagapagtayo. Itinayo ng isa ang paraan ng kaniyang pamumuhay sa ibabaw ng malaking bato ng pagsunod kay Kristo at nakatagal ito sa mga bagyo ng pagsalansang at kapighatian. Ang iba naman ay nagtayo sa buhangin ng sakim na pagsuway at hindi nakatagal pagsapit ng panggigipit. (Mat. 7:24-27) Sa pamumuhay sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, nakararanas tayo ng maraming bagyo ng kahirapan. Sa dakong abot-tanaw ay mabilis na namumuo ang maitim na ulap ng malaking kapighatian. Makapagtitiis ba tayo hanggang sa katapusan na hindi natitinag ang ating pananampalataya? (Mat. 24:3, 13, 21) Ang kalakhang bahagi nito ay depende sa kung paano tayo namumuhay sa ngayon. Kaya, mahalagang itanong natin sa ating sarili, ‘Ginagawa ko bang matatag ang aking Kristiyanong pamumuhay sa pamamagitan ng masunuring paglilingkod sa Diyos?’
2 Ano ang ibig sabihin ng pagtataguyod ng ating buhay sa paglilingkod kay Jehova? Ito’y nangangahulugan na ginagawa nating pinakasentro ng ating buhay si Jehova. Lakip dito ang pagtutuon sa Kaharian bilang ating pangunahing interes. Kakailanganin dito ang pagsunod sa Diyos sa lahat ng gawain sa ating pang-araw-araw na buhay. Ito’y nangangahulugan ng pagiging buong-puso sa ating personal, pampamilya, at pangkongregasyong pag-aaral ng Bibliya at sa ating ministeryo sa larangan, na inuuna ang mga ito. (Ecles. 12:13; Mat. 6:33) Ang gayong masunuring landasin ay nagbubunga ng isang kasintigas-ng-batong pananampalataya na hindi babagsak sa paghampas ng anumang bagyo ng kahirapan.
3 Kasiya-siyang makita ang milyun-milyong tao na may pagtitiwalang nagtataguyod ng kanilang buhay at ng kanilang pag-asa sa kinabukasan sa paglilingkod sa Diyos, gaya ng ginawa ni Jesus. (Juan 4:34) Sila’y sumusunod sa isang di-nagbabagong iskedyul ng teokratikong mga gawain at bilang resulta ay nagtatamasa ng mayamang mga pagpapala. Isang ina ang nagpaliwanag kung paanong siya at ang kaniyang asawa ay naging matagumpay sa pagpapalaki sa kanilang dalawang anak na lalaki upang maglingkod kay Jehova: “Pinuno namin ang aming buhay ng katotohanan—nagtutungo sa lahat ng kombensiyon, naghahanda at dumadalo sa mga pulong, at ginagawang isang regular na bahagi ng aming buhay ang paglilingkod sa larangan.” Dagdag pa ng kaniyang asawa: “Ang katotohanan ay hindi bahagi ng aming buhay, ito ay aming buhay. Ang lahat ng iba pang bagay ay umiikot sa palibot nito.” Inilalagay rin ba ninyo ang paglilingkod kay Jehova bilang ang pinakapangunahing bagay sa inyong pamilya?
4 Gumawa ng Isang Maisasakatuparan na Lingguhang Iskedyul: Ang organisasyon ni Jehova ay tumutulong sa atin na sundin ang isang mabuting espirituwal na rutin sa pamamagitan ng pagsasaayos ng limang pulong sa isang linggo. Ang mga Kristiyano na nagtataguyod ng kanilang buhay sa pagsamba kay Jehova ay nagsasaayos ng kanilang sekular at pampamilyang mga gawain upang madaluhan nila ang lahat ng mahahalagang pagpupulong na ito. Hindi nila pinahihintulutan ang mga bagay na hindi masyadong mahalaga na makahadlang sa kanilang regular na pagdalo.—Fil. 1:10; Heb. 10:25.
5 Kinikilala ng mga may-gulang na Kristiyano na kung paanong mahalaga ang pagkain nang regular sa tamang panahon bawat araw, gayon kahalaga ang pagkakaroon ng isang tiyak na iskedyul para sa personal at pampamilyang pag-aaral, lakip na ang paghahanda para sa mga pulong. (Mat. 4:4) Makapaglalaan ba kayo ng 15- o 20-minuto man lamang bawat araw para sa personal na pag-aaral? Ang susi ay ang huwag pahintulutang agawin ng ibang bagay ang panahon na inilaan ninyo para sa pag-aaral. Gawin ninyo itong isang kapaki-pakinabang na kaugalian. Baka kakailanganing bumangon nang mas maaga tuwing umaga kaysa ginagawa ninyo ngayon. Ang 17,000 miyembro ng pamilyang Bethel sa buong daigdig ay bumabangon nang maaga para sa pagtalakay ng teksto bawat araw. Sabihin pa, ang pagbangon nang maaga ay humihiling ng makatuwirang oras ng pagtulog sa gabi upang mapasimulan ang susunod na araw na nakahanda at nakapahinga.
