Mabuting Asal—Isang Katangian ng Makadiyos na mga Tao
1 Bihira na sa ngayon ang mabuting asal. Bakit kaya gayon? Ang mga tao ay masyadong nagmamadali anupat bihira na nilang maisip ang mga simpleng pagpapakita ng paggalang, gaya ng pagsasabi ng “Pakisuyo,” “Salamat po,” o “Ipagpaumanhin po.” Sa pangkalahatan, ang kawalan ng pakundangan at kawalan ng konsiderasyon ay tila nananaig sa lipunan ng tao. Inihula ng Salita ng Diyos ang paglalâ ng mga asal sa mga huling araw nang sabihin nito na ang mga tao ay magiging ‘mga maibigin sa kanilang sarili, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga walang utang-na-loob, mga walang likas na pagmamahal, mga walang pagpipigil sa sarili, mga walang pag-ibig sa kabutihan, at mga matigas ang ulo.’ (2 Tim. 3:1-4) Ang lahat ng katangiang iyon ay nagbubunga ng masasamang asal. Bilang makadiyos na mga tao, ang mga Kristiyano ay dapat na maging mapagbantay upang hindi sila mahawa sa kawalan ng paggalang ng sanlibutan sa iba.
2 Ano ba ang Asal? Ang mabuting asal ay mailalarawan bilang ang matalas na kabatiran sa damdamin ng iba, ang kakayahang mamuhay nang payapa kasama ng iba. Ang mga aspekto ng mabuting asal ay ang pagkamakonsiderasyon, pagkamagalang, kabaitan, mapagpitagan, pagkamataktika, at pagkamaalalahanin. Ang mga katangiang ito ay nag-uugat sa pag-ibig ng isa sa Diyos at sa kapuwa. (Luc. 10:27) Walang bayad ang mga ito, ngunit napakahalaga ng mga ito sa pagpapabuti ng ating kaugnayan sa iba.
3 Si Jesu-Kristo ang nagbigay ng sakdal na halimbawa. Sinunod niya ang makadiyos na mga pamantayan. Ni minsan ay hindi siya nagkamali sa kaniyang asal. Lagi niyang isinasagawa ang Ginintuang Alituntunin: “Kung ano ang ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.” (Luc. 6:31) Hindi ba tayo namamangha sa pagkamaalalahanin ni Jesus at sa maibiging paraan ng pakikitungo niya sa kaniyang mga alagad? (Mat. 11:28-30) Ang kaniyang mabuting asal ay hindi hinalaw mula sa mga alituntuning nakatakda sa mga aklat tungkol sa wastong paggawi. Nagmula iyon sa isang taimtim at mapagbigay na puso. Nilinang ni Jesus ang mabuting asal mula sa kaniyang pagkabata at sa pamamagitan ng pagkakapit ng makadiyos na mga simulain. Dapat na sikapin nating tularan ang kaniyang mainam na halimbawa.
4 Kailan kailangan ng mga Kristiyano ang mabuting asal? Sa mga pantanging okasyon lamang ba, kapag nais mong magpakita ng mabuting impresyon? Kailangan lamang ba ang mga iyon kapag tinatangkang impluwensiyahan ang iba? Hindi! Dapat nating ipamalas ang mabuting asal sa lahat ng panahon. Sa anu-ano bang partikular na paraan kailangan nating maging palaisip sa bagay na ito sa ating pakikipagsamahan sa isa’t isa sa kongregasyon?
5 Sa Kingdom Hall: Ang Kingdom Hall ay ating dako ng pagsamba. Naroroon tayo dahil sa paanyaya ng Diyos na Jehova. Sa diwang iyan, tayo ay mga panauhin. (Awit 15:1) Tayo ba ay mga ulirang panauhin kapag pumaparoon tayo sa Kingdom Hall? Binibigyan ba natin ng kaukulang pansin ang ating pananamit at pag-aayos? Tiyak na nanaisin nating iwasan ang kagayakang di-pormal o kaya’y labis-labis. Dumadalo man sa mga kombensiyon o sa ating lingguhang mga pagpupulong sa kongregasyon, ang bayan ni Jehova ay kilalá sa kanilang masinop na kaanyuan na naaangkop sa mga nag-aangking nagpipitagan sa Diyos. (1 Tim. 2:9, 10) Sa gayon ay nagpapakita tayo ng nararapat na konsiderasyon at paggalang kapuwa sa ating makalangit na Punong-Abala at sa ibang mga panauhin na inanyayahan.
