Tulungan ang mga Baguhan na Gumawa ng Pagsulong
1 Noong Abril 17, 1992, halos 11.5 milyong mga tao sa buong daigdig ang nagtipon upang ipagdiwang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Kalugod-lugod makita ang gayong pulutong na dumaragsa “sa bundok ni Jehova”! (Mik. 4:2) Sa kasalukuyan ay may mga pitong milyong tao ang nagpapakita ng kaukulang interes sa tunay na pagsamba bagaman hindi pa nagiging mga pangmadlang tagapuri ni Jehova. Tunay na ang mga salita ni Jesus na “ang aanihin ay malaki” ay hindi kailanman naging makahulugan kaysa ngayon!—Mat. 9:37, 38.
2 Sa buwan ng Mayo, tayo ay gagawa ng pantanging pagsisikap na matulungan ang lahat ng mga dumalo sa Memoryal sa taóng ito upang patuloy na sumulong. Ang konduktor ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay gaganap ng pinakasusing papel sa bagay na ito. Ang tatlong bahaging tunguhin natin ay (1) upang magsaayos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga baguhang dumalo sa Memoryal sa taóng ito; (2) upang pasiglahin ang mga nagsisipag-aral na maging kuwalipikado sa pagiging di bautisadong mga mamamahayag; at (3) upang pasulungin ang ating personal na pakikibahagi sa ministeryo sa larangan.
3 May aberids na 91,155 mga pag-aaral sa Bibliya ang idinaos sa Pilipinas bawat buwan noong taon ng paglilingkod ng 1992. Maaaring anyayahan ng mga mamamahayag ang kanilang mga konduktor ng pag-aaral sa aklat na samahan sila sa mga pag-aaral sa Bibliya upang makilala nila ang kanilang mga estudyante. (km 5/81 p. 4) Ang ilan sa mga estudyanteng ito ay maaaring dumadalo na ngayon sa mga pulong at kuwalipikado upang makibahagi sa gawain sa bahay-bahay. Sila ba’y nagpapatotoo nang impormal? Sila ba’y nakatutugon na sa kuwalipikasyon upang maging di bautisadong mga mamamahayag gaya ng binalangkas sa Ating Ministeryo, mga pahina 97-9? Kung gayon, ipaliwanag sa kanila kung papaano sila makapagsisimula sa gawain sa bahay-bahay pagkatapos na maging mga di bautisadong mamamahayag.
4 Hindi natin dapat kaligtaan ang isa’t isa sa ating Kristiyanong pagsasamahan. (Heb. 10:24, 25) Kung may bumabagal sa kanilang ministeryo, dapat na gumawa ng tiyak na kaayusan ang mga konduktor ng pag-aaral sa aklat upang maglaan ng tulong at pampatibay-loob. Kung minsan ang masiglang paanyaya para samahan tayo sa paglilingkod sa larangan ang siya lamang kailangan.
5 Upang ang Mayo ay magawang isang pantanging buwan ng gawain sa paglilingkod sa larangan, kailangan ang pakikipagtulungan ng lahat. Ang masiglang pangunguna ng konduktor ng pag-aaral sa aklat ay mahalaga habang tinutulungan niya ang lahat sa kaniyang grupo na magkaroon ng lubusang bahagi sa ministeryo. Marami ang makikibahagi sa gawain bilang auxiliary payunir. Dagdag na mga pagtitipon bago maglingkod ang maaaring isaayos. Ang mga may edad ay maaaring bigyan ng pantanging atensiyon, at ang mga kabataan ay maaaring matulungan sa mga praktikal na paraan. Dapat na tiyakin ng mga magulang na ang buong pamilya ay makikibahagi sa ministeryo sa Mayo. Kung tayong lahat ay magbibigay ng pinakamabuti para kay Jehova sa panahong ito ng pag-aani, tatamuhin natin ang kaniyang mayamang pagpapala.