Higit na mga Kapatid na Lalaki ang Kailangan sa Paglilingkurang Payunir
1 Hinimok tayo ni Pablo na ‘palaging magkaroon ng maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.’ (1 Cor. 15:58) Para sa marami, ito’y nangangahulugan ng paglilingkurang payunir. Mula noong Setyembre, 1995 hanggang Marso, 1996, mahigit sa 1,200 ang nadagdag sa ranggo ng mga payunir sa Pilipinas! Walang alinlangan na marami pa ang magpapatala sa Setyembre 1, 1996, ang pasimula ng bagong taon ng paglilingkod!
2 Sa kasalukuyan ang nakararaming bilang ng mga naglilingkod bilang payunir sa bansang ito ay mga kapatid na babae. (Awit 68:11) Kay laking kagalakan para sa kongregasyon kung higit pang mga kapatid na lalaki ang makasasama sa ranggo ng buong-panahong mga lingkod! (Awit 110:3) Maliwanag na maraming kapatid na lalaki ang nangangalaga sa mabibigat na sekular at pampamilyang mga obligasyon. Ang iba ay nagpapagal din upang asikasuhin ang espirituwal na mga pangangailangan ng kongregasyon. Tayo ay nagpapahalaga sa mga lalaking ito na nagpupunyagi sa kapakanan ng Kaharian.—1 Tim. 4:10.
3 Kahit na ganito, maaari bang tamasahin ng lalo pang marami sa inyong mga kapatid na lalaki ang paglilingkurang payunir? Kung ang inyong asawang babae ay nagpapayunir, maaari ba kayong sumama sa kaniya? Kung kayo’y retirado na, hindi ba kayo sasang-ayon na wala ng higit pang kasiya-siyang paraan ng paggamit sa inyong panahon kaysa buong-panahong ministeryo? Kung katatapos lamang ninyo ng high school, gumawa na ba kayo ng dibdiban at may pananalanging pagsasaalang-alang sa pagtatamo ng pribilehiyo ng paglilingkurang payunir bilang isang tuntungang-bato tungo sa karagdagan pang mga pribilehiyo gaya ng paglilingkod sa Bethel?—Efe. 5:15-17.
4 Ipinagbili ng isang kapatid na lalaki ang kaniyang matagumpay na negosyo at kumuha ng bahaging-panahong trabaho upang siya’y makapagpayunir. Dahilan sa kaniyang mainam na pangunguna, tatlo sa kaniyang apat na anak ang naging mga payunir kaagad pagkaraan na sila’y makapagtapos ng pag-aaral. Ang ikaapat ay nananabik na sumama sa kanila. Ang kapatid na ito at ang kaniyang pamilya ay mayamang pinagpala.
5 Bukás ang Isang Malaking Pintuan: Ang paglilingkurang payunir ay maaaring magbukas ng “isang malaking pintuan na umaakay sa gawain.” (1 Cor. 16:9) Ang mga kapatid na lalaking payunir ay maaaring lubos na magamit sa kongregasyon. Ang masigasig na gawain sa larangan ay nakadaragdag sa kanilang espirituwal na paglaki at nakaaabuloy sa kanilang teokratikong pagsulong. Ang pagpapayunir ay maaaring magbukas ng daan para sa karagdagang mga pribilehiyo ng paglilingkod. Ito ay maaaring maging tuntungang-bato para sa paglilingkod sa Bethel. Pagkatapos ng unang taon ng pagpapayunir, naririyan ang pagpapala na makadalo sa Pioneer Service School. Ang mga ministeryal na lingkod at matatanda na walang asawa ay maaaring magsikap upang makadalo sa Ministerial Training School. Oo, ang ministeryo ng pagpapayunir ay nagbubukas ng pintuan tungo sa mas malalaking pribilehiyo ng paglilingkuran sa organisasyon ni Jehova.
6 Ang mga kapatid na lalaki na maaaring magsaayos ng kanilang gawain upang makibahagi sa paglilingkod bilang regular pioneer ay maaaring makaranas ng ibayong kaligayahan na nagmumula sa higit na pagbibigay.—Gawa 20:35.