Mabuting Balita na Nasa Internet
Sa ating panahon, ang ilang tao ay kumukuha ng impormasyon mula sa mga elektronikang pamuhatan. Kaya ang Samahan ay naglagay sa internet ng ilang tumpak na impormasyon hinggil sa mga paniniwala at mga gawain ng mga Saksi ni Jehova.
Ang ating Internet Web site ay may address na http://www.watchtower.org at naglalaman ng hanay ng mga tract, brosyur, at mga artikulo ng Bantayan at Gumising! sa Ingles at sa iba pang mga wika. Ang mga publikasyon sa Web site na ito ay dati nang makukuha sa mga kongregasyon at ang mga ito ay ginagamit na sa ministeryo. Ang layunin ng ating Web site ay upang may makuhang impormasyon ang publiko sa paraang elektronika. Hindi na kailangang maghanda pa ang sinumang indibiduwal ng mga impormasyon sa Internet hinggil sa mga Saksi ni Jehova, sa ating mga gawain, o sa ating mga paniniwala. Ang ating opisyal na site ay naghaharap ng tumpak na impormasyon para sa sinumang nagnanais nito.
Bagaman ang ating site ay walang probisyon para sa elektronikang mga mensahe (E-mail), ito’y may mga direksiyon sa koreo ng mga sangay ng Samahan sa palibot ng globo. Kaya ang mga tao ay makasusulat upang magkaroon ng higit pang impormasyon o tumanggap ng personal na tulong mula sa lokal na mga Saksi. Maaari ninyong kusang ibahagi ang nabanggit na address sa Internet sa sinumang maaaring nagnanais na magpasimulang mag-aral ng katotohanan ng Bibliya sa ganitong paraan.