6 Ang isa pang paraan ng pagpapakita natin ng mabuting asal may kaugnayan sa mga pulong ay ang pagdating sa tamang oras. Totoo, hindi ito laging madali. Maaaring ang ilan ay nakatira sa malayo o maaaring may malalaking pamilya na tinutulungang maghanda. Ang kanilang pagsisikap na makadalo nang regular sa mga Kristiyanong pagpupulong ay tunay na kapuri-puri. Gayunman, napansin na sa ilang kongregasyon ay may 25 porsiyento ng mga mamamahayag ang nakaugalian nang dumating pagkaraan ng pambukas na awit at panalangin. Ito ay seryosong bagay. Dapat nating tandaan na ang mabuting asal ay may kaugnayan sa ating kabatiran sa damdamin ng iba. Isinaayos ni Jehova, ang ating magandang-loob na Punong-Abala, ang mga espirituwal na piging na ito para sa ating kapakinabangan. Ipinakikita natin ang ating pagpapahalaga at pagkabahala sa kaniyang damdamin sa pamamagitan ng pagdating sa tamang oras. Isa pa, ang pagdating nang huli sa mga pulong ay nakagagambala at nagpapakita ng kawalang-galang sa mga naroroon na.
7 Kapag tayo ay nagtitipon, pinapansin ba natin ang mga bagong dumadalo? Ang pagtanggap sa kanila ay bahagi ng paggalang. (Mat. 5:47; Roma 15:7) Ang isang malugod na pagbati, isang mainit na pakikipagkamay, isang magiliw na ngiti—pawang maliliit na bagay, ngunit nakadaragdag ang mga ito sa pagkakakilanlan sa atin bilang tunay na mga Kristiyano. (Juan 13:35) Matapos dumalo sa isang Kingdom Hall sa kauna-unahang pagkakataon, sinabi ng isang lalaki: “Nakilala ko ang mas maraming tunay na mapagmahal na mga tao, mga hindi ko talaga dating kakilala, sa loob ng isang araw kaysa sa mga nakilala ko sa simbahan kung saan ako pinalaki. Maliwanag na nasumpungan ko na ang katotohanan.” Bilang resulta, binago niya ang landas ng kaniyang buhay, at pagkaraan ng pitong buwan ay nabautismuhan siya. Oo, ang mabuting asal ay may malalaking epekto!
8 Huwag kaligtaan ang mga may-edad at may-kapansanan na kasa-kasama natin. Kung magalang tayo sa mga hindi natin kakilala, hindi ba dapat na ganoon din tayo “lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya”? (Gal. 6:10) Ang simulain ay kumakapit: “Pakukundanganan mo ang pagkatao ng isang matanda.” (Lev. 19:32) Huwag nawa kailanman ipagwalang-bahala ang gayong mga tao sa ating mga pagtitipon.
9 Pagbibigay ng Matamang Pansin: Hinihiling ng mabuting asal na makinig tayong mabuti kapag may ibinibigay na espirituwal na tagubilin. Sa panahon ng mga pulong ng kongregasyon, nagsasalita ang mga Kristiyanong ministro ng Diyos upang maibahagi ang ilang espirituwal na kaloob na makapagpapatibay sa atin. (Roma 1:11) Isa ngang pagpapamalas ng kawalang-galang sa ating bahagi kung tayo ay iidlip, maingay na ngunguya ng chewing gum, paulit-ulit na bubulong sa nakaupo sa ating tabi, magpaparoo’t parito sa palikuran kahit hindi kinakailangan, magbabasa ng materyal na walang kaugnayan sa tinatalakay, o mag-aasikaso ng ibang mga bagay sa panahon ng pulong. Ang matatanda ay dapat na maging uliran sa bagay na ito. Ang mabuting Kristiyanong asal ay mag-uudyok sa atin na magpakita ng wastong paggalang sa tagapagsalita at sa kaniyang salig-Bibliyang mensahe sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng ating di-nababahaging pansin.
