Gumawi sa Paraang Karapat-dapat sa Mabuting Balita
1 Bilang mga Saksi ni Jehova, nais nating magdala ng karangalan sa pangalan ni Jehova. Nalalaman natin na ang ating paggawi, pananalita, pag-aayos, at pananamit ay maaaring maka-impluwensiya sa kung papaano minamalas ng iba ang tunay na pagsamba. Ito’y totoo lalo na sa ating mga pulong. Nais nating tiyaking ang lahat ng sinasabi at ginagawa sa mga pulong ay karapat-dapat sa mabuting balita at magdadala ng karangalan kay Jehova.—Fil. 2:4.
2 Ang mga pamantayan ng sanlibutan sa pananamit at pag-aayos ay naging malabo sa maraming lugar. Ang bagay na ito ay dapat bigyan ng maingat na pansin ng mga ministro ng mabuting balita. Ang Hunyo 1, 1989, ng Bantayan, sa pahina 20 ay nagsabi: “Ang ating pananamit ay hindi naman kailangang maging mamahalin, subalit ito’y dapat na malinis, nasa ayos, at may kahinhinan. Ang ating sapatos ay dapat ding nasa mabuting ayos at kaaya-ayang pagmasdan. Gayundin, sa lahat ng pulong, kasali na ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, ang ating katawan ay dapat na malinis, at tayo’y dapat nakadamit nang maayos at angkop.”
3 Ang pagiging nasa oras ay tanda ng maibiging konsiderasyon at pagkamaalalahanin. Sa pana-panahon, ang mga di maiiwasang kalagayan ay maaaring humadlang sa atin sa pagdating sa pulong nang nasa oras. Subalit ang kinaugaliang pagdating nang huli ay maaaring magpakita ng kakulangan ng paggalang sa banal na layunin ng mga pulong. Gayundin, ang mga huli kung dumating ay kadalasang nakagagambala sa iba at humahadlang sa kanila sa pagtatamo ng lubusang kapakinabangan mula sa programa. Ang pagiging nasa oras ay nagpapakita ng paggalang sa damdamin at interes ng lahat ng dumadalo.
4 Ang pag-ibig sa ating kapuwa ay dapat na tumulong sa atin na umiwas sa pagiging sanhi ng pagkagambala sa panahon ng mga pulong. Ang pagbubulungan, pagkain, pagnguya ng gum, pag-iingay ng mga papel, di kinakailangang pagpunta sa banyo, ay makagagambala sa iba at mag-aalis sa dignidad na nauukol sa dako ng pagsamba kay Jehova. Hindi angkop para sa kaninuman na magsagawa ng gawain sa kongregasyon o makipag-usap sa iba malibang may ilang pangkagipitang kalagayan na humihiling sa kapatid na umalis sa kanilang upuan. Kung wala, ang lahat ay dapat na nakaupo at nakikinig sa programa upang makinabang sila at ang kanilang pamilya. Ang masamang pag-uugali ay walang dako sa Kingdom Hall sapagkat ang “pag-ibig ay . . . hindi gumagawi nang hindi disente.”—1 Cor. 13:4, 5; Gal. 6:10.
5 Ang mainam na asal ng ating mga anak sa mga pulong ay nagdadala rin ng karangalan sa pangalan ni Jehova. Ang maingat na pangangasiwa ng mga magulang ay mahalaga. Ang mga anak ay dapat pasiglahing makinig at makibahagi. Pinipili ng maraming magulang na may maliliit na anak na umupo sa lugar na madali silang makalalabas at maasikaso ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak nang hindi nakagagambala sa iba.
6 Si Pablo ay nagpayo: “Gumawi kayo sa paraang karapat-dapat sa mabuting balita.” (Fil. 1:27) Kung gayon, ating pagsikapang maging magalang at makonsiderasyon sa iba kapag dumadalo sa mga pulong.