Isang Progresibong Pangmalas sa Apurahang Gawain ng Paggawa ng mga Alagad
1 Bago lisanin ang lupa, ipinag-utos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” Ito’y humihiling sa kanila na magsagawa ng puspusang kampanya ng pangangaral at pagtuturo at palawakin ang kanilang gawain hanggang sa buong tinatahanang lupa. (Mat. 28:19, 20; Gawa 1:8) Minalas ba nila ang komisyong ito bilang isang pabigat—na napakahirap dalhin? Hindi naman ayon kay apostol Juan. Pagkatapos gumugol ng 65 taon bilang isang manggagawa ng alagad, siya’y sumulat: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga kautusan; at gayunma’y ang kaniyang mga kautusan ay hindi nakapagpapabigat.”—1 Juan 5:3.
2 Ang ulat ng Kasulatan hinggil sa gawain ng unang mga Kristiyano ay nagpapatunay na may pagkaapurahan nilang isinakatuparan ang kanilang komisyon na gumawa ng mga alagad ni Jesu-Kristo. (2 Tim. 4:1, 2) Ginawa nila ito, hindi lamang udyok ng tungkulin, kundi dahilan sa kanilang maibiging pagnanais na purihin ang Diyos at magdala ng pag-asa ng kaligtasan sa iba. (Gawa 13:47-49) Dahilan sa ang lahat ng naging mga alagad mula noon ay naging mga manggagawa rin ng alagad, ang Kristiyanong kongregasyon ay mabilis na lumago noong unang siglo.—Gawa 5:14; 6:7; 16:5.
3 Bumibilis ang Gawaing Paggawa ng Alagad: Ang pinakamalaking gawain ng paggawa ng alagad sa lahat ng panahon ay isinasakatuparan sa ika-20 siglong ito! Sa ngayon, milyun-milyong tao na ang tumanggap sa mabuting balita at kumilos kasuwato nito. (Luc. 8:15) Yamang ang panahon ay mabilis na nauubos para sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, “ang tapat at maingat na alipin” ay naglaan sa atin ng mga kasangkapan upang madaling matuto ang tapat-pusong mga tao ng katotohanan.—Mat. 24:45.
4 Noong 1995 ay ating tinanggap ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang Hanggan, at noong 1996 ito ay sinundan ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Hinggil sa aklat na Kaalaman, ang Enero 15, 1996, isyu ng Ang Bantayan, pahina 14, ay nagsabi: “Ang 192-pahinang aklat na ito ay mapag-aaralan sa mas maikling panahon, at yaong mga ‘wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan’ ay dapat na matuto nang sapat sa pag-aaral niyaon upang makapag-alay kay Jehova at mabautismuhan.”—Gawa 13:48.
5 Ang insert ng Hunyo 1996 ng Ating Ministeryo sa Kaharian na “Kung Paano Gagawa ng mga Alagad Taglay ang Aklat na Kaalaman,” ay nagbigay sa atin ng ganitong tunguhin: “Batay sa mga kalagayan at kakayahan ng estudyante, maaaring posible para sa inyo na masaklaw ang karamihan ng mga kabanata sa isang sesyon sa loob ng isang oras o higit pa, nang hindi nagmamadali sa pag-aaral. Ang mga estudyante ay makagagawa ng mas mabuting pagsulong kapag kapuwa ang guro at estudyante ay tumutupad sa kanilang kasunduan para sa pag-aaral bawat linggo.” Ang artikulo ay nagpatuloy ng pagsasabi: “Dapat na asahan na sa panahong natapos ng isang tao ang pag-aaral sa aklat na Kaalaman, ang kaniyang taimtim at matinding interes na paglingkuran ang Diyos ay magiging maliwanag.” Ang “Tanong” sa Oktubre 1996 ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay nagpaliwanag: “Inaasahan na sa loob ng maikling yugto ng panahon, ang isang mabisang guro ay makatutulong sa isang taimtim na karaniwang estudyante na magtamo ng sapat na kaalaman upang gumawa ng matalinong pasiyang maglingkod kay Jehova.”