10 Isa pa, bilang pagpapakita ng konsiderasyon kapuwa sa tagapagsalita at sa mga tagapakinig, dapat na huwag nating hayaang makagambala sa ating mga pulong ang mga electronic pager at mga cellular telephone.
11 Ang Asal at ang mga Anak: Ang mga magulang ay dapat na maging laging alisto sa paggawi ng kanilang mga anak sa Kingdom Hall. Kung ang isang bata ay magsimulang umiyak o maging malikot sa panahon ng pulong at ito ay nakagagambala sa iba, makabubuting ilabas ang bata sa lalong madaling panahon mula sa bulwagan upang patahimikin siya. Kung minsan ay mahirap gawin ito, ngunit tandaan, ito ay nagpapakita na alisto ka sa damdamin ng iba. Ang mga magulang na may maliliit na anak na maaaring maging malikot ay kadalasang pinipiling maupo sa gawing likuran ng bulwagan upang hindi makagambala hangga’t maaari sa marami sakaling kailanganing tumayo sila sa panahon ng pulong. Sabihin pa, ang iba pa sa mga dumadalo ay makapagpapakita ng angkop na konsiderasyon sa mga pamilya sa pamamagitan ng pag-iiwang bakante sa mga upuan sa likuran upang magamit nila, kung nanaisin.
12 Dapat na alam din ng mga magulang ang iginagawi ng kanilang mga anak bago at pagkatapos ng mga pulong. Ang mga bata ay hindi dapat nagtatakbuhan sa loob ng gusali, yamang maaari itong makaaksidente. Ang pagtatakbuhan sa palibot ng labas ng Kingdom Hall ay maaaring maging mapanganib din, lalo na sa gabi kapag mahirap nang makita ang mga bagay-bagay. Ang malakas na pag-uusap sa labas ay maaaring makagambala sa mga kapitbahay at magdulot ng negatibong impresyon sa ating pagsamba. Ang mga magulang na gumagawa ng taimtim na pagsisikap na pangasiwaan ang kanilang mga anak kapuwa sa loob at labas ng Kingdom Hall ay marapat papurihan sapagkat ito ay nakadaragdag sa pagiging kaiga-igaya ng ating pananahanang magkakasama sa pagkakaisa.—Awit 133:1.
13 Sa Pag-aaral ng Aklat: Pinahahalagahan natin ang pagkamapagpatuloy ng ating mga kapatid na binubuksan ang kanilang mga tahanan para sa mga pulong ng kongregasyon. Maaari itong magsangkot ng malaki-laking paghahanda at kaabalahan sa kanila. Kapag dumadalo, kailangan tayong magpamalas ng mabuting asal at magpakita ng paggalang at konsiderasyon sa kanilang mga ari-arian. Bago pumasok, dapat na ipunas nating maigi ang ating mga sapatos upang maiwasang marumhan ang sahig o alpombra. Dapat subaybayan ng mga magulang ang kanilang mga anak, anupat tinitiyak na nananatili sila sa bahagi ng bahay na inilaan para sa pag-aaral sa aklat. Bagaman ang grupo ay maliit lamang at ang kalagayan ay medyo di-pormal, hindi tayo dapat kumilos nang walang pakundangan sa tahanan ng iba. Dapat samahan ng magulang ang maliit na anak kung gagamitin nito ang palikuran. Karagdagan pa, yamang ang pag-aaral sa aklat ay isang pulong ng kongregasyon, dapat tayong manamit gaya ng pananamit natin kapag nagtutungo sa Kingdom Hall.
14 Ang Mabuting Asal ay Mahalaga: Ang pagpapakita ng Kristiyanong asal ay hindi lamang nagdudulot ng mabubuting impresyon sa ating ministeryo kundi nagtataguyod ng mabubuting ugnayan sa iba. (2 Cor. 6:3, 4, 6) Bilang mga mananamba ng maligayang Diyos, dapat na maging madali para sa atin na ngumiti, makibagay, at kahit gumawa ng maliliit at may-kabaitang mga bagay na nagdudulot ng kagalakan sa iba. Ang mabubuting katangiang ito ay magpapalamuti sa ating buhay bilang makadiyos na mga tao.