Mag-ukol ng Sagradong Paglilingkod Araw at Gabi
1 Isang pambihirang pribilehiyo ang ibinigay sa atin. Tayo ay bahagi ng pambuong daigdig na organisasyon ng mga ebanghelisador na ginagamit ni Jehova upang isakatuparan ang pinakadakilang gawaing paghahayag ng Kaharian na naisagawa kailanman! (Mar. 13:10) Tayo ba’y nakikibahagi sa gawaing ito sa abot ng ating kaya?
2 Hindi natin nababatid kung gaano karami sa wakas ang tutugon pa sa ating pangangaral. Tinitiyak sa atin ni Jehova na iyon ay magiging “isang malaking pulutong” na pawang ‘nag-uukol ng sagradong paglilingkod sa kaniya araw at gabi.’ (Apoc. 7:9, 15) Ang limang milyong Saksi ay hindi lamang basta mga tagapakinig, ni sila’y basta mga dumadalo sa pulong. Sila’y mga manggagawang naghahayag ng mabuting balita sa buong daigdig!
3 Isipin ang dakilang patotoo na maibibigay kung ang bawat isa sa atin ay kukuha ng unang hakbang upang maibahagi ang katotohanan kahit na sa isang tao bawat araw. Sa maikling panahon, ang lahat sa ating teritoryo ay maaaring makausap! Ang ating pagpapahalaga kay Jehova ay dapat na magpakilos sa atin na magsalita tungkol sa kaniya nang may kasiglahan.—Awit 92:1, 2.
4 Tulungan ang Iba na Mag-ukol ng Sagradong Paglilingkod: Sa nakaraang taon ng paglilingkod sa Pilipinas, may aberids na 95,800 pag-aaral sa Bibliya ang idinaos bawat buwan. Ang ating tunguhin ay ang tulungan ang mga taong ito na maging mga alagad ni Jesus. (Mat. 28:19, 20) Marami sa kanila ang nakagawa na ng pagsulong sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa mga pulong. Sila’y nagpasimulang magsalita sa kanilang mga kakilala “tungkol sa mariringal na bagay ng Diyos.” (Gawa 2:11) Sila ba’y maaaring anyayahan ngayon na makibahagi sa pangmadlang ministeryo?
5 Sa Abril dapat tayong gumawa ng pantanging pagsisikap na anyayahan ang mga baguhan na naging kuwalipikado upang sumama sa atin sa paglilingkod sa larangan. Nagpahayag na ba ang inyong estudyante ng pagnanais na gawin ito? Kung gayon, naaabot na ba niya ang maka-Kasulatang mga kahilingan? (Tingnan ang aklat na Ating Ministeryo, pahina 97-9.) Kapag inyong nadaramang kuwalipikado na ang estudyante, ipakipag-usap ito sa punong tagapangasiwa, na magsasaayos ng dalawang matanda upang magsuri sa bagay na ito. Kung kuwalipikado ang estudyante na tanggapin bilang isang di bautisadong mamamahayag, anyayahan siyang sumama sa inyo sa larangan.
6 Maaaring isaalang-alang ng mga magulang kung ang kanilang mga anak ay kuwalipikadong maging di bautisadong mga mamamahayag. (Awit 148:12, 13) Kung ang inyong anak ay nagnanais na magpahayag ng sarili sa paglilingkod sa Kaharian at siya ay may mabuting paggawi, maaaring lapitan ninyo ang isang matanda sa komite ng paglilingkod. Pagkatapos makipagpulong sa inyo at sa bata, titiyakin ng dalawang matanda kung baga kuwalipikado ang inyong anak na maging isang mamamahayag. May pantanging dahilan ukol sa kagalakan kapag ang mga bata ay sumasama sa atin sa pagpuri sa Diyos!
7 Nawa’y ganap na samantalahin ng bawat isa sa atin ang ating kamangha-manghang pribilehiyong purihin si Jehova “nang lubusan.” Huwag nating pahintulutang lumipas ang isang araw nang hindi nag-uukol ng sagradong paglilingkod na ito!—Awit 109:30; 113:3.