6 Umaani ng Mabubuting Resulta ang Aklat na Kaalaman: Sa panahon ng bautismo ng isang kabataang babae, inilahad niya kung ano ang kaniyang nadama hinggil sa pag-aaral ng aklat na Kaalaman. Sa mahabang panahon, siya’y nag-aaral ng aklat na Mabuhay Magpakailanman.” Nang ilabas ang aklat na Kaalaman, ang sister na nagdaraos ng pag-aaral sa kaniya ay lumipat sa bagong aklat. Di-natagalan, nakita ng estudyante na kakailanganin niyang gumawa ng desisyon, at mula noon siya’y naganyak na gumawa ng mabilis na pagsulong. Ang kabataang babae, na ngayo’y kapatid na natin, ay nagsabi: “Ang aklat na Mabuhay Magpakailanman ay nakatulong sa akin na ibigin si Jehova, subalit ang aklat na Kaalaman ay nakatulong sa akin na gumawa ng desisyon na paglingkuran si Jehova.”
7 Isaalang-alang kung gaano kabilis natuto ng katotohanan ang isa pang babae. Pagkatapos ng kaniyang ikalawang pag-aaral, siya’y dumalo sa isang pulong sa Kingdom Hall sa panahon ng dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito. Nang linggong iyon, sa kaniyang ikatlong pag-aaral, sinabi niya sa tagapangasiwa ng sirkito na siya’y nag-alay na ng kaniyang sarili kay Jehova at nagnanais na maging isang di-bautisadong mamamahayag. Siya’y nakipag-usap sa matatanda, na nagpahintulot na siya’y maging isang mamamahayag, at nang sumunod na linggo siya’y nagpasimula na sa paglilingkod sa larangan. Ginawa niyang puspusan ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya anupat siya’y nagbakasyon upang makapag-aral ng dalawa o tatlong beses sa isang linggo at makagugol ng higit na panahon sa ministeryo. Kung minsan, sinasaklaw nila ang dalawa o tatlong kabanata sa bawat sesyon. Siya’y nagpasimulang magkapit ng kaniyang natututuhan sa lahat ng bahagi ng kaniyang buhay, natapos sa aklat na Kaalaman sa loob ng apat na linggo, at nabautismuhan!
8 Inilarawan ng asawa ng isang sister ang kaniyang sarili bilang “isang tipikong asawang di-kapananampalataya.” Isang araw, isang kapatid na lalaki ang nag-alok sa kaniya ng pag-aaral sa Bibliya sa aklat na Kaalaman sa kasunduang maaaring umayaw ang lalaki pagkatapos ng unang pag-aaral o kahit na kailan pagkatapos nito. Sumang-ayon ang asawang lalaki na subukan ito, sa kabila ng pagiging isang mahinang estudyante noong kaniyang kabataan at ni hindi nakapag-aral ng anumang relihiyosong literatura sa loob ng mahigit na 20 taon. Ano ang kaniyang reaksiyon sa pag-aaral ng aklat na Kaalaman? Sinabi niya: “Isang tunay na kasiyahan na masumpungang ang pantulong na ito sa Bibliya ay isinulat nang gayong kasimple. Ang impormasyon ay iniharap nang napakaliwanag at napakamakatuwiran anupat di-natagalan ay inaasam-asam ko na nang may malaking pananabik ang susunod naming pag-aaral. May kadalubhasaang sinunod ng aking guro ang pamamaraang binalangkas ng Samahan sa paggawa ng alagad, at sa tulong ng espiritu ni Jehova, ako ay nabautismuhan pagkalipas ng apat na buwan. Tunay na masasabi ko na kung magkakaroon tayo ng pag-ibig sa paggawa ng mga alagad, magpapatuloy sa paghanap sa mga may matuwid na puso sa ministeryo sa larangan, gagamit ng aklat na Kaalaman at iba pang pantulong sa Bibliya na ipinagkakaloob ng Samahan, at higit sa lahat, mananalangin ukol sa patnubay ni Jehova, tataglayin natin ang katangi-tanging pribilehiyo na tumulong sa paggawa ng mga alagad.” Ang mga nabanggit ay talagang di-pangkaraniwang mga karanasan. Ang karamihan sa ating mga estudyante ay hindi sumasapit sa katotohanan sa ganitong kabilis na paraan.
