Tanong
◼ Ngayong taglay na natin ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, gaano katagal idaraos ang isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya?
Ang Ating Ministeryo sa Kaharian noong Setyembre 1993 ay nagrerekomenda na ang isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay ipagpapatuloy sa isang baguhan hanggang sa ang dalawang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa at Nagkakaisa sa Pagsamba ng Tanging Tunay na Diyos ay mapag-aralan. Ngayong taglay natin ang aklat na Kaalaman, waring makatuwiran na gumawa ng pagbabago sa paraang ito, gaya ng binalangkas sa mga pahina 13 at 14 ng Enero 15, 1996, isyu ng Ang Bantayan.
Ang aklat na Kaalaman ay dinisenyo upang tulungan ang mga “wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan” upang matuto kung ano ang kailangan nilang malaman para makagawa ng pag-aalay kay Jehova at mabautismuhan. (Gawa 13:48) Kaya, pagkatapos na makumpleto ang bagong publikasyong ito, hindi na sana kakailanganin pang pag-aralan ang ikalawang aklat sa gayunding estudyante. Habang sumusulong ang inyong mga estudyante, mapasisigla ninyo silang dagdagan ang kanilang kaalaman sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pulong at sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya at ng iba’t ibang publikasyong Kristiyano.
Kung pamilyar kayo sa mga katanungan sa mga pahina 175 hanggang 218 ng aklat na Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, maaaring makatulong ito. Bagaman hindi ninyo dapat tukuyin ang mga katanungang ito o repasuhin ang mga ito sa estudyante sa Bibliya, makabubuting idiin ang mga punto sa aklat na Kaalaman na magpapangyaring maipahayag ng estudyante ang wastong kaalaman sa saligang mga katotohanan ng Bibliya kapag nirerepaso ng matatanda ang mga katanungan sa mga kandidato sa bautismo.
Kadalasang hindi na kailangang dagdagan pa ang impormasyong nasa aklat na Kaalaman, na nagpapasok ng karagdagang mga pangangatuwiran na nagpapabulaan sa huwad na mga doktrina. Palalawigin lamang nito ang pag-aaral sa mas mahabang yugto ng panahon. Sa halip, inaasahan na makukubrehan kaagad ang aklat, kaypala’y sa loob ng mga anim na buwan. Idiniriin nito ang pangangailangang mag-aral tayo nang patiuna upang maiharap natin ito nang maliwanag at maikli. Dapat na himukin din ang estudyante na mag-aral nang patiuna, tingnan ang mga binanggit na kasulatan, at sikaping unawain kung ano ang itinuturo sa bawat kabanata.
Ang Bantayan ay nagdiriin sa pangangailangan na tayo ay magdaos ng mas mabisang mga pag-aaral sa Bibliya sa mas maikling yugto ng panahon.—Isaias 60:22.