6 Kung kayo ay isang ulo ng pamilya, pangunahan ang pagpaplano at pag-oorganisa sa iskedyul ng teokratikong gawain ng inyong pamilya. Ang ilang pamilya ay sama-samang nagbabasa ng Bibliya, ng Yearbook, o ng ibang publikasyon habang sila’y nagpapahingalay pagkatapos ng hapunan. Maraming magulang na nakakitang ang kanilang mga anak ay lumalaki tungo sa pagiging mga Kristiyano na malalakas sa espirituwal ang nagsasabi na ang isang salik na nakatutulong sa kanilang tagumpay ay ang kaugalian ng pamilya na magtalaga ng isang gabi bawat linggo upang tamasahin ang nakapagpapatibay na panahon ng espirituwal na pagsasamahan. Ang isa sa gayong ama ay nagsabi: “Sa palagay ko ang espirituwal na pagsulong ng aming mga anak sa kalakhang bahagi ay dahilan sa aming regular na pag-aaral ng pamilya kung Miyerkules ng gabi, na nagpasimula mga 30 taon na ang nakararaan.” Ang lahat ng tatlo niyang anak ay nabautismuhan sa murang edad, at nang maglaon ang lahat ng tatlong ito ay pumasok sa buong-panahong ministeryo. Bukod pa sa pampamilyang pag-aaral, ang mga presentasyon sa paglilingkod sa larangan o ang mga bahagi sa pulong ay maaaring ensayuhin, at ang iba pang kanais-nais na gawain ay maaaring tamasahing magkakasama.
7 Sa inyong lingguhang iskedyul, ‘binili na ba ninyo ang panahon’ para sa pangangaral ng Kaharian? (Col. 4:5) Ang karamihan sa atin ay abala sa buhay, may mga pananagutang kailangang asikasuhin sa pamilya at sa kongregasyon. Kung hindi tayo gagawa ng tiyak na mga kaayusan upang makabahagi sa pangangaral at gawaing pagtuturo bawat linggo, napakadaling masikil ng iba pang mga bagay ang mahalagang gawaing ito. Ang may-ari ng malaking rantso ng bakahan ay nagsabi: “Mga 1944 nang maunawaan kong ang tanging paraan para makapaglingkod ako ay ang mag-iskedyul ng isang tiyak na araw para dito. Hanggang sa araw na ito ay naglalaan ako ng isang araw sa loob ng sanlinggo para sa paglilingkod.” Nasumpungan ng isang Kristiyanong matanda na ang pagkakaroon ng isang tiyak na iskedyul para sa pagpapatotoo ay nagpapangyari sa kaniya na magkaroon ng aberids na 15 oras isang buwan sa gawaing pangangaral. Kung siya ay may anumang trabaho sa Sabado, ito’y iniiskedyul niya pagkatapos ng kaniyang paglilingkod sa larangan sa umaga. Maaari bang mag-iskedyul kayo at ang inyong pamilya ng kahit na isang araw bawat linggo para sa paglilingkod sa larangan, na ginagawang bahagi ito ng inyong espirituwal na paraan ng pamumuhay?—Fil. 3:16.
8 Suriin ang Rutin ng Inyong Pamumuhay: May mga bagay na humahadlang sa pagsesentro ng ating buhay sa paglilingkod kay Jehova. Ang di-inaasahang mga pangyayari ay maaaring makagambala sa ating maingat na isinaplanong iskedyul ng pag-aaral, mga pulong, at paglilingkuran. At gagawin ng ating Kaaway, si Satanas, ang lahat ng magagawa niya upang “humarang sa ating landas” at sirain ang ating mga plano. (1 Tes. 2:18; Efe. 6:12, 13) Huwag ninyong pahihintulutan na ang mga hadlang na ito ay makasira ng inyong loob, upang sumuko kayo. Gawin ang anumang kinakailangang mga pagbabago upang magampanan ang nakaiskedyul ninyong teokratikong gawain. Ang determinasyon at pagpupunyagi ay mahalaga upang maisagawa kung ano ang tunay na kapaki-pakinabang.