9 Iba’t Iba ang Bilis ng Pagsulong ng mga Estudyante: Dapat kilalanin na ang kakayahan kapuwa ng mga guro at ng mga estudyante ng Salita ng Diyos ay maaaring may malaking pagkakaiba. Ang espirituwal na pagsulong ay maaaring mabagal o mabilis. Ang ilang estudyante ay maaaring sumulong nang mas mabilis kaysa iba. Ang bilis ng pagsulong ng isang tao ay depende sa kaniyang edukasyon, antas ng kaniyang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, at lalim ng kaniyang debosyon kay Jehova. Hindi lahat ng ating inaaralan ay may “buong pananabik ng isip” sa pag-aaral ng Kasulatan araw-araw, gaya ng sinaunang mga taga-Berea na naging mananampalataya.—Gawa 17:11, 12.
10 Kaya naman ang insert ng Abril 1998 ng Ating Ministeryo sa Kaharian na “Kailangan—Mas Maraming Pag-aaral sa Bibliya,” ay nagbibigay ng ganitong makatotohanang direksiyon: “Mangyari pa, hindi pare-pareho ang pagsulong ng bawat estudyante sa Bibliya. Ang ilan ay hindi katulad ng iba na may likas na hilig sa espirituwal o dili kaya’y kasimbilis ng iba sa pag-unawa sa mga bagay na itinuturo. Ang iba ay abalang-abala sa buhay at baka hindi makapaglaan ng kinakailangang panahon upang makubrehan ang buong kabanata bawat linggo. Kaya naman, sa ilang kalagayan ay baka kailangan ang higit sa isang sesyon ng pag-aaral upang makubrehan ang ilang kabanata at ilang karagdagang buwan upang makumpleto ang aklat.”
11 Nag-iingat ng Timbang na Pangmalas ang mga Manggagawa ng Alagad: Mahalaga na ating alamin ang takbo ng pag-aaral ayon sa mga kalagayan at kakayahan ng estudyante. Yamang tayo ay pinasisiglang magpasimula ng mga pag-aaral sa brosyur na Hinihiling, mangangailangan ng dalawa o tatlong buwan para makubrehan ito bago tumungo sa aklat na Kaalaman. Kung ating gagamitin ang lahat ng mungkahing binalangkas sa Hunyo 1996 na insert ng Ating Ministeryo sa Kaharian, baka kakailanganin ang karagdagang anim hanggang siyam na buwan bago matapos ang aklat na Kaalaman. Ang ilan na kauumpisa pa lamang ng pag-aaral sa aklat na Kaalaman ay lumipat sa brosyur na Hinihiling upang tulungan ang estudyante na mas mabilis na makaalam ng saligang mga katotohanan ng Bibliya. Pagkatapos nito ay binabalikang muli ang pag-aaral sa aklat na Kaalaman. Kung ang isang pag-aaral ay napasimulan sa aklat na Kaalaman at ito ay sumusulong nang mabuti, maaaring makabuti kung mag-aaral sa brosyur na Hinihiling kapag nakumpleto na ang aklat, sa gayo’y mabilis na marerepaso ang saligang mga katotohanan ng Salita ng Diyos. Maging ano man ang kalagayan, hindi natin nanaising isakripisyo ang pagkakaroon ng estudyante ng malinaw na kaunawaan dahilan lamang sa pagmamadali. Bawat estudyante ay nangangailangan ng matibay na saligan para sa kaniyang bagong tuklas na pananampalataya sa Salita ng Diyos.
12 Sa pagkaalam kung nasaan na tayo sa agos ng panahon, higit na apurahan kaysa kailanman na tulungan ang iba na makaalam ng katotohanan. Bukod pa sa patuloy na pananalangin para makapagsimula ng mga bagong pag-aaral sa Bibliya, ipanalangin natin yaong mga nakikipag-aral na sa atin. Sa gayo’y magiging kagalakan natin na patuloy na magbautismo ng mga alagad “sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mat. 28:20.