9 Huwag nating pahihintulutan ang makasanlibutang mga impluwensiya at ang masamang hilig ng ating di-sakdal na laman ay makapagpasok ng mga gawaing walang kinalaman sa espirituwal na magpapangyaring umubos nang umubos sa ating panahon at atensiyon. Ang pagsusuri sa sarili ay kailangan, na ginagamit ang mga katanungang gaya ng: ‘Ang landasin ba ng aking pamumuhay ay unti-unting nagiging di-timbang o nalilihis, wika nga? Naisesentro ko na ba ang aking buhay sa lumilipas na mga bagay ng sanlibutang ito? (1 Juan 2:15-17) Gaano kalaking panahon ang nagagamit ko sa pagtataguyod ng personal na mga hangarin, paglalakbay upang magliwaliw, gawaing pampalakasan, o iba pang paglilibang—lakip na ang panonood ng telebisyon o pagbabasa sa pamamagitan ng Internet—kung ihahambing sa panahong ginagamit sa mga gawaing espirituwal?’
10 Kung napansin ninyo na ang inyong buhay ay ginigipit ng parami nang paraming di-mahahalagang gawain, ano ang nararapat gawin? Kung paanong idinalangin ni Pablo ang “pagkakabalik sa ayos” ng kaniyang mga kapatid o ‘pagkakadala sa wastong ayos,’ bakit hindi taimtim na humingi ng tulong kay Jehova upang muling maisentro kayo sa paglilingkod sa kaniya? (2 Cor. 13:9, 11, talababa sa Ingles.) Pagkatapos ay maging determinadong mamuhay ayon sa inyong kapasiyahan at gumawa ng kinakailangang mga pagbabago. (1 Cor. 9:26, 27) Tutulungan kayo ni Jehova na huwag lumiko sa kanan o sa kaliwa sa masunuring paglilingkod sa kaniya.—Ihambing ang Isaias 30:20, 21.
11 Manatiling Abala sa Maligayang Paglilingkod sa Diyos: Milyun-milyon ang lubos na nagsusumakit sa paghanap ng kaligayahan upang matuklasan lamang na habang ang katapusan ng buhay ay palapit na, ang materyal na mga bagay na may pananabik nilang hinanap ay hindi nagdulot sa kanila ng namamalaging kaligayahan. Ito ay “paghahabol sa hangin.” (Ecles. 2:11) Sa kabilang dako, kapag ating iningatan ang ating buhay na nakasentro kay Jehova, ‘na laging inilalagay siya sa harapan natin,’ tayo ay nakadarama ng malaking kasiyahan. (Awit 16:8, 11) Totoo ito sapagkat si Jehova ang tunay na dahilan ng ating pag-iral. (Apoc. 4:11) Kung wala siya, ang Dakilang Tagapaglayon, ang buhay ay walang kabuluhan. Ang paglilingkod kay Jehova ang pumupuno sa ating buhay ng kanais-nais, may-layuning gawain na nagbibigay ng kapakinabangan sa atin at sa iba sa namamalaging paraan, oo, sa walang-hanggang paraan.
12 Mahalaga na huwag maging kampante anupat hindi na natin madama ang pagiging apurahan hinggil sa mabilis na pagdating ng katapusan ng sanlibutan ni Satanas. Ang ating pang-araw-araw na pamumuhay ay naiimpluwensiyahan ng ating pangmalas sa kinabukasan. Ang mga tao noong kaarawan ni Noe, na hindi naniwalang magkakaroon ng pandaigdig na baha, ay ‘hindi nagbigay-pansin,’ kundi nagsentro ng kanilang pang-araw-araw na buhay sa pagtataguyod ng personal na mga hangarin—kumakain at umiinom, at nag-aasawa—hanggang sa dumating ang baha “at tinangay silang lahat.” (Mat. 24:37-39) Sa ngayon, ang mga nagsesentro ng kanilang buhay sa sanlibutang ito ay makasasaksi na ang kanilang kinabukasan ay guguho sa harapan nila sa pinakamalaking pagkawasak na kailanma’y mararanasan ng tao, “ang araw ni Jehova.”—2 Ped. 3:10-12.
13 Magpatuloy kung gayon na isentro ang inyong buhay sa nabubuhay na Diyos, si Jehova, at sa pagsasagawa ng kaniyang kalooban. Walang pamumuhunan na maaari ninyong gawin sa buhay na ito na may gayong maaasahang Tagatangkilik gaya ni Jehova. Hindi siya maaaring magsinungaling—siya’y tutupad sa kaniyang mga pangako. (Tito 1:2) Hindi siya maaaring mamatay—walang inilalagak kay Jehova ang nawawala. (Hab. 1:12; 2 Tim. 1:12) Ang masunurin at may-pananampalatayang pamumuhay na ating pinagyayaman ngayon ay pasimula lamang ng isang buhay na mamamalagi nang walang hanggan sa maligayang paglilingkod sa ating maligayang Diyos!—1 Tim. 1:11; 6:19.
[Blurb sa pahina 3]
“Ang katotohanan ay hindi bahagi ng aming buhay, ito ay aming buhay. Ang lahat ng iba pang bagay ay umiikot sa palibot nito.”